Pinoy Weekly

Close-in security ni Palparan, isinangkot sa pagdukot nina Karen, Sherlyn

Isinumite nina Erlinda Cadapan at Concepcion Empeño ang kanilang reply-affidavit sa DOJ. Ayon dito, pawang pagtanggi at paninira sa mga biktima ang isinumiteng affidavit ng mga akusadong militar. (Macky Macaspac)

Sa ikatlong preliminary investigation sa Department of Justice (DOJ) noong Agosto 3 hinggil sa pagdukot at pagkawala nina Karen Empeño, Sherlyn Cadapan at Manuel Merino, inamin ni Provost Marshall General Herbert Yambing na aktibong miyembro ng Armed Forces of the Philippines  (AFP) ang taong positibong itinuro ng isang testigo sa ikalawang pagdinig ng kaso noong Hulyo 19.

Bunsod na rin ito ng isinumiteng reply-affidavit ng mga kaanak ng mga biktima na nagsasaad na isa ang close-in security ni Ret. Gen. Jovito Palparan sa mga dumukot sa mga biktima at nagtali sa kamay ng testigong si Wilfredo Ramos, na noon ay labing-apat na taong gulang pa lamang.

Iginiit ng mga abogado ng mga biktima na dapat pangalanan ng AFP ang naturang tao at isama sa akusadong “John Does.” Kasama ang larawan ng naturang hindi pa nakikilalang lalaki sa reply-affidavit na isinumite sa DOJ.

“We challenge the military to walk the talk and help identify the suspect and produce the person whom witness Wilfredo Ramos privately pointed to his lawyers as one of the abductors,” sabi ni Atty. Edre Olalia, pangkalahatang kalihim ng National Union of People’s Lawyers at abogado ng mga biktima.

Hindi naman ipinagkaila ni Provost Marshall Yambing na ang naturang lalaki ay aktibong miyembro nga ng AFP at nakatalagang security aide ni Palparan.

Hawak ni Atty. Edre Olalia ang larawan ng diumano'y security aide ni Jovito Palparan na isa sa mga dumukot sa 2 estudyante ng UP at isang magsasaka. (Macky Macaspac)

“Nung previous hearing, itinuro siya ni Attorney. So I’ll just ask kung saan siya naka-assign sa mga kasama niya. Nasa Army siya at assigned siya na escort ni Palparan. Si General Palparan ay pumupunta sa mga hearing kagaya nito, pagkatapos ng hearing umaalis na siya,” sabi ni Yambing sa panayam ng midya.

Ipinangako rin ni Yambing na tutugon sila sa direktiba ng prosekusyon at ibibigay ang kumpletong detalye hinggil sa suspek.

Samantala,  isa naman sa mga akusado ang diumano’y gumagamit ng ibang pangalan. Ayon kay Alberto Ramirez, isa sa mga testigo,  iba umano ang Arnel Enriquez na humarap sa ikalawang pagdinig sa ”Enriquez” na nag-interoga sa kanya sa kampo ng militar sa Mercado, Hagonoy Bulacan noong Hunyo 28, 2006.

Bunsod nito, pinaalis ng mga abogado ang pangalan ng tunay na Arnel Enriquez bilang akusado, ngunit hiniling nilang panatilihin ang alyas na ”Arnel Enriquez” sa listahan ng mga akusado.

“Hindi naman talaga ako ‘yun, okay naman ako,” sabi naman ni Arnel Enriquez sa panayam ng midya.

email

Short URL: http://pinoyweekly.org/new/?p=14612

Macky Macaspac Posted by on Aug 5 2011. Filed under Balita. You can follow any responses to this entry through the RSS 2.0. You can leave a response or trackback to this entry

Leave a Reply

Follow and Subscribe

Features

Multimedia

Eskinita: Ang Alternatibong Ruta

Loading Twine Social
Log in | Designed by Gabfire themes