Suring Global

Mga dahilang pang-ekonomya ng gera ng US vs China


Samantalang nanlulupaypay o lubog sa krisis ang mga ekonomya ng US at Kanlurang Europa, napakasigla ng kalakalan sa Asia-Pacific, tuluy-tuloy na umuunlad ang ekonomya ng mga bansa sa Central Asia, Eurasia, ng South Asia at ng ASEAN.

Samantalang nanlulupaypay o lubog sa krisis ang mga ekonomya ng US at Kanlurang Europa, napakasigla ng kalakalan sa Asia-Pacific, tuluy-tuloy na umuunlad ang ekonomya ng mga bansa sa Central Asia, Eurasia, ng South Asia at ng ASEAN.  Ayon mismo sa Economic and Social Commission for Asia and the Pacific (ESCAP) ng United Nations, “Asia-Pacific is the world’s engine of growth.” At sa harap ng mga krisis na kinakaharap ng mga bansa ng Kanluran, sinasabi ng maraming ekonomista na lumilipat sa rehiyong ito ang kapangyarihang pang-ekonomya ng mundo.

Sumasabay naman sa ganitong magandang balita ang nakikitang panghihina ng impluwensiya ng US sa APEC.  Napaparatangan pa ang US na magulo ang posisyon sa APEC at ginagamit lang ang organisasyon para sa pansariling interes. Sa pagpupulong sa Hawaii noong 2011, halimbawa, umikot sa malaking bahagi ang usapan tungkol sa pagsusulong ng US ng makabuluhang pakikipag-ugnayan sa Asya na ibig sabihi’y ang pagtatrabaho ng US sa loob ng APEC para magbukas ng pamilihan sa Asia-Pacific region at iugnay ang mga ito sa American exporters para makatulong sa pagpapalakas ng mga relasyong pang-ekonomya sa rehiyon.

Pero, samantalang nanghihina ang reputasyon ng US ay lumalakas naman ang posisyon ng China.  Nagiging sentro ito ng kalakalan sa rehiyon at ng mga kanugnog rehiyon.  Umabot sa 11% ang industrial growth rate nito at, sa kabila ng krisis ng Kanlurang mundo, tinataya ng ESCAP na lalaki ng 8.5% ang ekonomya ng China ngayong 2012, kumpara sa 2.5% tinatayang paglaki ng ekonomya ng US at di-malinaw na tinutungo ng ekonomya ng Eurozone.  Sa ngayon, ang China ang pangalawang pinakamalaking trading partner ng US, ika-8 trading parner ng European Union, pinakamalaking trading partner ng Japan, Middle East at North Africa.

Samantala’y nangunguna ring ang papel ng China, bagaman matindi ang kompetensiya ng Russia, sa Shanghai Cooperation Organization na kinabibilangan ng mga bansang Uzbekistan, Tajikistan, Kazakhstan, Turkmenistan, Kyrgyztan, China at Russia.  Mabilis pa ngayong lumalawak ang organisasyong ito na kinabibilangan ng Mongolia bilang observer at mga aplikanteng bansang Afghanistan, Pakistan, India at Iran.  Meron din itong memoranda of understanding sa mga bansang kasapi ng Commonwealth of Independent States.

Nasa Central Asia, partikular sa Caspian Basin, ang mahigit 20% ng reserbang langis ng mundo at 46% ng natural gas.  Kapag isinama sa kuwentada ang maraming mamiminang mineral sa lupalop na ito, talagang isang napakayamang  imbak ng hilaw na sangkap ang tatambad sa dumadausdos na ekonomya ng Kanluran.  At hindi pa ganito lang:  napakalaking palengke ang mabubuksan sa US, napakalaking puwersa ng produksyon, napakalaki at maunlad na mga kasangkapan sa produksyon.

Ang problema lang ay nagsisilbing malaking sagabal ang China na nakabalagbag sa daanan ng napakalaking reserbang kayamanang ito.  Kapag nahamig ito ng US, ibig sabihin, kapag nawala ang China, nakasisiguro na maitatayo ng US ang sinasabi ni Obama na “ekonomyang magtatagal” hindi lamang nang ilang dekada, kundi baka umabot na sa Huling Araw o Araw ng Paghuhukom.