Migrante

Pagbitay sa Pinoy sa Tsina: Migrante ‘sawang sawa’ sa pagpapabaya sa OFWs


Sa pagbitay na naman sa isang Pilipino sa Tsina, muling binigyang-liwanag ng Migrante International ang polisiya ng gobyerno na pag-eksport sa lakas-paggawa. Nakiisa rin ang Migrante sa mga kabataan at iba pang sektor na nagkakampo sa Bustillos dahil “sawang-sawa” na sila sa “bulok na sistema.”

Napaiyak ang ina ni Sally Ordinario-Villanueva matapos ang anunsiyong binitay na ang Pinoy na nasa death row sa Tsina. Si Sally ay isa sa tatlong Pilipino na binitay sa Tsina noong Marso 2011. (Macky Macaspac)
Napaiyak ang ina ni Sally Ordinario-Villanueva matapos ang anunsiyong binitay na ang Pinoy na nasa death row sa Tsina. Si Sally ay isa sa tatlong Pilipino na binitay sa Tsina noong Marso 2011. (Macky Macaspac)

“Nananalangin kaming ito na ang huling pagbitay na magaganap.”

Nagsunog ng effigy ng eroplanong sumisimbolo sa Labor Export Policy ng administrasyong Aquino ang mga militante at Migrante International. (Darius Galang)
Nagsunog ng effigy ng eroplanong sumisimbolo sa Labor Export Policy ng administrasyong Aquino ang mga militante at Migrante International. (Darius Galang)

Sabi ito ni Raul Hernandez, tagapagsalita ng Department of Foreign Affairs, ilang saglit lamang matapos ang ideklarang binitay na nga si “Pinoy1,” isang Pilipinong nahatulan ng kamatayan dahil sa drug trafficking sa Tsina.

Pero sa Bustillos, Manila kung saan nagrarali ang mga tagasuporta at kaanak ng Overseas Filipino workers (OFW), nanggagalaiti si Garry Martinez, tagapangulo ng Migrante International. “Ano naman ang magagawa niyan? Apat na ang naging biktima ngayong taon,” reaksiyon ni Martinez sa pahayag ng DFA.

Alas-12:30 ng hapon ang opisyal na oras ng pagbitay kay “Pinoy1,” inanunsiyo ni Vice Pres. Jejomar Binay. Sa Bustillos, nag-alay ng isang minutong katahimikan ang Migrante, kasama ang mga kabataan at iba pang sektor na nagkampo sa lugar, kaalinsabay ng CampOut Mendiola na dinahas at pinigilang makarating ng Mendiola noong Disyembre 6 at 7.

Galit na galit ang mga migrante dahil ito na nga ang pang-apat na binitay na Pinoy sa Tsina, matapos bitayin din ang tatlong Pinoy noong Marso 2011. “Nakakagalit at nakakasawa na ang ganitong balita,” ani Martinez. Hindi na umano nakakagulat, pero nakakagalit pa rin ang labis na kakulangan ng suporta sa mga nasa death row, at kahit pa sa mga tinaningan na ng bitay.

Maipapamalas sa mga pahayag ni Pangulong Aquino ang paghugas-kamay ng administrasyon sa masamang sinasapit ng mga OFW, kahit na ito pa ang kauna-unahang nagtutulak sa mga Pinoy na mangibang-bansa. Sinabi kasi kamakailan ni Aquino na “personal choice” daw ang pagtungo sa ibang bansa upang magtrabaho.

Pero malinaw, ani Martinez, na “salamin lamang ito (pangingibang-bansa para magtrabaho) ng kawalan ng trabaho sa bansa.”

Mistulang dagdag-insulto pa ang pagsabi ng DFA na “hindi OFW” ang binitay na Pinoy ngayon. Hindi raw siya tumungo sa Tsina para magtrabaho. Pero malinaw sa Migrante na kawalan ng trabaho at kawalan ng oportunidad sa Pilipinas ang nagtutulak sa mga tulad nina “Pinoy1,” Sally Ordinario-Villanueva, Ramon Credo at Elizabeth Batain na lumahok – kung totoo man – sa ilegal na gawain ng drug mules.

“Iisa ang sinasabi ng mga taong nakapila sa POEA (Philippine Overseas Employment Administration) kung bakit nila pinili na lumabas ng bansa. Ito’y ang kawalan ng trabaho sa loob ng bansa. Hindi sila lalabas ng bansa kung may tunay na industriya sa bansa,” nagpupuyos na dugtong ni Martinez.

Sinabi pa ni Martinez na pito sa sampung pamilya ang may kaanak na nagtatrabaho sa ibang bansa. Anim naman bawat araw ang iniuuwing bangkay araw-araw. At ito pa umano ang kagimbal-gimbal: “Sa tala, 122 na ang hinatulan na ng kamatayan sa iba’t ibang panig ng mundo,” ani Martinez.

Martsa ng Migrante mula Espana Avenue patungong Bustillos para ikondena ang pagbitay sa Pinoy sa Tsina at ang Labor Export Policy na ipinapatupad pa rin ng administrasyong Aquino. (KR Guda)
Martsa ng Migrante mula Espana Avenue patungong Bustillos para ikondena ang pagbitay sa Pinoy sa Tsina at ang Labor Export Policy na ipinapatupad pa rin ng administrasyong Aquino. (KR Guda)

May iginigiit na mga hakbang ang Migrante para upang mapangalagaan ang mga manggagawang nangibang-bansa. Isa na rito ang mas mataas na subsidyo sa OFWs, gayundin ang pagprayoritisa sa serbisyong panlipunan sa pambansang badyet.

Sinabi pa ni Martinez na kailangan ding palakasin ang suporta sa legal assistance para sa mga may kaso sa ibang bansa. “May mga hinatulan sa ibang bansa ngunit walang abogado,” saad ni Martinez. Dugtong pa niya ang tunay na reintegrasyon ng mga umuwing OFW, at hindi ang mga pautang na ibinibigay ng pamahalaan.

Samantala, hangga’t di ito natutupad, ipinagpapatuloy ng Migrante ang pagkondena sa administrasyong Aquino. Sa Disyembre 18, maglulunsad ng “Zero Remittance Day” ang organisadong mga migrante nasa ibang bansa. Porma ito ng protesta nila sa pambubusabos sa mga manggagawang lumalabas ng bansa upang magtrabaho.

Ang Migrante International naman, nakikiisa sa kabataan at iba’t ibang sektor na nagkakampo sa Bustillos – dapat daw sa Mendiola – para ikondena ang “bulok na sistema” na nagpapayaman sa isang porsiyento ng populasyon habang sadlak sa kahirapan ang 99%.

(May ulat si Macky Macaspac)