PED XING

Barangay Corazon de Jesus


Mga tulang alay sa lumalabang mga mamamayan ng Brgy. Corazon de Jesus sa San Juan City.

Karapatan ng bawat mamamayan na magkaroon ng maayos na matitirahan, at tungkulin ng Estado na ibahagi ang pangunahing pangangailangang ito. Malinaw itong nakasaad sa 1987 Constitution (Article XIII, Sections 9-10). Ayun din sa artikulong iyon, tungkulin ng Estado ang makipag-negosasyon sa mga maralitang tagalungsod at magsagawa ng relokasyon sa pamamaraang makatao at naaayon sa batas. Patunay ang pamamayani ng karahasan sa Brgy Corazon de Jesus, Pinaglabanan, San Juan na may malaking pagkukulang ang programang pangrelokasyon ng kasalukuyang pamahalaan. Mahirap sisihin ang mga residente ng Corazon de Jesus kung pinili nilang manatili roon dahil sa kawalan ng kongkretong alternatibong pangkabuhayan mula sa Estado. Higit sa lahat, sa nangyaring marahas na pagtataboy sa mga residente ng Corazon de Jesus, pinatitibay lamang nito ang katotohanang wala pa ring pag-unlad sa estado ng pamumuhay ng mga maralitang  tagalunsgod.

 

Corazon

Romina Astudillo
Tumatangis ang langit
sa mga kurba ng makinis mong yero

Nililigawan ng apoy
ang makikisig mong mga kahoy

Sinusuklay ng mga yagit na paa
ang makikipot mong eskinita

Pader mo’y pinagtatagpo
ng kalawanging mga pako

Sinasalag ng talukap ng iyong bintana
sikat ng kumukulong araw sa umaga

Sapin ang gula-gulanit na karton
sa sementadong sahig paglipas ng dapit-hapon

Ikaw ang P. Guevarra
sa pinagkaitang maralita

Dinuduyan mo ang mga magigiting na anak
ng minsang naghimagsik gamit ang tabak

Ngayo’y muling nagbabangon
kasaysayan ng dakila mong rebolusyon

Masdan mo ang mamamayang nagtipun-tipon
armadong magtatanggol laban sa mapangwasak na panahon

Mananatili kang nakatindig Corazon
Ni kailanma’y di ka madudurog

Si Romina Astudillo ay tagapangulo ng College Editors Guild of the Philippines-National Capital Region.


 

It’s More Fun Sa Tuwid Na Daan

Lenkurt Lopez

Habang mainit ang usapan
kung anong mabisang pang-akit sa mga dayuhan..

ay!

Hindi makataong demolisyon
ang nagpatunay;
tama ang napiling slogan.

“It’s more fun
sa tuwid na daan, wika ng isang gahaman,
kayo ang boss ko!
Kahit wala kayong tirahan–
matagal pa naman ang eleksyon
hindi ko pa kayo kailangan.”

It’s more fun nga naman,
kapag walang masilungan

Si Lenkurt Lopez ay kasalukuyang nakabase sa lalawigan ng Quezon; tagasalba ng mga sirang cellphone at alipin ng tarpaulin printer.


 

Teargas

MJ Rafal

matagal na kaming hinubog ng hirap
itinubog kami sa dusa at sadlak
pinanday kami ng lipunang marahas
handang lumaban, humawak ng tabak

at kung aakalain n’yong kami’y mapipigil
ng isnayper, transiyon at tirgas
a! isinangla na namin aming puso at lakas
sa barikadang ‘di pagagapi’t magwawakas…

Si M.J. Rafal ay mahilig tumula. Paborito niya ang linyang “Poetry, like bread, is for everyone.” ni Roque Dalton. Ilan sa mga idolo niya sa pagtula ay sina Stum Casia, Kislap Alitaptap, Pia Montalban at si Alexander Martin Remollino. Mahilig din siyang magbasa at maglakad.


 

sa babaing ang pangalan ay nangangahulugang gabay…

Noel Sales Barcelona

nasaan ang puso mo
ikaw na nagsasabing banal ka’t santo?
ano nga ba ang banal na turo
ng Kristong may pusong ginto:
mahalin mo ang kapwa mo
kagaya ng sarili mo.
ngunit kaiba yata sa sinasabi
ang iyong ginagawa
sapagkat ang anino ng sarili
ay inaalisan mo ng dangal,
iyong inaaglahi!

Si Noel Sales Barcelona ay isang miron. Pamasid-masid, patingin-tingin. Nagkokomento rin minsan. Mababasa ang kanyang kabaliwan at pagmumuni-muni sa http://www.sigliwa2.tk.



Mga Bato

Mark Angeles

May mga batong nakasalansan sa likod ng barikada
sa bukana ng Barangay Corazon de Jesus.

Nasa panig sila ng mga nangangamba
na matibag ang kanilang sinisilungan
pagdating ng dapithapon.

Maging ang mga bato ay naghihintay—
nananabik na sila ay magamit pang muli

dahil saan nga ba sila nagmula
kundi sa katawan din ng mga itinindig na pader
ng mga itinaguyod na bahay?

Piniraso sila mula sa tagiliran
tulad ng tinapay.

Ilang sandali pa, magliliparan na sila
papunta sa mga kaaway
kasama ng mga basyo ng suka at ketsap.

Ang Barangay Corazon de Jesus
na saksi at kumupkop sa mga hikbi at himutok

ay magbabagong-bihis
at magiging lunan ng digmaan—
tanggulang yari sa mga bisig at dibdib

at mga puso, mga pusong naging kamao,
mga kamaong kasintigas bato.

May dalawang indie books si Mark Angeles, ang PATIKIM at EMOTERO. Maraming lessons sa buhay ang naituro sa kanya ng mga magsasaka.


 

Untitled?

Rustum Casia

Habang tinutuklas nila kung ano
nga ba ang abortion,

baka lang maitanong-

binago na ni JV Ejercito
ang depenisyon ng maayos na relokasyon.

Masyadong malayo na itong planeta.
Malayo sa pagkakakitaan at
palengke ng Agora.
Malayo sa San Juan Elementary School
at Aling Banangs.

At malayo sa San Juan,
dakilang bayan na kinalakhan.
Habang tinutuklas nila kung ano
nga ba ang abortion,

baka lang maitanong-

binago na ni JV Ejercito
ang depenisyon ng maayos na relokasyon.

Masyadong malayo na itong planeta.
Malayo sa pagkakakitaan at
palengke ng Agora.
Malayo sa San Juan Elementary School
at Aling Banangs.

At malayo sa San Juan,
dakilang bayan na kinalakhan.

Si Rustum Casia ay isa sa mga nagtatag ng grupong Kilometer 64 Poetry Collective. Aktibong miyembro ng United Church of Christ in the Philippines. Kasapi rin siya ng Artists Arrest at Concerned Artists of the Philippines.


 

Anak ng Apoy

Rommel Rodriguez

Tapunan ng tubig tuwing araw ng San Juan. Sa gitna ng basaan,
umiindak ang katawan sa sayang hatid ng mga piyesa sa piyesta;

mga torotot, tambol, mga padyak na nagpadagundong sa lupang
inangkin ng mga patrong likha ng pinilakang-tabing.

May ulo at katawan subalit walang puso at kaluluwa.
Malayo pa ang Hunyo. Napaaga ang basaan, hindi ng tubig,

kundi ng hanging may lason at patalim na tumagos sa mata,
dama ng mga pusong binasa ng pawis at luha.

Napalitan ng panaghoy ang kasiyahang mapanlinlang.
Subalit ngayon, tinuyo ng umaalimpuyong galit ng mga

anak ng apoy ang kahabaan ng kalsada
upang sunugin ng lumiliyab na kamao

ang nagpapalayas sa kanila.

Si Omeng Rodriguez ay dating miyembro ng grupong Alay Sining sa UP Diliman–kung saan siya kasalukuyang nagtuturo ng panitikan at malikhaing pagsulat.