Magkasunod na taas-presyo ng langis, kinondena ng Piston


Muling nagprotesta ang mga drayber at opereytor para kondenahin ang dalawang magkasunod na pagtaas ng presyo ng langis matapos ang eleksiyon. Sinabi ni George San Mateo, pangulo ng Pagkakaisa ng mga Samahan ng Tsuper at Opereytor Nationwide (Piston), na “pakitang-tao at papogi” lang daw ni Pangulong Aquino ang pagbaba ng presyo ng petrolyo noong panahon […]

Nagsagawa ng kilos-protesta ang mga drayber sa ilalim ng Piston para kondenahin ang dalawang magkasunod na pagtaas ng presyo ng petrolyo matapos ang eleksiyon. (Kontribusyon)
Nagsagawa ng kilos-protesta ang mga drayber sa ilalim ng Piston para kondenahin ang dalawang magkasunod na pagtaas ng presyo ng petrolyo matapos ang eleksiyon. (Kontribusyon)
Nagsagawa ng kilos-protesta ang mga drayber sa ilalim ng Piston para kondenahin ang dalawang magkasunod na pagtaas ng presyo ng petrolyo matapos ang eleksiyon. (Kontribusyon)

Muling nagprotesta ang mga drayber at opereytor para kondenahin ang dalawang magkasunod na pagtaas ng presyo ng langis matapos ang eleksiyon.

Sinabi ni George San Mateo, pangulo ng Pagkakaisa ng mga Samahan ng Tsuper at Opereytor Nationwide (Piston), na “pakitang-tao at papogi” lang daw ni Pangulong Aquino ang pagbaba ng presyo ng petrolyo noong panahon ng eleksiyon.

Umabot sa P37.40 kada litro ang diesel sa National Capital Region. Pero pumalo naman agad sa P40.00 kada litro matapos ang eleksisyon. “Mukhang magsusunod-sunod na naman ang pagtaas ng presyo ng mga produktong petrolyo,” sabi San Mateo.

Sa pagkakasulat nito, noong Mayo 21 ang pinakahuling pagtaas ng produktong petrolyo. Nagtaas ang Petron ng presyo ng diesel ng 25 sentimos kada litro, samantalang nagtaas naman ang Shell ng 35 sentimos kada litro ang gasolina at 25 sentimos sa diesel.

Noong isang linggo, itinaas na ng mga kompanya ng langis ang kanilang mga presyo sa P0.45 kada litro sa gasolina, P0.50 sa kerosene at P0.60 naman sa diesel.

Patunay umano ang magkasunod na taas-presyo sabwatan ng kartel ng langis at ng Malakanyang para sa kanilang interes, ayon sa Piston.

“Pinagbigyan ng kartel ang pagpapapogi ni Noynoy ilang linggo bago ang araw ng botohan, pero mabilis naman itong pinabawi ng Malakanyang sa dalawang magkasunod na pagtaas,” sabi ni San Mateo.

Dagdag pa niya, kayang-kaya ng gobyerno na pigilin ang pagtaas ng presyo tulad ng naganap noong nakaraang buwan bago mag-eleksiyon.

Rali  sa Cubao ng mga drayber kontra sa taas-presyo ng langis. (Kontribusyon)
Rali sa Cubao ng mga drayber kontra sa taas-presyo ng langis. (Kontribusyon)

“Malinaw naman ang motibo ni Pangulong Aquino na huwag siyang ulanin ng protesta at hindi maapektuhan ang mga manok niya sa eleksiyon, kaya bumaba ang presyo ng langis. Nakakatakot lang na mukhang mabilis nila itong babawiin dahil naproklama na ang mga nanalong kaalyado ng Malakanyang,” ani San Mateo.

Panawagan ng grupo na kailangang irolbak at pababain pa ang presyo ng petrolyo dahil sa nalalapit na pasukan gayundin na nagtaas din ang iba pang bayarin.

“Wala pang nagaganap na signipikanteng rolbak. Pero ngayon, sunod-sunod pa ang pagtaas ng presyo. Kahit pumasada kami ng 24 oras kada araw, mahihirapan pa rin kaming maghanap ng perang ipang-e-enroll sa aming mga anak at ipantutustos sa napakamahal na pang-araw-araw na gastusin,” ani San Mateo.

Nananawagan si San Mateo kay Aquino na makinig umano sa hinaing ng mga drayber at itigil na ang pakikipagsabwatan sa mga abusadong kartel sa langis.

Banta ng Piston, nakahanda silang magkasa ng malalaking protesta  bago magsimula ang magpasukan sa eskuwela kung magtutuluy-tuloy ang pagtaas sa presyo ng mga produktong petrolyo.