Pinoy Weekly

Lokal na ekonomiya, dapat pagtibayin sa gitna ng global debt crisis

Mapa ng mundo na nagpapakita nga mga ekonomiyang nasa resesyon (pula) at may pagtumal ng ekonomiya (pink). (Felipe Menegaz/Wikemedia Commons)

Nang ihudyat ng credit downgrade ng Standard and Poor’s ang debt crisis o krisis sa utang ng United States of America (US) noong Agosto, inihayag ng Malakanyang na “masayado pang maaga” para malaman ang epekto nito sa bansa. Para mapanatag ang loob ng publiko, iniutos ni Pangulong Aquino sa kanyang economic team na “pag-aralan” ang mga epektong ito.

Ngunit para sa ilang mga ekonomista, malinaw, ngunit hindi lamang diretsong tinutugunan ng administrasyong Aquino, ang epekto ng krisis: ang lalo pang paglubog ng ekonomiya na nakaasa sa isang bangkaroteng sistemang pandaigdig.

Dahilan ng paglobo ng utang ng US

Simula noong dekada ’70, nang mabilis na ipatupad ang globalisasyon (o ang deregulasyon ng mga ekonomiya, pribatisasyon ng pampublikong mga serbisyo at asset, at liberalisasyon ng kalakaran at pamumuhunan), tuluy-tuloy na ang tinatawag na “krisis ng sobrang produksiyon” ng sistemang kapitalista. Indikasyon nito ang pagbaba ng growth rate ng pandaigdigang Gross Domestic Product (GDP) simula noong 1970. (Tingnan ang graph hinggil sa paglago ng pandaigdigang GDP)

Mula sa Ibon Foundation

Inililipat ng mauunlad na bansang kapitalista ang bigat ng krisis sa mala-kolonyang mga bansa, gaya ng Pilipinas, sa pamamagitan ng paghuthot ng tubo mula sa produksiyon. Ang profiteering na ito ng malalaking kompanya mula sa mga bansang kapitalista ay nagagawa dahil sa pagpapababa ng sahod at pagkuha ng murang hilaw na materyales mula sa mga mala-kolonya.

Ngunit bukod dito, humuhuthot ng tubo ang mga kapitalista sa pamamagitan ng pagpapautang sa mga neo-kolonya, financial speculation, at paggamit ng utang at ispekulasyon para artipisyal na pataasin ang demand at maiwasan ang pagtigil ng paglago ng ekonomiya, lalo na sa mauunlad na bansa.

Taong 2008 ang hudyat ng pandaigdigang krisis pampinansiya, dahil sa pagputok ng housing bubble na dulot ng labis na ispekulasyon, at pagkabangkarote ng malalaking institusyong pampinansiya sa US.

Isa sa itinuturong dahilan ng krisis sa utang ng US ay ang trilyong dolyar na bailout o pagpapautang ng gobyerno sa pribadong sektor. Ayon mismo sa US Federal Reserve, umaabot sa $16-Trilyon ang sikretong ipinautang ng gobyerno ni US Pres. Barack Obama sa mga kompanya at bangko ng US sa buong daigdig.

Sa kasalukuyan, nasa $14.3-T ang utang ng gobyernong US, mula sa $9.2-T noong 2007. Kinakailangang itaas ng Kongreso ng US ang debt ceiling para makapangutang muli ang gobyerno.

Isa rin sa mga dahilan ng debt crisis ng US ang malaking gastos nito sa mga giyerang panlabas—dumoble sa $560-Bilyon ngayong 2011 mula $259-B noong 2000.

Nakadagdag pa sa utang ng US ang bilyun-bilyong dolyar na halaga ng eksempsiyon sa buwis na ibinigay ni dating US Pres. George Bush sa naluluging mga kompanya.

Walang ‘recovery’

Pinuri ang gobyernong US sa mga bailout—ito raw ang dahilan kung bakit muling nagrekober ang pandagdigang ekonomiya mula sa resesyon. Ngunit ayon kay Paul Quintos, policy officer ng independiyenteng think-tank na Ibon Foundation, “Kung ang kalagayan ng mga mamamayan ay patuloy na lumulubha, hindi natin ito matatawag na recovery. Recovery lamang ito para sa tubo, habang patuloy na tumataas ang kawalang-trabaho at nakokonsentra ang yaman sa iilan.” (Tingnan ang graph hinggil sa tubo ng mga kompanya at bilang ng mga trabaho sa US)

Halimbawa, noong nakaraang taon, tumaas ng 81% ang kabuuang tubo ng US Fortune Top 500 Companies, ang pinakamalaking itinaas nito sa kasaysayan. Samantala, mayroong 250 milyong mamamayan ang walang trabaho sa buong mundo—mas mataas ng 27 milyon noong 2007.

Hindi rin nagtagal ang pagbangon ng pandagdigang ekonomiya dahil sa mga bailout.  Muling bumagal ang paglago ng ekonomiya sa kalagitnaan ng taon. Ayon sa International Monetary Fund, 4.3% lamang ang ilalago ng ekonomiya ngayong taon, mula sa 5.1% noong 2010.

Hindi lamang ang gobyerno ng US ang may krisis sa utang, kundi maging ang ibang bansa, lalo na sa European Union (EU). Ayon sa McKinsey Global Institute, lumobo ang utang mga gobyerno ng iba’t ibang bansa sa mahigit $41-T nitong nakaraang dekada, katumbas ng 69% ng pandaigdigang GDP. Dahil ito sa financial bailouts at stimulus spending o paggastos ng gobyerno para lamang paganahin ang ekonomiya.

Sa tindi ng krisis sa utang, marami sa mga bansa sa EU ang may mga utang na halos katumbas o lampas pa sa kanilang GDP. Kabilang sa may pinakabangkaroteng mga gobyerno sa EU ang Greece, Ireland, at Portugal.

email

1 2

Short URL: http://pinoyweekly.org/new/?p=15085

Ilang-Ilang D. Quijano Posted by on Sep 7 2011. Filed under Balitang Global, Features. You can follow any responses to this entry through the RSS 2.0. You can leave a response or trackback to this entry

Leave a Reply

Multimedia

Eskinita: Ang Alternatibong Ruta

Loading Twine Social
Log in | Designed by Gabfire themes