Istorya ng Linggo

‘Protestang Bayan’ vs. OPH: Transportasyon paralisado sa ilang probinsiya


Ipinoprotesta ng iba’t ibang sektor ang P9.00 na overpricing sa kada litro ng langis. Umano’y mas mataas ang sinisingil ng mga lokal na kompanya ng langis sa bawat pagtaas ng presyo ng langis sa world market, at mas mababa naman ang inirorolbak sa bawat pagbaba ng presyo nito.

Pambansang kilos protesta laban sa overpricing sa langis: KMU, Piston, Bayan, Gabriela at iba pang progresibong organisasyon sa Cubao, Quezon City (Macky Macaspac)

Daan-daang manggagawa, drayber at maralita ang nagsagawa ng kilos protesta sa iba’t ibang panig ng Kamaynilaan, habang paralisado naman ang transportasyon sa ilang probinsya dahil sa ilan libo pang lumahok sa ‘Protestang Bayan’ ngayong araw laban sa overpricing ng presyo ng langis.

Sa pangunguna ng Kilusang Mayo Uno (KMU) at Pagkakaisa ng mga Samahan ng Tsuper at Opereytor Nationwide (Piston), kinondena ng mga nagprotesta ang umano’y sabwatan sa pagitan ng gobyernong Aquino at ng monopolyo ng mga kumpanya ng langis, na nagiging sanhi ng tuluy-tuloy na pagtaas ng presyo ng mga produktong petrolyo.

Iginiit ng mga grupo na kailangang magpatupad  ng rolbak na siyam na piso kada litro sa presyo ng langis, ang halaga ng overpricing simula noong Enero 2008.

Sa Kamaynilaan, nagprotesta ang ilan daang katao sa mga  itinakdang protest centers tulad sa Sta Mesa at Anda Circle sa Maynila; Litex, Philcoa, Elliptical Road at Cubao sa Quezon City; Monumento sa Caloocan; Marikina at iba pang mga maralitang komunidad tulad ng Sitio San Roque sa North Edsa.

Mga drayber ng Piston, nagsagawa ng karaban mula Elliptical Road, Quezon City hanggang tanggapan ng Shell sa Makati City (Macky Macaspac)

Ani Elmer Labog, tagapangulo ng KMU, “Nais namin ng kagyat na kaginhawaan sa porma ng siyam na pisong rolbak sa presyo ng kada litro ng mga produktong petrolyo. Ang mamamayang Pilipino at manggagawa ay walang pagpipilian kung hindi ang magkaisa at lumaban.”

Nagkaroon din ng mga kilos protesta sa Cagayan at Isabela, Baguio City, at Angeles City sa Luzon; Iloilo at Bacolod sa Visayas; at General Santos, Cagayan de Oro, Butuan at Surigao City sa Mindanao.

Samantala, mula sa Elliptical Road sa Quezon City, nagkaraban ang mahigit 50 dyip at FX sa ilalim ng Piston patungo sa tanggapan ng Shell sa Makati.

Tigil-pasada sa ilang rehiyon

Bilang pagsuporta sa pambansang kilos protesta, nagsagawa ng tigil pasada ang mga kaanib na organisasyon ng Piston sa rehiyon ng Bikol at Timog Katagalugan.

Sinabi ng Piston na matagumpay na nailunsad ang tigil pasada sa anim na probinsiya ng Bikol.  Ayon sa media officer ng Concerned Drivers and Operators for Reform (Condor-Piston-Bicol) na si Thomas Magallon, 93% ng transportasyon sa kabuuang rehiyon ang naparalisa ng tigil pasada.

“Paralisado ang 92% ng transportasyon sa Camarines Norte, 85% sa Camarines Sur,  98% sa Albay, 99% sa Sorsogon at 85% naman sa Catanduanes,” aniya sa panayam ng  Pinoy Weekly.

Philcoa, Quezon City: Lumabas sa kanilang mga paaralan at komunidad ang mga kabataang estudyante upang makiisa sa panawagan na isabansa ang industriya ng langis (Macky Macaspac)

Nagresulta ang tigil pasada sa pagsuspinde ng Department of Education sa klase sa lahat ng antas sa Bikol.

Sinabi rin sa Pinoy Weekly ni George San Mateo, pangkalahatang kalihim ng Piston, na 90% ng transportasyon sa buong Laguna ang paralisado, gayundin ang mga bayan ng Silang at Dasmarinas sa Cavite; Dolores, Tiaong, at San Antonio sa Quezon; Lipa, Tanauan, Sto. Tomas, Lemery, Calaca, at Balayan sa Batangas.

Ayon kay San Mateo, patikim lamang ang naganap na tigil pasada sa Bikol at Timog Katagalugan.  “Ikakasa namin ang mas malaki at malawakang protesta na maaring humantong sa isang unified transport strike na lalahukan ng malalaking grupo ng transportasyon dito sa Kamaynilaan,” aniya.

Gobyernong Aquino, may dapat gawin

Hindi naniniwala ang mga grupo na “walang magagawa” ang gobyernong Aquino sa pagtaas ng presyo ng langis, gaya ng laging idinadahilan ng Malakanyang.

Protektor nag kartel sa langis: Ganito inilarawan ng mga nagpo-protesta si Pangulong Aquino, dahil sa kawalang-aksiyon ng gobyerno sa overpricing ng langis (Macky Macaspac)

Ayon kay Anakpawis Rep. Rafael Mariano,  sa kagyat, dapat utusan ni Pangulong Aquino  ang mga kompanya ng langis na irolbak ang presyo ng langis ng P9.00 kada litro, at magtakda ng moratoryo sa panibagong pagtaas ng presyo ng mga produktong petrolyo.

Ayon sa KMU, ang P9.00 na overpricing sa kada litro ng langis ay batay sa hindi makatarungang paggalaw ng presyo sa lokal na merkado. Umano’y mas mataas ang sinisingil ng mga lokal na kompanya ng langis sa bawat pagtaas ng presyo ng langis sa world market, at mas mababa naman ang inirorolbak sa bawat pagbaba ng presyo nito. (Basahin ang kaugnay na istorya)

Gayundin, iginigiit ng mga progresibong grupo ang pagbabasura ng Oil Deregulation Law (ODL) at pagtanggal ng Expanded Value Added Tax sa mga produktong petrolyo. Ani Mariano, isa sa mga awtor ng House Bill 4317 na layong ibasura ang ODL, “Kailangan natin ang isang industriya ng langis na hindi pribatisado, hindi deregulated at wala sa kontrol ng malalaking kompanya ng langis.”

Sumuporta rin sa Protestang Bayan ang mga kawani ng gobyerno, sa isang kilos protesta sa harap ng National Housing Authority (Macky Macaspac)

Panoorin ang bidyo ng Mayday Multimedia hinggil sa pagtaas ng presyo ng langis:

Kuwentong Obrero 2 from mayday multimedia philippines on Vimeo.