Balitang Global

Suring-Global: Bagong sanction sa Iran, atbp.


Napipinto ang embargo ng European Union (EU) sa mga produktong petrolyo ng Iran kaugnay ng nuclear program ng naturang bansa. Tantiyado na lulumpuhin nito ang ekonomiya ng Iran dahil EU ang pangalawang pinakamalaking importer ng Iranian crude kasunod ng China. Nauna na ritong nagpahayag ng embargo ang US noong Enero 1, 2012.

Mapa ng Iran at magkakatabing mga bansa. (maps.google.com)
Mapa ng Iran at magkakatabing mga bansa. (maps.google.com)
Mapa ng Iran at magkakatabing mga bansa. (maps.google.com)

Bagong sanction sa Iran

Napipinto ang embargo ng European Union (EU) sa mga produktong petrolyo ng Iran kaugnay ng nuclear program ng naturang bansa. Tantiyado na lulumpuhin nito ang ekonomiya ng Iran dahil EU ang pangalawang pinakamalaking importer ng Iranian crude kasunod ng China.  Nauna na ritong nagpahayag ng embargo ang US noong Enero 1, 2012.

Kaugnay ng embargo, nagpadala ng mga barkong pandigma ang France at Britain sa Strait of Hormuz para ayudahan ang US carrier group sakaling totohanin ng Iran ang banta nitong isara ang Strait of Hormuz. Ganting sanction ito ng Iran upang walang makalabas  na anumang produktong petrolyo sa pandaigdigang pamilihan.

Bukod sa oil embargo, inaasahang mapapabilang sa sanction ang pakikipagkalakal sa Iranian Central Bank at ng ginto sa gobyerno ng Iran.

Pero, hindi lamang Iran ang hahaplitin ng sanction. Tatamaan din ang maraming bansa sa pagtaas ng presyo ng langis at mga produktong petrolyo. Kaya, ibayong kaguluhan ang posibleng ibunga nito, lalo na’t inaasahang hindi tatahimik na lamang ang Iran sa harap ng bagong sanction.

Assad, pinabababa sa poder

Nanawagan ang Arab League kay Syrian President Bashar al-Assad na ipaubaya na sa pangalang pangulo ang pagpapatakbo ng gobyerno at pagkatapos ay magdaos ng eleksiyon sa diwa ng “unity government” upang mawakasan ang madugong pag-aalsa na 10 buwan nang nangyayari.

Sa planong ito, mapayapang makakaalis sa poder ang rehimeng Assad na katulad ng nangyari sa rehimeng Abdullah Saleh ng Yemen at maisasagawa ang maayos na transisyong pampulitika. Maiiwasan ng ganitong hakbang ang digmang sibil na nangyari sa Libya na hanggang ngayon ay dinaramdam ng bansang iyon.

Subalit anuman ang mangyari, tutol sa ngayon ang Arab League sa international military intervention at pilit humahanap ng solusyon sa problemang kinasusuungan ng Syria.

Mahigit 5,000 na ang nasasawi sapul nang sumiklab ang kaguluhan sa Syria at tumitindi ang panganib na lubos itong mauwi sa digmang sibil dahil sa pagdami ng mga nabubuong armadong grupo at ng military defectors mula sa Syrian Armed Forces.

Nauna rito, nagpahayag naman ang Israel na handa itong kupkupin ang mga Allawites, tribu ni Assad, sa kanilang bansa sakaling bumagsak si Assad sa kapangyarihan.

Kondisyon ng ekonomiya ng US mabuway pa rin

Ang magandang balita ay hindi tumaas ang presyo ng mga produktong pangkonsumo sa US sa loob ng nakalipas na dalawang buwan bunsod ng pagbaba ng presyo ng langis.  Pero, ang bahagyang paglaki ng ekonomiya noong last quarter ng 2011 ay tinatayang mauudlot sa unang bahagi ng 2012 bunga ng krisis sa Europe na humahaplit sa US exports.

Sa pananatiling malaki ng bilang ng mga walang trabaho, bagsak na presyo ng bahay, at di pagtaas ng presyo ng mga produkto, inaasahan ng mga ekonomista na nagsasagawa ang US Federal Bank ng panibagong pagbili ng mga ari-arian ngayong taon.

At samantalang may pag-ahon diumano ang ekonomya  ng bansa mula sa pagkakasadlak sa recession, halos 10% pa lamang ng mga lungsod ng US ang muling nakapag-empleyo ng mga sinisanteng manggagawa sa kasagsagan ng krisis. Dalawa at kalahating taon pagkaraan ng naturang krisis, patuloy pa rin iyong iniinda ng maraming siyudad at dumaranas ng mababang buwis na naguobliga sa mga city mayor na magsisante ng mga empleyado, itigil ang mga pagawaing-bayan, at magtaas ng mga singilin para matugunan ang kakulangan sa badyet.  Noong 2008, may 533,000 ang mga empleyadong sinesante ng mga gobyernong lokal.

Nitong nakalipas na taon, ipinanukala ni Barack Obama ang $477 Bilyong economic stimulus plan, pati ang pagpapahinto sa pagsisante sa mga empleyado ng gobyernong lokal, lamang at hinarang iyon ng kongreso na nakatuon sa pagbabawas ng deficit ng bansa.  Dagdag pa, binawasan ng US Congress ng $1-B ang perang ibinibigay sa mga siyudad na tinataya ng mga city mayor na mangangahulugan ng pagsisante sa 35,000 empleyado.

Sa pagbabawas ng mga gastusin ng federal states at ng mga lungsod, inaasahang bababa ang economic growth ng kalahating porsiyento ngayong 2012.

Gayunma’y sinasabi ng gobyerno na sa kabilang banda, aabante ngayong taon ang mga siyudad na nakaugnay sa pandaigdigang kalakalan, transportasyon at utilities at inaasahang lilikha ang mga industriya niyon ng 563,000 trabaho.  Sa ngayon, nasa 8.5% ng labor force ang US unemployment na mas mababa nang bahagya noong 2009 na 10%.  Pero, malayo pa ito sa figure bago magka-recession.

 Central Asia: Lupain ng panunupil

Ayon sa Freedom in the World 2012 Report na ipinalabas nitong Enero 19, ang mga gobyerno ng Central Asia, maliban sa Kyrgyzstan na kinakitaan ng bahagyang pagbuti, ay nabibilang sa kategoryang “not free”—ibig sabihin, hindi umiiral ang mga karapatang pampulitika at malawakan at sistematikong sinusupil ang mga batayang karapatang sibil.

Tinumbok ng ulat ang Kazakhstan bilang isang “country of concern” dahil sa bagong batas niyon na nagbabawal sa pagpapalaganap ng relihiyosong paniniwala at pagtatayo ng mga relihiyosong organisasyon, at sa kabilang banda’y sa masaker ng mga pulis sa mga nagwiwelgang manggagawa sa oil refineries. Sa bayan ng Zhanaozen, sinalakay ng mga pulis ang mga welgista at sinasabing 70 ang nasawi, aabot ng 800 ang mga nasugatan at 70 ang inaresto.

Si Nazorbayev ang pinakamatagal na nananatiling pasitang presidente ng Kazakshtan na napuwesto sa poder umpisa pa nang bumagsak ang USSR noong 1991. Nagagamit niya ang mayamang deposito ng langis at ang istratehikong puwesto ng bansa sa marahas na pamumuno at kayang-kaya niyang pagsabungin ang US at Rusya sa pamamagitan ng mga iyon. Nitong huli, sumahol ang marahas na pamumuno ni Nazorbayev na gumagamit ng mga armadong bandido sa panunupil sa mamamayan.

Sa Uzbekistan naman, sinusupil ang lahat ng partido oposisyon at ang malayang pagninegosyo na halos buung-buong kontrolado ng pamilya ng presidente at mga alipuris, ibinibilanggo ang mga aktibista at mamamahayag. Lamang at sa kabila ng ganito, suportado siya ng US at Western Europe dahil nagkakaloob siya ng logistical support sa pandidigma ng US at NATO sa Afghanistan.

Walang pinagkaiba sa mga bansang ito ang kalagayan sa Turkmenistan na hindi umiiral ang anumang kalayaang pampulitika at sibil. At samantalang sa darating na buwan pa ang eleksiyon, alam na ng madla kung sinusino ang mga mananalo.

Gera sa Afghanistan, malabong mahinto

Napakatindi ng kontra-Amerikanong sentimyento sa Afghanistan na dumadagdag sa problema ng mapanganib na transfer of security responsibilities ng US-NATO forces sa militar at pulisya ng Afghanistan.

Ayon sa kasalukuyang time-frame, gobyerno na ng Afghanistan ang mananagot sa seguridad ng bansa.  Kabibilangan ito ng pag-alis sa Afghanistan nang malaking bilang ng sundalong Amerikano na nakikipagdigma sa Taliban.

Ang lumalakas na pagkapoot sa mga sundalong Amerikano ay nangangahulugan ng pagkagusto ng mga mamamayan na palayasin ang mga dayuhang hukbo.  “Ayaw na ng mga mamamayan na ipagtanggol sila ng mga dayuhan,” pahayag mismo ni Hamid Karzai, pangulo ng Afghanistan,  bilang reaksiyon sa larawan ng mga patay na sibilyang naliligo sa dugo na inihelera ng mga sundalong Amerikano na nalathala sa Der Spiegel, isang publikasyon sa Alemanya.

Ipinangangamba na mahirapan ang Afghan army na pangasiwaan ang seguridad ng bansa pag wala na ang US-NATO forces sa 2014. Maraming analyst ang nagsasabi na hindi pa kaya ng Afghan army na gapiin ang Taliban. Posibleng binubulag lamang ang gobyerno ng Afghanistan ng matinding anti-Amerikanismo na sa bandang huli ay Taliban ang makikinabang.

Dati’y popular na popular ang mga sundalong Amerikano nang mapatalsik nila sa poder ang mga Taliban noong 2001.  Malaking bahagi ng mga mamamayan ang tuwang-tuwa sa itinuring nilang paglaya sa marahas na rehimen. Nanaginip din sila ng kaunlaran sa pamamagitan ng tulong ng US.

Pero, unti-unting naglaho ang magandang pagtingin sa mga sundalong Amerikano.  Nanghinawa sa kanila ang mga mamamayan dahil sa pandaharas ng mga sundalong Amerikano sa buong populasyon sa pamamagitan ng walang pakundangang pambobomba sa mga komunidad at magaspang at barumbadong pakikitungo ng mga sundalo sa sibilyan.

Sa ngayon nga, dumadalas ang mga pangyayari ng pagpatay ng mismong mga sundalong Afghan sa puwersang US-NATO na siyang nagsanay at nagbigay sa kanila ng armas. Mas matindi ang pagkapoot nila sa mga dayuhang hukbo kaysa sa mga Taliban.