Pinoy Weekly

RH Bill na di kumokontrol sa populasyon, sinuportahan

Pagkontrol sa populasyon, hindi sinasang-ayunan ng mga tagasuporta ng RH Bill (Ilang-Ilang Quijano)

Isang araw bago ang huling plenaryo ng ika-15 na Kongreso, nagpahayag ng suporta ang iba’t ibang sektor para sa isang “maka-mahirap,” “maka-kababaihan,” at “maka-kalusugan” na Reproductive Health (RH) Bill na wala sa balangkas ng pagkontrol sa populasyon bilang sagot sa kahirapan.

Sa isang piket sa harap ng House of Representatives, inihayag ng kababaihan, kabataan, manggagawa, at manggagawang pangkalusugan ang pangangailangan para sa akses sa serbisyong RH.

“Sa pamamagitan ng pagpasa ng batas sa RH, ma-o-obliga ang gobyerno na tuparin ang kanyang obligasyon na magbigay ng mga serbisyo na tutugon sa pangangailangan ng mamamayan sa RH sa lahat ng yugto ng kanyang buhay,” sabi ni Lana Linaban, pangkalahatang kalihim ng Gabriela.

Sinisisi ng militanteng kababaihan ang kapabayaan ng gobyerno sa kalunus-lunos na kondisyon ng maternal at infant health sa bansa.

Nagpahayag naman ng suporta sa RH Bill ang iba pang mga sektor, gaya ng kabataan at manggagawa. Inaasahang sa pagbubukas na muli ng Kongreso sa Hulyo muling matatalakay at mapagdedesisyunan ang kontrobersiyal na panukalang batas.

Ayon kay Rhack-Rhack Bihag, kabataang organisador ng Gabriela sa Vitas, Tondo,  maraming kababaihan sa mga maralitang komunidad ang nabubuntis nang hindi inaasahan dahil sa kakapusan sa kaalaman. Sa panukalang RH Bill, tuturuan ang kabataan sa tamang edad hinggil sa RH at seksuwalidad.

“Hindi tuturuan ang kabataan kung paano makipag-sex, kundi ituturo ang mga kumplikasyong maaaring dulot ng ‘di inaasahang pagbubuntis,” ani Bihag.

Pagpahayag ng suporta sa RH Bill ng iba't ibang sektor (Ilang-Ilang Quijano)

Maging ang kalalakihan, nakiisa sa panawagan para sa RH Bill. Halimbawa, suportado ni Rey Sumayo, presidente ng National Federation of Workers Union,  ang mga probisyon ng panukalang batas sa nagdidiin sa pananagutan ng mga employer sa kalusugan ng kababaihang manggagawa.

“Walang malinaw na batas para alagaan ang kalusugan ng kababaihan lalo na yung nagtatrabaho sa gabi gaya ng mga saleslady at humahawak ng nakalalasong kemikal gaya ng mga nasa electronics,” aniya.

Probisyon sa pagkontrol ng populasyon, pinatatanggal

Gayunpaman, iginiit ng mga militante na dapat tanggalin sa balangkas ng pagkontrol sa populasyon ang RH Bill.

Sa position paper ng Gabriela at Gabriela Party-list hinggil sa RH Bill, inihayag nito na may mga probisyon sa RH Bill na ipinapasok sa mga programa kontra kahirapan ang pagpaplano ng pamilya at responsableng pagmamagulang.

“Nararapat lang igiit na tanggalin sa RH Bill ang mga probisyong ito. Kung hindi, magpapatuloy ang habang panahon nang pagsisi sa paglobo ng populasyon, lalo na sa matris ng kababaihan, bilang kadahilanan ng kahirapan ng bansa. Habang patuloy na tinatanggap ang maling paniniwalang ito, hindi pinapanagutan ng pamahalaan at malalaking kapitalista ang deka-dekadang kahirapang dinulot nila sa bansang ito, at ang bagsak na sistemang pangkalusugan ng bansa na tinalikuran na ng pamahalaan,” ayon sa Gabriela.

Sang-ayon dito si Sumayo. Aniya, “Ang usapin sa kahirapan ay hindi kung marami o kaunti ang iyong anak. Ito ay usapin kung ipinapatupad ba o hindi ng gobyerno ang pambansang industriyalisasyon at tunay na reporma sa lupa.”

Ayon naman kay Dr. Geneve Rivera, pangkalahatang kalihim ng Health Alliance for Democracy, hindi nagtatapos sa pagpasa ng RH Bill ang laban para sa komprehensibong pangangalaga sa kalusugan ng kababaihan.

“‘Alam natin na mananatili ang mga problema, hangga’t komersiyalisado ang sistemang pangkalusugan, hangga’t hindi dinadagdagan ang badyet sa kalusugan, hangga’t hindi prayoridad ng gobyerno ang mga mamamayan nito,” aniya.

email

Short URL: http://pinoyweekly.org/new/?p=13831

avatar Posted by on Jun 7 2011. Filed under Balita. You can follow any responses to this entry through the RSS 2.0. You can leave a response or trackback to this entry

Leave a Reply

Multimedia

Pinoy Print Issues

Eskinita: Ang Alternatibong Ruta

Log in | Designed by Gabfire themes