Piniling manlulupig
Kung ang China, binu-bully ang mga mangingisdang Pinoy sa karagatan, pinapalayas naman ng US ang mga katutubo at magsasaka sa kalupaan. Kung ang China, gustong solohin ang mga yamang dagat, gusto naman ng US na patagin ang mga kabundukan at kalbuhin ang mga kagubatan.
Buladas ang mga patutsada ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. laban sa China sa kanyang ikalimang State of the Nation Address (SONA). Hindi pagtindig sa soberanya ang pamimili kung kaninong manlulupig magpapasiil.
Pinakapinalakpakan si Marcos Jr. noong SONA nang sabihin niya sa kanyang talumpati na “sa manlulupig, hindi tayo pasisiil.” Iginiit niya ang paninindigan ng administrasyon sa 2016 arbitral ruling ng Permanent Court of Arbitration, na kumikilala sa exclusive economic zone (EEZ) ng Pilipinas sa West Philippine Sea (WPS). Nanawagan din ang pangulo sa mga Pinoy na tumindig at magkapit-bisig laban sa aniya’y mga banta sa seguridad ng bansa.
Hindi pinangalanan, pero ang tinutukoy niya sa mga patutsada, China.
Ilang araw bago ang SONA, uminit na naman ang tensiyon sa WPS. Noong Hulyo 20, isang sundalong Pinoy ang sugatan nang makipambuno sa mga nanghimasok ng China Coast Guard (CCG) sa Ayungin Shoal. Bago ito, winater cannon ng CCG ang mga barko ng Bureau of Fisheries and Aquatic Resources at Philippine Coast Guard na papuntang Panatag Shoal.
Malawak naman ang pagkondena sa rasistang video-editoryal ng China Daily noong Hulyo 10, ika-10 anibersaryo ng PCA arbitral ruling. Sa gawang artificial intelligence (AI) na video, inilarawan ang mga opisyal ng gobyerno ng Pilipinas bilang mga unggoy na sunod-sunuran sa United States (US) at Japan.
Sinakyan ng talumpati ni Marcos Jr. ang malawak na galit ng mga Pinoy sa mga atakeng ito ng China. Pero ang hindi niya binanggit, kung hindi man sadyang pinagtatakpan, ay ang malawak ding galit ng mamamayan sa pagpapakatuta niya sa US.
Mula nang maluklok sa puwesto, nagpakatuta na si Marcos Jr. sa US. Dinagdagan ang mga Enhanced Defense Cooperation Agreement sites. Pumayag ding magtayo dito ng mga pabrika at imbakan ng bala at sandata, at mga pagawaan at gasolinahan ng mga barko at eroplanong pandigma ng US.
Bago ang SONA, sumambulat ang pagtutol ng mga Pinoy sa Pax Silica. Libo-libong katutubong Aeta ang nagprotesta sa Tarlac laban sa itatayong mga pabrika at pasilidad ng teknolohiyang AI sa kanilang lupang ninuno at sakahan. Laganap na rin ang pagkondena sa idudulot nitong pagkawasak sa kalikasan at suplay ng tubig at enerhiya ng bansa.
Kung ang China, binu-bully ang mga mangingisdang Pinoy sa karagatan, pinapalayas naman ng US ang mga katutubo at magsasaka sa kalupaan. Kung ang China, gustong solohin ang mga yamang dagat, gusto naman ng US na patagin ang mga kabundukan at kalbuhin ang mga kagubatan.
Walang buladas, walang patutsada, ni-ha, ni-ho sa paglabag ng US sa soberanya at patrimonya ng Pilipinas, wala sa SONA ng pangulo. Ang hindi sinabi ni Marcos Jr., nakapili na siya kung kanino magpapalupig, magpapasiil.
Mula nang maluklok sa puwesto, nagpakatuta na si Marcos Jr. sa US. Dinagdagan ang mga Enhanced Defense Cooperation Agreement (EDCA) sites. Pumayag ding magtayo dito ng mga pabrika at imbakan ng bala at sandata, at mga pagawaan at gasolinahan ng mga barko at eroplanong pandigma ng US.
Sa ilalim ni Marcos Jr., ginamit na palusot ang girian sa China para itali ang patakarang pandepensa at panseguridad ng Pilipinas sa militaristang pakay ng US. Ipinagamit ang bansa bilang base militar ng mga inilulunsad na giyera ng US sa Asia-Pacific at West Asia.
Dapat lang kondenahin ang marahas na panghihimasok ng China sa EEZ ng Pilipinas. Dapat lang panindigan ang karapatan ng Pilipinas sa WPS at igiit na kilalanin ng China ang 2016 arbitral ruling. Dapat lang na batikusin at kondenahin ang disimpormasyon at rasismo ng China.
Pero ang pagtatanggol sa soberanya, nasa pagtataguyod ng tunay na independiyenteng patakarang panlabas, hindi sa mga patutsada at buladas. Paulit-ulit lang sisiklab ang karahasan at tensiyon sa WPS hangga’t ipinapagamit ni Marcos Jr. ang Pilipinas bilang base at pabrika de giyera ng US.
Tama naman ang pangulo, “Sa mga pang-aalipusta, hindi tayo matitinag. Sa manlulupig, hindi tayo pasisiil.” Pero ang mga Pinoy, hindi namimili kung kanino magpapalupig, sa US man o China, kasama ang mga alipores nila, hindi magpapasiil.