Resolusyon sa Spratlys: Diplomasya, di arogansiya


Probokatibo pa rin ang tindig ng gobyernong US (at siyempre pa, Pilipinas) sa sigalot sa Spratlys, matapos magdaos ng ng ehersisyong nabal sa Palawan, malapit sa mga islang pinag-aagawan. Ayon sa mga eksperto, dapat lamang ipaglaban ang Spratlys. Pero hindi sa aroganteng paraan ng US at ni PNoy.

Mula kaliwa, propesor sa batas na si Pacifico Agabin, Bayan Muna Rep. Teddy Casino at Prop. Bobby Tuazon ng CenPeg. (Macky Macaspac)
Mula kaliwa, propesor sa batas na si Pacifico Agabin, Bayan Muna Rep. Teddy Casino at Prop. Bobby Tuazon ng CenPeg. (Macky Macaspac)

Marami ang nagulat sa ipinakikitang pagkaagresibo ng bansang China sa Spartly Islands. Hindi lang Pilipinas ang nagulat, kahit ang kanugnog na mga bansa tulad ng Vietnam at iba pang bansang umaangkin rin sa mga maliliit na islang nakakalat sa South China Sea.

Bukod kasi sa malakas na presensiyang militar ng China, napapaulat na binabalak nitong maglunsad ng sariling oil exploration sa tinatawag nilang Nansha island, kung saan ito rin ang pinag-aagawang mga isla ng mga bansang nakapaloob sa Association of Southeast Asian Nations (Asean).

Noong Marso, hinaras diumano ng isang sasakyang Tsino ang isang barko ng Pilipinas na nagsasagawa ng oil exploration sa Reed Bank (ang islang bahagi ng Spartlys na pinakamalapit sa Pilipinas). Iginiit ng gobyerno ng Pilipinas na bahagi ito sa teritoryo ng bansa, at kamakailan lamang napaulat rin na pumasok sa himpapawid na saklaw ng Reed Island ang mga eroplanong pandigma ng China. Ngunit hindi pa makumpirma ng Armed Forces of the Philippines kung Tsino nga ang mga ito.

Agaran namang kinondena at ipinrotesta ng gobyerno ng Pilipinas ang mga hakbang ng China. Nagbanta pa si Pang. Benigno Aquino III na “mapipilitan [ang gobyerno nitong] palakasin ang kapasidad militar nito,” sabay pagyabang na nasa likod nito ang bansang US.

Yaman at sigalot sa Spartlys

Sa isang porum, inilinaw ng mga dalubhasa sa internasyunal na mga usapin at mga batas ang  kumplikadong sitwasyon hinggil sa hidwaan ng mga bansa sa usapin ng Spartlys. Ang Spartlys ay nasa South China Sea (SCS) at pinaniniwalaan na mayaman sa langis at iba pang mineral, at isa rin ito sa mga mayamang lugar pangisdaan sa buong mundo. Sa buong mundo, ito ang pinaka-abalang rutang pandagat, 50 porsiyento ng pandaigdigang merkado at mga tanker ng langis ang dumadaan sa ruta ng SCS.

Ayon kay Prop. Bobby Tuazon ng Center for People Empowerment and Governance (CenPeg), matagal na umanong inaangkin ng China hindi lamang ang Spratlys, kundi pati na ang buong SCS.  Direktang inirehistro ang pag-aangkin ng China sa Spartlys noong 1951 at sumunod naman ang mga bansang Vietnam, Malaysia, Brunei at ang Pilipinas noong 1956, ayon kay Tuazon.

Ipinunto ni Tuazon na ang kasalukuyang sigalot sa Spratlys ay bahagi ng patung-patong na hidwaan sa mga teritoryo, tulad ng pag-aangkin ng China sa Taiwan, Japan kontra sa China sa Senkaku Island at iba pa, kasama na ang hidwaan ng Pilipinas sa Malaysia hinggil sa Sabah.

Malaki rin umano ang pang-ekonomiyang interes ng China sa SCS, tulad sa Taiwan at Tibet. Ito raw ay “core national interest” ng China, ayon pa kay Tuazon. Diumano, 75 porsiyento ng pangangailang enerhiya ng China ang dumadaan sa ruta ng SCS galing sa Malacca Straits. Gayundin, nagsisilbing gateway ang SCS sa Indian Ocean at iba pang rutang pandagat.

“Sa 2030, tinatatayang lalampasan ng China ang US at mangingibabaw sa pandaigdigang kalakalan, na kinatatampukan ng 17 sa 25 bilateral sea at air freight trade routes,” ani Tuazon.

Ngunit hindi rin nagpapatumpik-tumpik ang gobyernong US sa mga hakbangin ng China.

Kamakailan, nagpalabas ng mga mensahe ang US na nanawagan na idaan sa diplomasiyang usapan ang sigalot sa Spartlys. Bagamat binibigyan-diin ng US na ang China umano ay “rising military hegemon” pero iginigiit nitong maging “responsableng stakeholder” sa naturang usapin ang China. Kasabay nito, ayon pa kay Tuazon, ginagamit umano ng US ang tensiyon upang palakasin at igiit ang kanyang presensiya sa SCS at Asia Pacific. Bilang bahagi umano ng estratehiyang “encirclement” ng Pentagon at pagkontra sa anti-access at area denial ng China sa naturang lugar.

Idinagdag pa ni Tuazon na ginamit din ang SCS ng US sa pagpapalakas nito sa kanyang paghahari (hegemony) sa buong mundo sa nagdaang siglo.

Probakasyon o diplomasya

Patuloy naman ang probokatibong pagharap ng administrasyong Aquino sa usapin, ngunit nagpapasaklolo naman sa gobyernong US na tulungan ang Pilipinas sa pagpasok at paggigiit ng China sa Spartlys. Nangangamba tuloy ang mga eksperto kung talaga bang tutulong ang US kung sakaling pumutok ang digmaan sa pagitan ng mga nagtutunggaliang bansa hinggil sa mga islang ito.

Sa kabila kasi ng pangangalandakan na mayroong kasunduan ang Pilipinas at US, ang Mutual Defense Treaty, tila lugi pa rin ang Pilipinas.

Ipinunto ni Prop. Pacifico Agabin, dating dekano ng College of Law sa University of the East, na ang pagsandal ng Pilipinas sa 1951 Treaty o RP-US Mutual Defense Treaty ay purong ilusyon lamang.  Kailangan pa raw dumaan sa mga prosesong konstitusyonal ng US batay sa Artikulo 4 ng tratado, bago tuwirang lumahok ang mga Amerikano sa anumang direktang gyera. “It has to pass through the US Congress,” pagdidiin ni Agabin.

Idinagdag pa niya na ang katiyakan na makukuha ng Pilipinas sa tratado ay ang pag-aarmas sa hukbong sandatahan ng Pilipinas, na malaking pakinabang para sa US. “The only hard assurance we can get from the US is the rearming of the Philippine army. to help the US defense industry and the failing US economy,” ayon pa sa propesor.

Binigyang diin naman ni Bayan Muna Rep. Teddy Casino na bagamat makatarungan at lehitimo ang pag-aangkin ng Pilipinas sa Spartlys, nakakadismaya ang pagharap ng gobyernong Pilipinas sa sigalot. May mga usapin umano sa Spartly na maaring malunasan sa mapayapang paraan o diplomasya.

Sinabi ng kinatawan ng Bayan Muna na maaring igiit ng Pilipinas ang kasunduang ASEAN-China 2002 Declaration, na mayroon nang inabot na pagkakaisa at pagkakaunawaan ng mga bansang umaangkin sa Spartlys. Idinagdag pa ni Casino na ang paggiit sa China na lumalabag ito sa deklarasyon ay bahagi ng paggiit sa soberanya ng Pilipinas. Ito umano ang dapat na gawin ng administrasyong Aquino sa halip na humingi ng tulong sa US.