Pinoy Weekly

Pangangamkam, pagkawasak ng kalikasan sa proyektong panturismo sa Hacienda Looc

Tahimik na likas na kagandahan sa Hacienda Looc sa Nasugbu, Batangas. (Soliman A. Santos)

Tahimik na likas na kagandahan sa Hacienda Looc sa Nasugbu, Batangas. (Soliman A. Santos)

Hampas ng alon na humahalik sa paanan ng mga bundok. Sa pagitan ng mga bundok, kapatagan na matagal nang tinatamnan ng palay, tubo, mga gulay at punong-kahoy. Katubigang sagana sa yamang-dagat tulad ng hipon, alimango, tulingan, galunggong at marami pang uri ng isda.

Ito ang tanawing bumati sa mga panauhin ng mga taga-Hacienda Looc noong Setyembre 2 at 3, 2011. Nagsagawa ng karaban ang mga magsasaka mula sa Kilusang Magbubukid ng Pilipinas, mga taong simbahan, kabataan, guro, manggagawa, kababaihan at iba pang sektor mula sa Department of Agrarian Reform (DAR) patungo sa naturang asyenda para makiisa sa ika-15 taong anibersaryo ng Ugnayan ng Mamamayan Laban sa Pangwawasak ng Hacienda Looc (Umalpas-Ka), isang organisasyong nangunguna sa paglaban sa anila’y pagkawasak ng kanilang komunidad.

Aerial shot ng Hacienda Looc na larawan ng debeloper ng pinaplanong resort sa lugar. (Soliman A. Santos)

Aerial shot ng Hacienda Looc na larawan ng debeloper ng pinaplanong resort sa lugar. (Soliman A. Santos)

Kuwento ni Danilo Ramos, pangkalahatang kalihim ng KMP at isa sa mga dumalo sa pagdiriwang, “paraiso” ang tawag ng mga Marcos kapag pumupunta ang mga ito sa Hacienda Looc para magbakasyon noong kasagsagan ng diktadura ni dating pangulong Ferdinand Marcos. “Pambihirang kagandahan kasi ang taglay ng lugar ng Hacienda Looc. May dagat, bundok at kapatagan,” pagtukoy ni Ramos sa lugar na ito sa Nasugbu, Batangas.

At marahil iyon din ang dahilan kung bakit ito ninanais na mapasakamay ng mga debeloper.

Ang Hacienda Looc

Naging pag-aari ng gobyerno noong 1973 ang Hacienda Looc, na may lawak na 8,650 ektarya at sumasaklaw sa mga barangay ng Calayo, Bulihan, Papaya at Looc. Noong panahon ng diktadurang Marcos, isinailalim ito sa repormang agraryo at ipinamahagi sa mahigit-kumulang na 831 benepisyaryo.

Nang maupo sa puwesto si Corazon C. Aquino noong 1986, isinailalim sa Comprehensive Agrarian Reform Program (CARP) ang naturang asyenda.

Mga magsasaka sa asyenda. (Soliman A. Santos)

Mga magsasaka sa asyenda. (Soliman A. Santos)

Subalit noong 1993, nagsimula ang suliranin ng mga magsasaka nang isama ng gobyerno – sa  pamamagitan ng Assets Privatization Trust (APT) – sa public bidding ang nasabing lupaing agrikultural. Sa naturang bidding, nanalo ang Bellevue Properties Inc. na siya namang nagbenta sa Manila Southcost Development Corporation (MSDC) at sinimulan ang pagdebelop sa lugar. Naganap ito kahit pa hindi nakonsulta ang mga magsasakang benepisyaryo na siyang may-ari ng lupa ayon na rin sa kasunduang pinirmahan ng APT at DAR.

Noong 1993, napatituluhan ng MSDC ang 10 parsela ng lupa ng Hacienda Looc na may saklaw na 1,219 ektarya. Nang taon ding iyon, nagpasa ng petisyon ang MSDC sa DAR Adjudication Board Region IV para sa kanselasyon ng Notices of Acquisition at Certificate of Land Ownership Award (CLOA) na kapwa inisyu ng DAR at kumbersiyon ng lupain mula agrikultural na gamit tungo sa di-agrikultural na gamit.

Brochure ng planong Fil-Estate Harbour Town sa Nasugbu, Batangas. (Soliman A. Santos)

Brochure ng planong Fil-Estate Harbour Town sa Nasugbu, Batangas. (Soliman A. Santos)

At noong 1995, lumagda ng isang Memorandum of Agreement ang MSDC at Fil-Estate Properties, Inc (FEFI) na nagsasaad ng joint venture ng dalawang panig sa pagdebelop ng Hacienda Looc sa residensiyal, komersiyal, panlibangan at pahingahang gamit. (Tingnan ang larawan)

email

1 2

Short URL: http://pinoyweekly.org/new/?p=15099

Soliman A. Santos Posted by on Sep 7 2011. Filed under Features, Istorya ng Linggo. You can follow any responses to this entry through the RSS 2.0. Both comments and pings are currently closed.

Comments are closed

Multimedia

Eskinita: Ang Alternatibong Ruta

Log in | Designed by Gabfire themes