FEATURED

Lambot rakenrol


May bohemian na atityud ang phrase na “rakenrol”: cool, rolling stone gathers no moss, que sera sera, bahala na si Batman. Astig na atityud ito, halaw sa rock star mode. At kung hindi ito matigas, ito ay emo o nanggigitata sa angas lang., karaniwang kabataan na angas.

Rebyu ng Rakenrol (Quark Henares, 2011)

May bohemian na atityud ang phrase na “rakenrol”:  cool, rolling stone gathers no moss, que sera sera, bahala na si Batman.  Astig na atityud ito, halaw sa rock star mode.  At kung hindi ito matigas, ito ay emo o nanggigitata sa angas lang, karaniwang kabataan na angas.

Sa malambot na panig ng rakenrol nahuhulog ang pelikulang Rakenrol.  Wanna-be rock stars na fresh high school grads, living their dream.  Guy falls for girl, girl is in love with (malambot at overacting na) rock star, rock star only wants girl for sex, girl realizes this, boy confesses love for girl, girl wants boy as best friend, boy is confused, boy abandons band, boy meets Ely Buendia, Ely advises boy to realize his dream, band hits it big during launch, band disbands, boy forms another band, girl watches boy in his album launch.

Juvenilia ang angas ng pelikula.  Terno ito sa postmodernong treatment sa mga esksena, tulad ng pagpasok ng graphics at titles, reference sa kulturang popular, intercuts na sinasabi na ay ipinapakita pa.  Hindi matalas ang sinasaad ng youth film na ito.  At ito ang pagkalusaw ng radikal na potensyal ng rakenrol at kabataang subkultura:  ang pagkawala ng historikal na posisyong baguhin ang nakagawiang gawi at kaisipan ng nakakatandang kaayusan.

Sablay ang ganitong lohika ng wanna-be mainstreaming sa nosyon ng indie cinema sa bansa.  Ang idea ng indie ay cutting edge, umaangat dahil may nais na gustong ilahad, iba sa estetika at kapamaraanan ng mainstream cinema.  Hindi kakatwa na sabay-sabay ang pagpasok ng indie films sa mainstream distribution (re: mall cinemaplex) outlets.  Nauna’t matagumpay Ang Babae sa Septic Tank (Marlon Rivera at Chris Martinez, 2011) at Zombadings: Patayin sa Syokot si Remington (Jade Castro, 2011).

Kapuri-puri ang tangka ng indie filmmakers at isang sangay ng indie cinema na maging mainstream, maghangad ng mas malaking audience.  Kaya marahil ay nagkakaroon pa ng sablay dahil tinatantya pa ang idioma ng mainstream na maaring magtagumpay sa mga nagtatangkang indie films.  Pero iba ang Rakenrol at Zombadings dahil ang mga ito ay di patungkol sa kahirapan, ang paboritong paksa at tema ng indie cinema.

Gitna uri ang mundo ng Rakenrol, at ang individual na aspirasyon sa partikular na kabataang buhay ng mga tauhan ang pinagtutuunan ng atensyon ng naratibo nito.  Narsisismo ang representasyon ng gitnang uri:  Mimi (me-me) at Ai-ai (I-I) ang moda ng mga tauhan.  Sila lang ang natatangi, may natatanging problema, may natatanging buhay, may natatanging pangarap, may natatanging paraan para matupad ang kanilang pangarap…

Maging ito ay bago sa indie cinema na nanggitata sa abang tauhan at abang mundo ng kahirapan.  Walang kapangyarihan ang subaltern na tauhan, pero may kontraryong entitlement para makapaglahad ng pagkamamamayang inetsapwera ng estado.  Ang puna nga sa pelikulang Filipino, walang gaanong pelikulang tumatalakay sa buhay ng gitnang uri at mayayaman.

Sa mundo ng teeny-bopper na Sharon Cuneta films ang mayayaman.  Umiinog ang mainstream cinema sa mundong ito.  Ang gitnang uri ay sa loob ng artsy mainstream cinema, tulad ng Relasyon (1982) at Broken Marriage (1983) ni Ishmael Bernal.  Pero sa Rakenrol, lumalabas na di naman talaga malalim at interesante ang buhay ng mga gitnang uring kabataan, kahit pa musical genre ito.

Kailangan ng sensitibo at ingat sa pagtalakay ng kabataang Filipino para mabigyan-katarungan ang representasyon sa kanila.  Kaya ang dedikasyon ng pelikula—para kina Alexis Tioseco at Nika Bohinc, mga kabataang kritiko—ay wala sa lugar.  Kung ang itinatangi ng youth film, maging ng mga kritikong ito, ay pag-igpaw sa nakakatandang gawi at commercial cinema, natapilok sa malambot na alpombra ang Rakenrol.