Pait sa asukal
Mapait ang tubo ngayon sa Batangas. Walang tamis ang nakalipas na taon para sa mga magtutubo ng probinsiya mula nang isara ang isa sa pinakamalaking asukarera sa Pilipinas. Pero patuloy silang lumalaban para isalba ang kanilang kabuhayan at ang buong industriya ng asukal ng bansa.
Read this story in English at Bulatlat.com.
Nakahilera ang mga maggagapak sa isang malawak na tubuhan sa Batangas. Hinahawan ang bawat tudling, inaahit ang bawat layak—hindi alintana ang mga bulo at tinik na sumusugat sa kanilang braso’t talampakan.
Nitong Nobyembre, nag-anihan ng tubo sa Batangas. Pero hindi nakasamang maggapak sina Alfred Manalo at Lloyd Descallar, mga magtutubo ng Central Azucarera Don Pedro, Inc. (CADPI). Siyam na buwan na silang hawak ng militar.
Hapon ng Mar. 26, 2023, dinukot sila ng mga sundalo ng 59th Infantry Battalion ng Philippine Army (59th IBPA) sa labas ng Medical Center Western Batangas sa bayan ng Balayan. Kasama ring dinukot si Angelito Balistoso, isang manggagawa ng poso na napadaan lang sa naturang ospital. Sabi ng militar, mga lider daw ng New People’s Army ang tatlo.
Nasa Balayan noon sina Alfred at Lloyd bilang mga volunteer ng Sugarfolks Unity for Genuine Agricultural Reform (Sugar), samahan ng mga manggagawang bukid sa tubuhan sa Batangas. Nakikipagkonsultasyon sila sa mga kapwa magtutubo na apektado ng biglaang pagsasara ng pinagtatrabahuhang asukarera.
Ang CADPI, na pagmamay-ari ng Roxas Holdings Inc. (RHI), ang pinakamalaking integrated sugar business sa bansa. Sakop nito ang 10,980 ektaryang tubuhan na tumatagos sa mga bayan ng Nasugbu, Lian, Tuy at Calatagan. Kaya nitong magproseso ng 13,000 metriko toneladang (MT) asukal kada araw.
Walang ibinigay na abiso ang RHI sa 125 regular na manggagawa ng asukarera, 12,000 manggagawang bukid, 5,000 maliliit na plantador (may tubuhang mababa sa limang ektarya), at lampas 1,000 drayber at pahinante, na maapektuhan ng pagsasara ng CADPI.
Sa sulat ni RHI president at chief executive officer Celso Dimacucut sa Sugar Regulatory Administration (SRA) noong Dis. 15, 2022, sinabi niyang isasara na ang boiler, steamer at milling department ng CADPI. Mababa na raw kasi ang kalidad at lumiliit na ang suplay ng tubo na dinadala sa asukarera. Hindi na rin aniya sapat ang kinikita ng CADPI para sa operasyon nito.
Pero para sa Sugar, ang “pagkalugi” ng asukarera at pagliit ng produksiyon ng tubo sa nakalipas na mga taon ay bunga ng land use conversion, kawalan ng suporta mula sa gobyerno at malawakang importasyon.
“Hindi dapat ang mga tulad nina Alfred Manalo at Lloyd Descallar ang nagdurusa [sa pagsasara ng asukarera],” sabi ni Christian Bearo, tagapagsalita ng grupo.
Pait sa magtutubo
Isang taon na mula nang isara ang CADPI. Ayon kay Bearo, umabot sa 400,000 MT ng tubo ang nabulok, na katumbas ng halagang P1.8 bilyong pagkalugi ngayong 2023. Pinakamalaki ang pagkalugi ng maliliit na plantador.
Noong Mayo, binili ng Universal Robina Corp. (URC) ang natitirang asukarera sa Batangas, ang makinarya sa ilohan (milling) ng CADPI. Hanggang 8,000 MT lang ang kaya nitong iproseso. Maraming plantador ang hindi naisama sa prayoridad na saluhin ng URC. Ang mga naisama naman, nalugi sa hatian.
“Dahil monopolyado na ng URC ang pag-mill ng tubo sa Batangas, dinadaya nila [ang] mga [planter] sa sugar content ng tubo, kaya maliit [ang] share ng planters, 60-40 ang hatian ng planters at millers, mas maliit kumpara sa Negros na 70-30,” sabi ni John Milton “Ka Butch” Lozande, secretary general ng National Federation of Sugar Workers (NFSW).
Dahil sa pagkalugi, itinigil na ng ibang plantador ang produksiyon. Apektado tuloy ang mga manggagawang bukid, drayber at pahinante na umaasa sa tubuhan.
Si Ricky Biamonte, lumuwas pa mula lalawigan ng Quezon sa pag-asang may madadatnang trabaho sa tubuhan sa Batangas. Mahigit 20 taon na siyang naggagapak. Nang magsara ang asukarera, wala na siya halos maipakain sa pamilya.
“Ang aming kinikita noon na P1,500 [kada linggo], sa ngayon hindi na namin kayang kitain. Ang kinikita namin, sa tunay lang, kada linggo ngayon ay P300,” aniya.
Sa isang linggo, dalawa hanggang tatlong beses na lang silang pinagtatabas ng tubo. Napilitan na rin siyang umekstra sa mga trabahong hindi na regular, napakaliit pa ng sahod.
“Noong maganda pa ang kinikita namin sa tubo, ang aking mga anak ay diretso sa paaralan. Ngayon, wala nang maipangbaon kaya nakatigil [sila] sa pag-aaral,” sabi ni Ricky.
Ngayong panahon ng paggagapak, hindi malaman ng mga magtutubo kung ang karampot bang sasahurin ay maipanggagastos sa mga susunod na araw o ipambabayad na lang sa utang.
“Walang ginawa ang Marcos [Jr.] administration para i-mitigate ito. Dahil lang sa pagsisikap ng mga kongresista ng Makabayan bloc, nakumbinsi si House Speaker Martin Romualdez na magbigay ng P10,000 ayuda sa mga manggagawang bukid sa tubuhan at maliliit na planter, ngunit hindi pa ito nakukumpleto,” ani Lozande.
Imbes na ayuda, bata-batalyong sundalo ang ipinadala ng gobyerno sa mga magtutubo ng CADPI. Tuloy-tuloy ang naitalang paglabag sa karapatang pantao sa Batangas buong taon.
Noong Agosto, ilang ulit na sinalakay ng 59th IBPA ang kabahayan sa Barangay Putol sa Tuy. Tinakot at pinagbantaan ang mga residente. Binulabog din ang pagpupulong ng barangay para sa payout ng pangakong ayuda ni Romualdez.
Nobyembre 20, dinukot naman si Karla Mae Monge, dating estudyante ng University of the Philippines Los Baños na nagsasaliksik sa land use conversion sa tubuhang sakop ng CADPI.
Ikinuwento naman ni Ricky, paulit-ulit din siyang tinatakot at pinagbabantaan ng mga sundalo.
“Dahil sa hindi na kami isinaalang-alang, masisisi ga naman kaming mga magtutubo kung maggiit kami ng karapatan sa ayuda’t kompensasyon, at manawagan na buksan at pangasiwaan ng ating gobyerno ang CADPI?” pahayag ng Sugar.
Sabotahe sa industriya
Kahit isang taon nang hindi tumatanggap ng tubo mula sa lokal na prodyuser, nakakapagbenta pa rin ng asukal ang RHI. Nag-iimport ang kumpaya ng hilaw na asukal sa halagang P450 kada sako. Ipinoproseso at ibinebenta ito sa lokal na pamilihan nang hanggang P3,250 kada sako.
Ayon sa Sugar, pananabotahe sa lokal na ekonomiya ang gawaing ito ng RHI dahil nasasakripisyo ang lokal na industriya para makatipid sa produksiyon at “makahuthot” ng mas malaking pakinabang.
Bukod sa mga magtutubo ng Batangas, umaasa ang maraming tubuhan sa Cavite, Laguna at Quezon sa CADPI para iproseso ang kanilang ani.
Sa ulat ng United States Department of Agriculture, magsasara ang panahon ng anihan sa Pilipinas ngayong taon na may 1.322 milyon MT na stock ng asukal, mas mababa sa 1.465 milyon MT noong 2022. Dalawang taon na ring hindi nadagdagan ang produksiyon ng asukal ng bansa.
Kasabay ng pagbaba ng suplay ang pagtaas ng presyo. Bilang tugon, dinagdagan ng gobyerno ang iniimport na asukal. Pangako ni Department of Agriculture (DA) Senior Undersecretary Domingo Panganiban noong Mayo, bababa sa P80 ang kada kilo ng asukal dahil sa dagdag na importasyon.
Sa datos ng SRA nitong Nobyembre, lumalabas na 68% (142,800 MT) na ng asukal sa pamilihan ay imported. Pero ngayong Disyembre, nasa P100.39 pa rin ang kada kilong bentahan nito sa mga tindahan ayon sa NFSW.
“Malinaw na hindi nangyari [ang pagbaba ng presyo]. Ang gusto lang panatilihin ng SRA at DA ay ang dambuhalang kita ng malalaking panginoong maylupa at millers, na hindi lang nagpoprodyus, kundi pinapayagan ding mag-import,” ani Lozande.
Nagbubuo kasi aniya ang gobyerno ni Ferdinand Marcos Jr. ng mga crony nito sa industriya ng asukal.
Dahil sa lumaking importasyon, bumaba naman ang millgate price, o presyo ng pagbili sa lokal na plantador, na ngayon ay nasa P2,500 lang kada sako. Lalo itong ikinalugi ng maliliit na prodyuser.
“Habang bumabagsak ang millgate price, mataas pa rin naman ang presyo sa retail. Malinaw, hindi nakikinabang sa ganitong sitwasyon ang mga magtutubo at konsyumer,” sabi ni Aurelio Valderrama Jr., presidente ng Confederation of Sugar Producers Associations, Inc.
Mas makakatulong aniya kung bibigyang prayoridad ng gobyerno ang lokal na industriya.
Nananawagan ang Sugar na itigil na ang importasyon ng asukal. Sa halip, dapat buksang muli at direktang pangasiwaan ng gobyerno ang operasyon ng CADPI.
Para sa NFSW, masolusyunan ang krisis sa asukal kung sosolusyunan din ang problema sa kawalan ng lupa.
“Mataas ang production cost ng tubo at tumaas pa ito dahil sa pagpapataas ng presyo ng abono’t krudo. Dahil dito, madaming mga manggagawang bukid, na naging agrarian reform beneficiaries (ARBs), ang napilitang ipaaryendo (ipaupa) ang kanilang mga lupain,” ani Lozande.
Hangga’t wala aniyang naipapatupad na tunay na reporma sa lupa at ibinibigay na subsidyo sa produksiyon, kabilang ang abono, para sa maliliit na plantador at ARBs, lalong makokontrol ng malalaking panginoong maylupa at asyendero ang industriya ng asukal.
Dagdag pa ni Lozande, dapat ding itigil ang pagpapalit-gamit ng lupang agrikultural.
Natapos na ang paggagapak ng mga magtutubo sa Batangas para sa taong ito. Pero magpapatuloy ang pakikibaka nila para isalba ang kanilang kabuhayan at ang industriya ng asukal ng bansa – hindi alintana ang militarisasyon at panunupil na tanging tugon ng gobyerno.
“Hinding-hindi ninyo kami mapapaatras. Ipagpapatuloy namin ang pagtataguyod sa karapatan ng mga magtutubo at iba pang sektor sa industriya ng asukal,” panata ng Sugar.
Sa muling paghilera ng mga maggagapak sa malawak na tubuhan sa Batangas, sa susunod na anihan, nawa’y makasama na sina Alfred at Lloyd sa pag-ani ng kanilang matamis na tagumpay.
Ang istoryang ito ay sinusuportahan ng Google News Initiative News Equity Fund.