Istorya ng Linggo

Miscellaneous fees sa eskuwela, pinatitigil ng mga estudyante


Nakipagdiyalogo ang iba’t ibang asosasyon ng mga pamantasan sa mga estudyante: Mahalaga, anila, sa pagtaas ng kalidad ng edukasyon ang miscellaneous fees. Pero hindi kumbinsido ang mga estudyante.

Sa piket ng kabataan sa harapan ng opisina ng Commission on Higher Education, galit na tinuligsa ni Vencer Crisostomo, tagapangulo ng Anakbayan, ang kainutilan ng kagawaran sa usapin ng dagdag-bayarin sa miscellaneous fees na ipinatutupad ng mga paaralan. (Darius Galang)
Sa piket ng kabataan sa harapan ng opisina ng Commission on Higher Education, galit na tinuligsa ni Vencer Crisostomo, tagapangulo ng Anakbayan, ang kainutilan ng kagawaran sa usapin ng dagdag-bayarin sa miscellaneous fees na ipinatutupad ng mga paaralan. (Darius Galang)

Harapang tinuligsa ng mga konseho ng mga estudyante sa iba’t ibang paaralan ang mga asosasyon ng mga pamantasan sa patuloy na paniningil ng samu’t saring fees sa kanilang mga estudyante.

Sa pakikipagpulong sa Commission on Higher Education (CHED) ng mga estudyante sa pamumuno ng National Union of Students of the Philippines (NUSP), ipinaliwanag ng mga kinatawan ng iba’t ibang asosasyon ng mga paaralan na naniningil sila ng miscellaneous fees para mapabuti umano ang mga pasilidad ng mga paaralan.

Ngunit hindi ito tinanggap ng mga estudyante, na nagsabing kuwestiyunable ang paulit-ulit na mga bayarin. Halimbawa, ayon sa NUSP, may mga naniningil na ng sports fee, mayroon pang athletics fee at UAAP fee (fees para sa University Athletic Association of the Philippines).

Binanggit ng NUSP ang datos mismo ng CHED na nagsasabing sa kabila ng mga dagdag-bayarin, aabot sa 5.5% lamang ng mga paaralan sa bansa ay maituturing na “may sapat na pasilidad.”

Ayon sa mga asosasyon ng mga pamantasan, hindi nakasaad sa batas ang pagreregularisa ng paningingil ng miscellaneous fees kung kaya wala namang nalabag sa batas sa pagpataw ng mga singiling ito sa mga estudyante.

Ngunit sinabi ng mga estudyante na may kapangyarihan dapat ang CHED na magregularisa at gumawa ng batas na magpapatigil sa mga pagtaas ng bayarin sa mga paaralan.

Lumabas sa pulong na kung maiimbestigahan, maaari ngang magkaroon ng pagtigil sa paniningil ng miscellaneous fees. Ngunit, ayon kay ani Einstein Recedes, tagapangulo ng NUSP, tila “huli na ang lahat” dahil nasingil na nga ang mga mag-aaral ng mga bayaring ito ngayong bagong semestre. Lumabas pa na maaaring sa ikalawang semestre pa ipapatupad ang pagtigil ng paninigil.

Panawagan tuloy ng NUSP na itigil ang paniningil ng miscellaneous fees, laluna sa mga eskuwelahang nagsasagawa pa lamang ng enrollment. Idinagdag rin ng grupo ang panawagang ibalik ang ibinayad ng mga mag-aaral na nasingil na ng anila’y kuwestiyunableng fees.

Binatikos din ng mga estudyante ang CHED, na tila dumedepensa pa umano sa mga pamantasang naniningil ng miscellaneous fees at pinababayaan ang mga pamantasang ito na maningil ng kung anu-anong singilin sa mga estudyante.

“Nagtataka kami kung bakit hindi tinugunan ng CHED ang usapin ng miscellaneous fees,” ani Recedes. “Hindi lang naman pagbibigay ng advisory tungkol sa kung may pasok o wala ang college students ang trabaho ng CHED.”

Sinabi pa ni Recedes na tila tinalikuran na ng CHED ang tungkulin nitong imonitor at pag-aralan ang pagtaas ng matrikula at iba pang bayarin, at itaguyod ang karapatan ng mga Pilipino sa abot-kayang edukasyon.

Tinukoy ng lider-kabataan ang CHED Memorandum 13 at Higher Education Modernization Act of 1997, kabilang sa marami pang ibang polisiyang nagpapalala umano sa krisis ngayon sa edukasyon.

“Ang mga polisiyang ito ay patuloy umeepekto hanggang ngayon, at naglelegalisa komersalisasyon ng edukasyon sa pamamagitan ng pagpapabaya sa mga paaralan na magtaas ng matrikula at iba pang bayarin taun-taon,” paliwanag ni Recedes.

Kabilang sa humarap sa NUSP sa closed door meeting sa opisina ng Commission on Higher Education (CHED) ang mga kinatawan ng Philippine Association of State Universities and Colleges (Pasuc), Philippine Association of Colleges and Universities (PACU), Coordinating Council of Private Educational Associates (Cocopea) at Catholic Educators Association of the Philippines (CEAP).