Kababaihan

Pagtaas ng singil sa kuryente, pamasahe, tinutulan ng kababaihan


Kinondena ng kababaihan ang 44 sentimos kada kilowatt hour na pagtaas sa presyo ng kuryente. Ibig sabihin, madaragdagan ng higit-kumulang P44 ang electric bill ng mga pamilyang kumokonsumo ng 100 kwh kada buwan.

Hindi nanahimik ang kababaihan sa pagtaas sa singil sa kuryente, sa kilos-protesta sa branch ng Meralco sa EDSA-Kamuning Ave noong Nobyembre 17. (Ilang-Ilang Quijano)

Naglunsad kahapon ng kilos-protesta ang mga militanteng kababaihan mula sa komunidad para igiit kay Pangulong Aquino na aksiyunan ang tuluy-tuloy na pagtaas ng presyo ng langis at nakaambang pagtaas ng singil sa kuryente ngayong buwan.

Sa isang piket sa harap ng branch ng Meralco sa EDSA-Kamuning Rd. sa Quezon City, kinondena ng halos 50 kababaihan ang 44 sentimos kada kilowatt hour na pagtaas sa presyo ng kuryente. Ibig sabihin, madaragdagan ng higit-kumulang P44 ang electric bill ng mga pamilyang kumokonsumo ng 100 kwh kada buwan.

“Araw-araw, kung anu-anong pagtitipid ang ginagawa ng kababaihan para magkasya ang badyet ng pamilya. Ang mas mataas na singil ng kuryente ay nangangahulugan ng mas kakaunting badyet na pagkain at iba pang batayang pangangailangan,” sabi ni Lana Linaban, pangkalahatang kalihim ng Gabriela.

Matapos nito, tumungo naman ang grupo sa opisina ng Land Transportation and Franchising Regulatory Board (LTFRB) para tumutol sa petisyon para sa pagtaas ng pamasahe sa dyip na inihain ng ilang grupong pangtransportasyon ngayong linggo.

“Kung talagang naiintindihan ng naturang transport groups ang mga komyuter, hindi sila magsasampa ng petisyon para sa fare hike ngayon. Sa halip, dapat kondenahin nila ang pakikipagsabwatan ni Aquino sa malaking kartel ng langis at manawagan ng moratoryo sa oil price hikes, o pagtanggal ng 12% VAT (Value Added Tax) sa presyo ng langis,” sabi ni Linaban.

Pinag-aaralan ng Gabriela na magsampa ng petisyon bilang mga mamamayan laban sa fare hike na isinampa sa LTFRB.

“Hindi kami katulad ng gobyernong Aquino na nananahimik na lamang tuwing tumataas ang presyo ng mga batayang bilihin. Patuloy kaming magpoprotesta hangga’t nakataya ang pamumuhay ng aming mga pamilya,” sabi ng lider-kababaihan.