Balik-Tanaw

Ambag ni Lino Brocka sa pelikulang Pilipino 


Isa sa pinakamalaking ambag ni Lino Brocka ay ang kanyang pagsasalamin sa tunay na kalagayan ng lipunang Pilipino sa kanyang mga pelikula.

Si Catalino “Lino” Ortiz Brocka ay isinilang noong Abril 3, 1939 at kinilala bilang isa sa pinakatanyag at pinakamahusay na direktor sa kasaysayan ng pelikulang Pilipino. 

Sa kanyang makapangyarihang pagkukuwento at matapang na pagtalakay sa mga isyung panlipunan, naiangat niya ang pelikulang Pilipino sa antas ng pandaigdigang entablado.

Isa sa pinakamalaking ambag ni Brocka ay ang kanyang pagsasalamin sa tunay na kalagayan ng lipunang Pilipino sa kanyang mga pelikula.

Sa pamamagitan ng kanyang mga obra tulad ng “Maynila: Sa Mga Kuko ng Liwanag” (1975) at “Insiang” (1976), ipinakita niya ang kahirapan, pang-aapi at katiwalian sa lipunan. Ang “Insiang” din ang naging kauna-unahang pelikulang Pilipino na itinampok sa Cannes Film Festival na nagbigay-daan upang mapansin ang Philippine cinema sa international scene.

Bukod sa husay bilang direktor ng mga pelikula, si Brocka ay isang masigasig na aktibista. Itinatag niya ang Concerned Artists of the Philippines (CAP), isang samahan ng mga artistang naninindigan laban sa sensura at pang-aabuso ng gobyerno.

Sa kabila ng matinding pagsubok, patuloy niyang ginamit ang pelikula bilang sandata ng protesta, lalo na noong panahon ng martial law.

Nag-iwan ng malalim na pamana sa Philippine cinema ang kanyang ‘di matatawarang ambag sa sining at lipunan. Hanggang ngayon, ang kanyang mga pelikula’y patuloy na pinag-aaralan at itinuturing na inspirasyon ng mga bagong henerasyon ng filmmakers.

Si Lino Brocka ay hindi lang isang direktor, kundi isang tunay na boses ng masa na ginamit ang sining upang ipaglaban ang katarungan at katotohanan.