Magsasaka

Manggagawang bukid ng Luisita pinaaaresto ng RCBC dahil sa bungkalan


Sila na ngang nagmamaksimisa at nagpapayaman sa lupa, sila pa itong binabantaan ng DOJ Tarlac ng pag-aresto dahil sa pagbubungkal ng lupain sa Hacienda Luisita na inaangkin ng bangkong RCBC

Bilang simbolo ng pagtutol sa napipintong pag-aresto sa 22 lider-magsasaka at kasapi ng Ambala, pinunit ng mga lider at taong-simbahan ang joint resolution ng DOJ Tarlac na nagsasaad ng reklamo ng RCBC. (Macky Macaspac)
Bilang simbolo ng pagtutol sa napipintong pag-aresto sa 22 lider-magsasaka at kasapi ng Ambala, pinunit ng mga lider at taong-simbahan ang joint resolution ng DOJ Tarlac na nagsasaad ng reklamo ng RCBC. (Macky Macaspac)

“Sasalubungin namin ng malawakang protesta ang bantang pag-aresto sa aming mga lider at kasamahan.”

Ito ang sinabi ng mga manggagawang bukid ng Hacienda Luisita matapos ipalabas ng Office of the City Prosecutor sa Tarlac ang joint resolution kamakailan sa dalawang kasong isinampa ng Rizal Commercial Banking Corporation (RCBC) laban sa 22 lider-magsasaka ng Alyansa ng mga Manggagawang Bukid sa Asyenda Luisita (Ambala) at mga kasapi nito, kabilang ang ilang opisyal ng mga barangay sa loob ng asyenda.

Kinasuhan sila sa ilalim ng Article 280 (grave coercion) at Art. 312 ng Revised Penal Code (occupation of real property), bunsod ng pag-okupa nila noong July 15, 2011 sa 500 ektaryang inaangkin umano ng RCBC sa Brgy. Balete.

Sinabi ni Rodel Mesa, pangkalahatang kalihim ng Unyon ng Magsasaka sa Agrikultura (UMA) na isa ring magsasaka sa asyenda, sa isang press conference, na lehitimo at may batayang moral ang pag-okupa nila sa lupaing nakatiwangwang sa matagal na panahon. “Ginagamit lamang ng Ambala ang kanyang awtoridad kung saan pinapawalang saysay nito ang reklamo ng RCBC,” aniya.

Ayon kay Mesa, nagsampa na sila ng petisyon sa Department of Agrarian Reform (DAR) noon pang Enero 5, na ipinapawalang bisa ang kumbersiyon sa 500 ektaryang inaangkin ng RCBC kasabay ng paggiit na ipamahagi na ang lupain. Hanggang sa kasalukuyan, walang aksiyon ang DAR sa nasabing petisyon ng mga magsasaka.

Naibigay noong 1996 ang kautusang palit-gamit (conversion order) at sinaklaw nito ang 500 ektaryang lupain. Ngunit ayon sa mga manggagawang bukid, sa halip na paunlari’y inilipat lamang ang mga ito sa mga korporasyong pagmamay-ari ng pamilyang Cojuangco tulad ng Luisita Industrial Park Corporation o Lipco, at ipinagbili ang 183 ektarya sa RCBC.

Iginiit ng mga magsasaka na ginamit ng pamilyang Cojuangco ang conversion order upang maiwasan ang pamamahagi ng lupa ayon sa itinakda ng batas.

Paliwanag ni Lito Bais, tagapangulo ng United Luisita Workers’ Union (ULWU) at isa sa mga kinasuhan, mula umano ng mapasakamay ng RCBC ang lupain limang taon na ang nakakalipas, wala ito o ang pamilyang Cojuangco na ginawang pagpapaunlad sa lupain.

“Nakatiwangwang na ang lupang ito mula noong 1996, at produktibo ito kaya binungkal namin upang may makain ang aming pamilya,” ani Bais. Dapat umanong wala nang saysay ang conversion order.

Dagdag pa ni Bais, inisyatiba ng mga magsasaka na paunlarin ang 500 ektaryang lupain matapos na pumabor ang Presidential Agrarian Reform Council o PARC noong 2005 sa kanila. “Inisyatiba namin (ito para) mapabilis ang pamahahagi ng lupa sa mga kapwa namin magsasaka at magkaroon kami ng kabuhayan, ngunit ito ang kapalit ang gawa-gawang kaso at ang bantang pag-aresto sa amin” aniya.

“Gawin na nila ang gusto nilang gawin, at gagawin naman namin ang dapat naming gawin upang mabigyan ng kabuhayan ang mga kapwa magsasaka namin,” sabi pa ni Bais.

Hinala ng mga magsasaka, “pagmamanipula lamang” ng pamilya Aquino-Cojuangco ang isinampang kaso ng RCBC. Sinabi rin nila na makailang ulit nang hindi tinupad ng pamilya ang mga kautusan at kasunduang ipamahagi na ang lupa mula pa noong dekada ’60. Giit nila, may nakasampa ng mga kaso noong pang 1967 at 1985 kaya’t ang pagpasok ng RCBC ay “ilegal.”

Morally at historically, amin ang lupang iyan. Ilegal ang pagpasok ng RCBC diyan,” mariing giit ni Mesa. “Amin ang lupang iyan, kaya namin nagawa ito (okupasyon) upang mabuhay kami.”

Pag-ani ng palay sa bahagi ng Luisita na inaangkin ng RCBC. (KR Guda)
Pag-ani ng palay sa bahagi ng Luisita na inaangkin ng RCBC. (KR Guda)

Sumuporta naman ang mga taong-simbahan sa panawagan ng mga magsasaka.

Ipinahayag ni Bishop Deogracias Iniguez ng Ecumenical Bishops Forum o EBF na dapat pairalin ang katotohanan at katarungang panlipunan sa loob ng Luisita.

“Maliwanag na malinawag ang isinasaad ng batas, sana pati ang diwa ng batas ay maunawaan ng mga nagpapairal nito. Lalo na at ang nasasangkot dito ay ang pamilya ng pangulo,” ani Iniguez. Aniya pa, isang halimbawa ang panibagong sigalot sa pagitan ng RCBC at mga magsasaka sa pagpapatupad ng batas agraryo.

Ayon naman kay Fr. Edu Gariguez, executive secretary ng Catholic Bishops Conference of the Philippines-National Secretariat for Social Action (CBCP-NASSA), sa halip na magdiwang ang mga   magsasaka dahil sa desisyon ng Korte Suprema kabaligtaran ang nangyayari.

“Hindi tumitigil ang pamilyang Cojuangco na maibalik sa kanila ang lupa at hindi maipamahagi ang mga ito sa mga magsasaka,” sabi ni Gariguez.

Nananiwala din si Gariguez na nakikipagsabwatan ang mga Cojuangco sa RCBC upang gipitin ang mga magsasaka sa pamamagitan ng pagsampa ng kasong kriminal. “Malaking kabalintunaan ang nangyayari,” aniya.

Inilinaw din ng mga magsasaka na kahit sumusuporta sila sa impeachment trial ni Chief Justice Renato Corona,  nangangamba silang maaaring magamit ng pamilya Aquino-Cojuangco ang nakasalang na impeachment trial upang muling maibalik o mabaliktad ang desisyon ng Korte Suprema pabor sa pamilya ni Pangulong Aquino.

“Babala namin kay Pangulong Aquino na huwag gamitin ang impeachment trial kay Corona upang mabaliktad ang desisyon ng Korte Suprema (hinggil sa pamamahagi ng lupain ng Luisita),” ani Mesa.

Pangamba rin ni Gariguez, kapag napalitan umano ang komposisyon ng Korte Suprema sa mga kakampi ng pangulo, baka mawala ang impartiality at independence nito.  “Baka mabaliktad ang mga desisyon tulad ng sa Hacienda Luisita,” aniya.

Hinamon pa ni Gariguez si Aquino na tulad ng paghahabol sa mga yaman ni Corona ay habulin din ang yaman ng kanyang pamilya, laluna iyung “kinuha ng mga ito” na ari-arian tulad ng Luisita.

“Ito ang esensiya ng katarungang panlipunan. Huwag naman sobra-sobra ang yaman mo samantalang ang mga magsasaka ay walang wala na ipakukulong mo pa,” aniya.