Talakay-Takilya

May pera sa basura


Hindi nailarawan sa Ang Babae sa Septic Tank kung ano ang naghihiwalay sa mga pelikulang lehitimong komentaryo sa kasalukuyang lipunan at sa mga pelikulang poverty porn lamang. At ang mismong kakulangan na ito sa pagtukoy ang siya ring kahinaan ng Ang Babae sa Septic Tank para maging isang matalas na komentaryo sa kalagayan ng pelikulang Pilipino.

Maituturing na pambihira ang kritikal at komersyal na tagumpay na tinamo ng Ang Babae sa Septic Tank na isinulat ng batikang mandudula na si Chris Martinez at idinirehe sa unang pagkakataon ni Marlon Rivera. Sa pitong taon ng Cinemalaya Independent Film Festival, ang pelikulang ito na pinagbibidahan ni Eugene Domingo ang tanging best picture na tumabo sa takilya. Kung papaniwalaan ang press release, kumita Ang Babae sa Septic Tank ng P20-Milyon sa loob lamang ng limang araw.

Sa isang bahagi, maaaring dulot ang tagumpay ng pelikula ng pagiging bankable na komedyana ni Eugene Domingo. Ngunit hindi rin maisasantabi ang mga papuri ng mga nakanood para patuloy na tangkilikin ang pelikula. Pero higit sa lahat, malaking bagay ang Star Cinema ang nakakuha ng distribution rights ng pelikula.

Komedya ang Ang Babae sa Septic Tank pero seryoso raw ang tema. Tungkol ito sa paggawa ng pelikula ng isang grupo ng mga bagitong filmmaker na nangangarap na makasungkit ng tropeyo mula sa mga international filmfest. Naging gawi na raw kasi na patampukin ang kahirapan at desperasyon sa mga pelikulang Pinoy para kilalanin atmakapasok ang kanilang mga obra sa mga prestihiyosong filmfest. Kritikal ang pelikula sa isang bahagi sa mga film festival darlings at sa mga pelikula nilang kinasangkapan ang kahirapan. Binansagang poverty porn ang ganitong genre ng pelikula na tampok sa mga diskusyon sa akademya at mga umpukan ng mga kumakain ng art.

Eksena mula sa pelikulang "Serbis" ni Brillante Mendoza.
Eksena mula sa pelikulang “Serbis” ni Brillante Mendoza.

Ngunit ano nga ba ang poverty porn? Maituturing bang poverty porn ang pelikulang Insiang ni Lino Brocka o ang Manila by Night ni Ishmael Bernal dahil itinampok din ng mga pelikulang ito ang kahirapan sa Maynila at kapwa ipinalabas sa mga festival sa ibang bansa?  Hindi nailarawan sa Ang Babae sa Septic Tank kung ano ang naghihiwalay sa mga pelikulang lehitimong komentaryo sa kasalukuyang lipunan at sa mga pelikulang poverty porn lamang. At ang mismong kakulangan na ito sa pagtukoy ang siya ring kahinaan ng Ang Babae sa Septic Tank para maging isang matalas na komentaryo sa kalagayan ng pelikulang Pilipino.

Hindi na bago ang mga pelikulang tumalakay sa politika at ekonomya ng paggawa ng pelikula sa Pilipinas. Epektibo itong naipakita ni Jeffrey Jeturian sa pelikulang Tuhog na ginawang metapora ang panunuhog at panggahasa ng mga filmmaker sa kanilang mga subject. Nakinita na rin ni Mike de Leon noon pang 1992 ang paggamit sa kahirapan sa industriya ng aliw sa short film niyang Aliwan Paradise. At ito nga ang pinatunayan sa komersyal na tagumpay ng Ang Babae sa Septic Tank.