Mulat na camp at kawalan ng irony


Rebyu ng “Zombadings Patayin sa Shokot si Remington” (Jade Castro, direktor, 2011)

rebyu ng Zombadings Patayin sa Shokot si Remington (Jade Castro, direktor, 2011)

Sa “Notes on ‘Camp’” ni Susan Sontag, sinaad niya ang dalawang katangian nitong di-lubos na mabigyan-definisyon na konsepto:  ang camp ay pabalat (artifice) at labis (exaggerated).

Marami na nang tumuligsa sa pelikulang Zombadings, kalakhan sa isyu ng “negatibong depiksyon” ng kabadingan:  ang pagiging bading ay sumpa at “predatory,” ang stereotype ng bading equals screaming faggot, na parang walang “LGBT” advocates, na ang pelikula ay nagpapalaganap ng “hatred” at ito “abhorrent” kaya “the filmmakers should be ashamed.”

Ang katangian ng media ng pelikula—tulad ng iba pang kabahagi ng industriya ng kultura—ay ito ay umiinog sa realm ng fantasya, na kahit pa ito ay documentary film ay may sabayang representasyon ito ng realidad at fantasya, o sa partikular ng fantasya ng realidad.

Hindi mulat ang “hatred” sa Zombadings.  Hindi ito nilikha para magpalaganap ng pagkamuhi sa bading, walang aamin nito.  Ang sinasambit na hatred o sa mas partikular “self-hatred” (o galit sa kapwa bading) ay isang resepsyon sa pelikulang naglalayong maging camp:  magaan, patawa at far out dahil nga sa diin sa pabalat at kalabisan.  Ang problema nga lang, minobilisa ang mga isyu ng kabadingan para sa proyekto ng camp.

Wala sa loob ng anumang partikular na genre ang Zombadings.  Hindi ito horror o fantasy.  Hindi rin ito melodrama o coming-of-age na gay film.  Ang camp ay hindi genre, ni hindi ito sensibilidad o stilo.  Ito ay dating (affect) na nakukuha matapos matunghayan ang isang kaganapan.

Hindi pwedeng magsimula ang isang proyekto na maging camp.  Kailangan itong maging resulta o in hindsight na persepsyon.  Hindi ako lalabas ng bahay bilang stereotipong parloristang bading dahil hindi ito magreresulta sa “dobleng camp.”  Mananamit ako, at dahil labis ang pabalat na ukay-ukay o high fashion, halimbawa, maari akong maging camp.

Ang Zombadings ay mulat na camp, ito ay campy pero hindi camp.  Ang nangyari sa pagpapatingkad ng proyektong maging camp ay negation ng camp.  Walang irony o disjuncture sa dalawang pinagtatapat na mundo dahil naglapat ang pagpapatawa (intensyonalidad at resultang primaryo sa box-office) sa object ng pagpapatawa (ang kabadingan).

Sinasabing postmodernong twist ang pagkahilig sa pabalat na kalabisan at kalabisang pabalat dahil ito ay parodya na walang irony:  nagpapatawa pero walang komentaryo hinggil sa kalakaran kung bakit nakakatawa ang pinagtatawanan o kung bakit may ipit na hapdi sa sugat ng pagpapatawa at pagtawa.

Kung iisipin, hindi hiwalay ang camp sa Zombadings at Ang Babae sa Septic Tank (Marlon Rivera, dir., 2011), isa pang pelikulang mulat ang pagbatikos, dito naman sa mundo ng phenomenon ng indie cinema.  Walang kagat ang mga pelikula dahil direkta ang referencing, citing, quoting at indexing.  Paano pa magiging komentaryo ito kung ito naman ang kalakaran sa mismong mundong pinaghahalawan ng penomenon?

Samakatuwid, walang komentaryong sinasambit ang dalawang pelikula maliban sa deskripsyon ng kalakaran (o stereotipo) ng penomenon.  At dito manghihinayang si Sontag sa kanyang elaborasyon ng camp, na purposive ito, mayroon kakayahan lumabas sa kahon at pagkakahon.  At nangyari, sa dalawang pelikula, muling nadagdagan ang kahong nagkakahon sa potensyalidad ng kabadingan at indie cinema.  Pinaglaho ang radikalidad para maging pabalat at labis, para maging purong entertainment.