Editoryal

Manindigan para sa teritoryo’t soberanya!


Walang makapagbibigay-katuwiran sa panibagong serye ng agresibo at marahas na aksiyon ng Tsina sa karagatang sakop ng Pilipinas sa West Philippine Sea. Dapat kondenahin at panagutin ang Tsina sa pagbabanta sa buhay ng mga Pilipino.

Hangga’t walang mapagpasyang hakbang ang administrasyong Marcos Jr. para panindigan at igiit ang ating pambansang soberanya, teritoryo at interes sa West Philippine Sea, magpapatuoy at titindi pa ang banta sa buhay at kabuhayan ng mga mangingisdang Pinoy.

Nitong linggo, binangga at kinanyon ng tubig ng China Coast Guard (CCG) ang mga barko Philippine Coast Guard (PCG) sa Ayungin Shoal.

Bago ito, nauna ring kinanyon ng tubig ng CCG ang mga bangka ng Bureau of Fisheries and Aquatic Resources na may dalang langis at pagkain para sa mga mangingisdang Pinoy sa Scarborough Shoal.

Napilitan namang umatras ang barko ng mga non-government organization at mamamahayag na lumahok sa Atin Ito Christmas Convoy, na maghahatid sana ng mga regalo sa mga pamayanan sa isla sa West Philippine Sea, dahil sa panghaharas ng CCG at Chinese Militia.

Walang makapagbibigay-katuwiran sa panibagong serye ng agresibo at marahas na aksiyon ng Tsina sa karagatang sakop ng Pilipinas sa West Philippine Sea. Dapat kondenahin at panagutin ang Tsina sa pagbabanta sa buhay ng mga Pilipino.

Matagal nang hinatulan ng United Nations Convention on the Law of the Sea (UNCLOS) at Permanent Court of Arbitration na ilegal ang militarisasyon ng Tsina sa Ayungin, na sakop ng Exclusive Economic Zone (EEZ) ng Pilipinas, at sa Scarborough, na “common fishing ground” na may karapatang mangisda ang mga Pilipino. 

Pero malakas ang loob ng Tsina na baliwalain ang mga batas at perhuwisyohin ang mga Pilipino dahil din sa kawalan ng tunay na nagsasarili at mapagpasyang hakbang ang administrasyong Marcos Jr. 

Imbes na ipagtanggol, mas inilalagay pa nga sa alanganin ang buhay ng mga mangingisdang Pinoy dahil sa pagpapagamit ni Marcos Jr. sa militaristang pang-uudyok ng United States (US), na lalong nagpapainit ng tensiyon sa West Philippine Sea.

Imbius na pagsikapang gumawa ng mapagpasya diplomatikong hakbang para sa pangmatagalan at makabayang solusyon, nag-aanyaya pa ng higit na agresyon ang pagpayag sa US na magpakat ng puwersang militar sa karagatan, himpapawid at kalupaan ng Pilipinas.

Maraming diplomatikong hakbang na dati pang iminumungkahi para mas epektibong igiit ang soberanya at teritoryo ng Pilipinas. Mga hakbang na mas magtitiyak sa kaligtasan at kabuhayan ng ating mga mangingisda. 

Maganda ang mungkahi ni dating Supreme Court Justice Antonio Carpio na pangunahan ng Pilipinas ang pagtatakda ng “ground rules” sa pangingisda sa Scarborough. Kaysa mag-resupply sa barkong pandigma, mas mabuti rin ang mungkahi niyang magtayo ng sibilyang pasilidad sa Ayungin na hindi lang magmamarka sa teritoryo ng PIlipinas, kundi mas magagamit din ng mangingisda at para sa pagprotekta sa buhay-dagat.

Nasa panig natin ang batas at katuwiran. Hindi kailangang ipahamak at perhuwisyohin pa lalo ang mga mangingisdang Pinoy para lang sa sumunod sa utak-pulburang pang-uupat ng US.

Sa huli, pinakamahalaga pa rin ang higit na pagkakaisa ng sambayanang Pilipino para igiit sa administrasyong Marcos Jr. na mapagpasyang labanan ang agresyon ng Tsina at iwaksi ang panghihimasok ng US.

Dapat sama-samang kumilos ang mamamayan para ipaglaban ang ating teritoryo,  soberanya at dignidad bilang isang independiyenteng bansa laban sa pangangamkam at pangingialam ng sinumang dayuhang kapangyarihan.