Serbisyong ninenegosyo


Kunyari pagsugpo sa korupsiyon, yunpala pagtupad sa utos ng World Bank at US, ang pakay ni PNoy sa pagsasapribado sa mga ahensiyang dapat naglilingkod sa bayan.

Piket ng mga kawani ng gobyerno sa ilalim ng Confederation for Unity, Recognition and Advancement of Government Employees o Courage, kaugnay ng pagsasapribado ng mga ahensiyang nagseserbisyo sa publiko. (KR Guda/ PW File Photo)
Piket ng mga kawani ng gobyerno sa ilalim ng Confederation for Unity, Recognition and Advancement of Government Employees o Courage, kaugnay ng pagsasapribado ng mga ahensiyang nagseserbisyo sa publiko. (KR Guda/ PW File Photo)
Piket ng mga kawani ng gobyerno sa ilalim ng Confederation for Unity, Recognition and Advancement of Government Employees o Courage, kaugnay ng pagsasapribado ng mga ahensiyang nagseserbisyo sa publiko. (KR Guda/ PW File Photo)

Pagsasapribado ang solusyon ni Pang. Benigno Aquino III sa mga ahensiyang aniya’y lugmok sa korupsiyon noong nakaraang administrasyon. Sa kanyang State of the Nation Address (SONA) noong 2010, pinuruhan niya ang National Food Authority (NFA): Bangkarote na umano ito dahil sa korupsiyon. Ang solusyon, ayon sa Department of Finance (DOF): pagpasa sa pribadong sektor ng mga tungkulin ng mga ahensiyang tulad ng NFA.

Pero sa likod ng deklarasyong pagsugpo sa korupsiyon, ayon sa NFA Employees Association (NFAEA), ang pagbitiw ng gobyerno sa tungkulin nitong iregularisa ang suplay at presyo ng bigas – sa madaling salita, ang pagbitiw sa tungkuling paglingkuran ang mga mamamayan, laluna ang mahihirap.

Ito ang isa sa mga preskripsiyong ipinupuwersa ng dayuhang pampinansiyang mga institusyong dominado ng gobyernong US, tulad ng International Monetary Fund (IMF) at World Bank.

Plano sa pagsasapribado

Naniniwala ang NFAEA na kung naging seryoso lamang ang administrasyong Aquino, marami itong maaaring gawing hakbang para parusahan ang mga maysala.

Sinabi sa SONA ni Aquino noong nakaraang taon na umangkat daw ang NFA noong panahon ni Pang. Gloria Arroyo ng 900,000 metrikong toneladang (MT) bigas noong 2004, kahit na 11,7000 MT lamang ang kulang sa suplay ng bigas sa bansa. Sinabi ni Aquino na maiuugat sa anomalyang ito ang pagkabangkarote ng NFA ngayon.

Sa badyet ng administrasyong Aquino sa 2011, wala itong inilaang pondo para sa NFA. Umalma ang mga kawani, ilang mambabatas at ang mismong NFA kaya naibalik ang badyet nito – pero inawas sa maliit na ngang badyet ng Department of Agriculture.

Para kay Roman Sanchez, pambansang pangulo ng NFAEA, indikasyon ito na seryosong itinutulak ni Aquino ang pagsasapribado ng isang mahalagang serbisyo tulad ng pagbenta ng murang bigas.

At hindi pagsugpo sa korupsiyon ang pakay ng administrasyong Aquino, ani Sanchez. Kasi, sa kabila ng pagkabangkarote ng NFA, nagawa pang italaga ni Aquino na sekretaryo ng pinansiya ang isa sa council members at tagapayo ni Arroyo sa usaping pang-ekonomiya na si Cesar Purisima.

Nakapagpadagdag pa sa pagkabangkarote ng NFA ang pangungutang nito sa mga bangko ng gobyerno tulad ng Land Bank of the Philippines, Philippine National Bank at Development Bank of the Philippines. Napag-alaman ng NFAEA na hanggang Pebrero 28, 2011, umabot sa 40 porsiyento ng utang ng NFA na P133-Bilyon ay mula sa mga bangkong ito. Ang mga pinuno ng mga bangkong ito na nakaupo rin sa NFA Council ang siyang pangunahing nagtutulak din ng malawakang importasyon ng bigas.

“Ang mainam na gawin sana, maghanap ng direktang pagpopondo na walang interes para sa NFA, sa halip na malugmok ang ahensiya sa imoral at magastos na mga utang,” sabi pa ni Sanchez.

Sa madaling salita, madali sanang naiwasan ang pagkabangkarote ng NFA. Ngunit itinulak ito ng mga opisyal ng nakaraang administrasyon, ang ila’y nasa poder pa rin, tulad nina Purisima at Bangko Sentral Gob. Amando Tetangco Jr. Malinaw na pakay ng pagtulak sa NFA sa pagkabangkarote ang planong pagsasapribado nito.

Epekto ng pagsasapribado

Ano ang epekto ngayon ng pagsasapribado sa mga ahensiyang tulad ng NFA?

Para sa Solidarity to Oppose Privatization (STOP Privatization), alyansa ng mga kawani ng gobyerno na tutol sa pagsasapribado ng mga pampublikong serbisyo at ahensiya, kung itutuloy ang pagsasapribado sa mga tulad ng NFA at National Housing Authority, “lalong lalayo sa kamay ng mahihirap na mga Pilipino ang batayang mga serbisyong panlipunan tulad ng pabahay at kaseguruhan sa pagkain.”

Malinaw ito sa kaso ng NFA, na sa limitadong kapasidad ngayo’y siyang nagbebenta ng murang bigas para sa mga mahihirap.

Inaprubahan ni Aquino ang pag-angkat ng pribadong sektor ng 660,000 MT ng bigas ngayong taon. Hinayaan din ang pribadong sektor na malayang magtakda ng presyo sa mga bigas na ito. Kung tuluyang isasapribado ang NFA, buung-buong ipauubaya ng gobyerno sa pribadong sektor ang pagbili ng bigas sa lokal na mga magsasaka. Sigurado, ayon kay Sanchez, na babaratin ng pribadong trader ang lokal na mga magsasaka.

Kasabay nito, itinutulak din sa Kamara ang mga panukalang batas tulad ng House Bill 4284, tinaguriang NFA Reorganization Act of 2011, na magbibigay daan sa “decoupling” o pagbabawas ng tungkulin ng NFA. Pagsasapribado rin ang magiging dulo nito, ani Sanchez.

At hindi lamang NFA ang nahaharap sa pagsasapribado. Nahaharap din sa pagsasapribado ang National Housing Authority (NHA).

Noong Pebrero, itinakda ni Aquino ang panukalang pagtatag ng Department of Housing and Urban Development (DHUD) bilang nangunguna sa 12 priority bills sa Kamara. Sa House Bill 384 na isinumite ng mag-inang Gloria at Mikey Arroyo, ipagsasama ang iba’t ibang ahensiyang tulad ng Housing and Urban Development Coordinating Council (HUDCC), Mutual Fund Development Corporation (PAG-IBIG fund), Home Guarantee Corporation, Housing and Urban Land Use Regulatory Board (HLURB), National Home Mortgage and Finance Corporation at NHA.

Pinangungunahan ng Courage ang Solidarity to Oppose Privatization, o STOP Privatization, kontra sa pagsasapribado ng mga ahensiyang dapat na nagbibigay ng serbisyong panlipunan sa mga mamamayan. (KR Guda)
Pinangungunahan ng Courage ang Solidarity to Oppose Privatization, o STOP Privatization, kontra sa pagsasapribado ng mga ahensiyang dapat na nagbibigay ng serbisyong panlipunan sa mga mamamayan. (KR Guda)

Nangangahulugan lamang ito, ayon sa Consolidated Union of Employees-NHA, ng lalong pagbawas ng badyet sa serbisyong pabahay.

Hindi pa kasama riyan ang matinding epekto sa seguridad sa trabaho ng libu-libong kawani sa mga ahensiyang nanganganib na ma-merge at/o ma-abolish. Ayon sa DFA, maliban sa NFA at NHA, nanganganib ding ma-abolish ang National Printing Office, PTV-4, at iba’t ibang ahensiya sa ilalim ng Department of Agriculture tulad Quedan Credit Corp., Agricultural Credit Policy Council, Philippine Crop Insurance Corporation, at Livestock Development Corporation. Ipinapanukala ring ibenta ang mga farm at nursery ng Bureau of Animal Industry at Bureau of Plants Industry. Nangangambang maisa-pribado ang Metro Rail Transit at Light Rail Transit.

Sa kabuuan, ayon sa STOP Privatization, mahigit 20,000 kawani ng gobyerno ang nanganganib sa kanilang trabaho dahil sa mga planong ito.

Nangangamba ang mga kawani sa kanilang trabaho. Malawakan ang tanggalan matapos maisapribado ang Metropolitan Water and Sewerage System (MWSS) at ang serbisyo ng tubig noong 1997, gayundin nag isapribado ang serbisyo-kuryente sa Electric Power Industry Reform Act (Epira) of 2001.

“Maliban sa mga tanggalang kaalinsabay ng pagpalit ng pag-aari, napapasailalim din ang mga empleyado sa pana-panahong assessment at samu’t saring kontraktuwalisasyon sa paggawa, matinding pagkaltas sa kanilang mga benepisyo, at pagregularisa at paghigpit sa kanilang karapatang mag-unyon,” ayon sa STOP Privatization.

Malinaw din sa mga konsiyumer ng kuryente at tubig ang matinding epekto ng pagsasapribado sa mga serbisyong ito: ang pagtaas ng singil at lalong kakulangan ng akses sa tubig at kuyente para sa mga maralita.

Lalong pagbubukas sa negosyo
Sa Public Expenditure Review ng World Bank sa Pilipinas noong 2007, binatikos ang gobyerno ng Pilipinas sa anito’y kakulangan pa rin ng “reporma” sa pagbawas ng gastos nito sa mga serbisyong publiko. Isa lamang ito sa maraming pamamaraan para ipresyur ang gobyerno ng Pilipinas sundin ang naturang mga “reporma” na lalong magbubukas sa bansa sa dayuhang negosyo.

Panahon pa ng unang Aquino sa Malakanyang (ina ni PNoy na si si Pang. Corazon Aquino), agresibo nang itinutulak ang pagsasapribado sa mga serbisyong publiko at assets ng gobyerno, gayundin ang liberalisasyon at regulasyon sa mga susing industriya.

“Kinakitaan ang administrasyon ni (Corazon) Aquino matapos ang pag-aalsang EDSA ng malawakang pagbenta ng non-performing assets ng estado, gayundin ng government operated and controlled corporations, tinagurang white elephants ng rehimeng Marcos, at pagbenta sa bahagi ng big tickets tulad ng Philippine Airlines at Philippine National Bank,” sabi ng STOP Privatization.

Nang matapos ang unang rehimeng Aquino, di bababa sa 466 na assets na dating pag-aari ng gobyerno ang naisapribado na.

Pinatitindi ng bagong gobyernong Aquino ang polisiya ng pagsasapribado, liberalisasyon at deragulasyon na masugid na sinunod ng unang Aquino, gayundin ng sumunod na mga administrasyon. Maliban sa mga planong pagsasapribado sa mga ahensiya na nabanggit, pinatutupad din ng administrasyong Aquino ang Executive Order 366 ng nakaraang administrasyon na nakatuon sa lalong pribatisasyon. Tampok din sa 2011 pambansang badyet ni Aquino ang matinding pagbawas ng alokasyon sa mga batayang serbisyong panlipunan.

Samantala, naghahanda ang mga mga kawani ng gobyerno, at iba’t ibang sektor ng lipunan, na bumuo ng pagkakaisa laban sa mga polisiyang ito.

Isang hakbang na ang pagtatag ng STOP Privatization, pinangunahan ng Confederation for Unity, Recognition and Advancement of Government Employees (Courage) at sinusuportahan ng iba’t ibang pangmasang organisasyon ng mga manggagawa, maralita, magsasaka, kababaihan, kabataan at iba pang sektor. Nakiisa rin sa laban ang progresibong mga mambabatas para tutulan ang mga panukalang batas sa Kongreso na nagtutulak ng malawakang pribatisasyon sa gobyerno.

Binuo noong dekada ’90, pinangunahan na ng naturang alyansa ang paglaban sa malawakang tanggalan at pagsiwalat sa korupsiyon at mga masasamang epekto ng pagsasapribado sa serbsiyong panlipunan.

Ani Sanchez, handa ang mga kawani para sa labang ito. Higit pa sa kanilang kaseguruhan sa trabaho, nais ng mga kawani ang isang gobyerno na tunay na tumutugon sa batayang mga pangangailangan ng mga mamamayan.