Tagumpay ng mga taga-Romblon laban sa pagmimina pinuri ng Kalikasan


Pinuri ng Kalikasan People’s Network for the Environment (Kalikasan PNE) ang desisyon ng Department of the Interior and Local Government (DILG) at Department of Natural Resources (DENR) na ipatupad ang mining ban sa probinsiya ng Romblon. Pinuri din ng grupo ang mga taga-Romblon na nagprotesta laban sa pagmimina sa kanilang probinsiya. Ipinahayag ni DILG Secretary […]

Ang isla ng Sibuyan sa lalawigan ng Romblon

Pinuri ng Kalikasan People’s Network for the Environment (Kalikasan PNE) ang desisyon ng Department of the Interior and Local Government (DILG) at Department of Natural Resources (DENR) na ipatupad ang mining ban sa probinsiya ng Romblon. Pinuri din ng grupo ang mga taga-Romblon na nagprotesta laban sa pagmimina sa kanilang probinsiya.

Ipinahayag ni DILG Secretary Jesse Robredo noong nakaraang Miyerkules sa mga opisyal ng naturang probinsiya na ipatutupad nila ang mining ban sa Romblon.

Ayon kay Clemente Bautista, Jr., koordineytor ng Kalikasan PNE, ang tagumpay ay bunga ng matatag at walang takot na pakikibaka ng mga taga-Romblon laban sa pagmimina. “Nagpakita sila ng halimbawa kung ano ang magagawa ng kolektibong pakikibaka at nagbigay ng isa na namang tagumpay sa pakikibaka ng mamamayan laban sa malawakang pagmimina na sumisira sa ating kalikasan,” sabi ni Clemente.

Noong Pebrero 14, 2011, libu-libong mamamayan na pinangunahan ng Romblon Ecumenical Forum Against Mining (REFAM) at Alliance of Students Against Mining (ASAM) ang nagprotesta sa Odiongan, Romblon laban sa panukalang pagmimina ng Ivanhoe Philippines Incorporated sa isla ng Tablas. Ang sunud-sunod na protesta ay nagdulo sa pagsampa ng House Bill No. 4815 na may pamagat na “An Act Declaring the Province of Romblon a Mining Free Zone and Providing Penalties for Violations Thereof” ni Rep. Eleandro Madrona. Ang panukalang batas ay nasa ikalawang pagbasa na ngayon sa Kamara at inaasahang ipapasa sa muling pagbubukas ng Kongreso sa susunod na buwan.

“Kapag naisabatas ang HB 4815, ipagbabawal nito ang pagmimina sa Romblon. Gayunman, dapat patunayan ng gobyerno na hindi lamang ito isang hakbang para patahimikin ang mga protesta sa agarang pagkansela sa Mineral Production Sharing Agreement (MPSA) na inisyu sa Altai Philippines Mining Corporation (APMC) at sa subsidyaryo nitong Sibuyan Nickel Properties Development Corporation (SNPDC) noong 2009 para isagawa ang kanilang operasyon sa Sibuyan Island,” ani Bautista.

“Nanawagan kami sa mga taga-Romblon na magbantay laban sa pagtatangka ng mga kompanya ng pagmimina na magsagawa ng kanilang operasyon at manawagan sa kanselasyon ng permit na inisyu sa APMC,” sabi pa ni Bautista.

Kaugnay nito, dapat din umanong magdeklara ng moratoryum sa malawakang pagmimina ang gobyernong Aquino sa mga kritikal na mga biodiversity area tulad ng mga kagubatan at karagatan sa Palawan, Batangas, Albay, South Cotabato, Davao del Sur, Zamboanga del Sur, Nueva Vizcaya, Negros Island at Samar Island.

“Dapat maging mapagbantay ang mga katutubo, magsasaka, grupong relihiyoso at makakalikasan dahil patuloy na itinutulak ng administrasyong Aquino ang liberalisasyon ng pagmimina at pagbebenta ng ating mga mineral sa mga dayuhang mamumuhunan,” pagwawakas ni Bautista.