Reimbensyon ng Diskursong Kolonyal
Maraming problematiko at kaprote-protesta sa “Restoring US presence,” editoryal ng Philippine Daily Inquirer na lumabas noong 30 Enero. Sinang-ayunan at binigyang-katwiran nito ang pagtagal at pagsaklaw, o ang lubusang pagbabalik, ng presensyang militar ng US sa Pilipinas. Gumamit ito ng maraming kasuklam-suklam na taktika sa propaganda para ibenta ang nasabing posisyon.
(1) Sinasang-ayunan nito ang paglilihim ng gobyerno ng US at Pilipinas sa nagaganap na negosasyon hinggil sa pagtagal at pagsaklaw ng mga tropa at kagamitang militar ng US sa bansa. Kinatigan nito ang palusot para sa naturang paglilihim: May “mga pampulitikang sensibilidad” daw na makakanti ng “lubusang pagbabalik ng presensyang militar na Amerikano.” Mapanganib ang ganitong tindig ng midya, parang panahon ng gera: ipinapailalim ang katotohanan, na alam namang gustong malaman ng mga mamamayan, sa itinuturing na interes sa seguridad.
(2) Tinatawag nitong “lumang emosyunalismo” ang sentimyento kontra sa base-militar ng US sa bansa. Sa ganito, ibinasura nito ang nasyunalismo na ipinakita ng sambayanan sa paglaban para palayasin ang mga dating base ng US. Kung babalikan ang debate hinggil dito mahigit 20 taon na ang nakakalipas, makikitang ang mga kontra-base ang may mga batayang rasyunal at hindi emosyunal sa pagpapalayas sa mga base, habang karamihan ng mga sinasabi ng mga tagapagtanggol ng base ay nakaugat at nagpapalakas sa mga kaisipang atrasado at kolonyal.
(3) Binabaluktot nito ang pagtingin ng mga kontra-base sa pangangailangang palayasin ang mga base-militar ng US, sa pagsasabing parang pagputol sa umbilical cord ng anak sa ina ang pagbasura sa tratado para sa pagpapatagal ng mga base sa bansa. Hindi nito kayang ilahad nang matapat ang pagtingin ng mga kontra-base. O ang kaya lang nitong ilahad ay ang pagtutol ng mga pulitiko sa base. Para sa marami sa mga kontra-base, hindi nakabubuhay na ugnayan ang namayani sa pagitan ng US at Pilipinas sa mahabang panahon, kundi nakamamatay. Kasuklam-suklam din ang implikasyon na hindi maisisilang ang Pilipinas kung hindi dahil sa US.
(4) Pinagmumukha nitong iisang entidad ang Pilipinas kasabay ng pagsasabing napangibabawan na nito ang nabanggit na lumang emosyunalismo. Sa ganito, pinagtatakpan nito na ang mga naghaharing uri, hindi ang nakararaming pinaghahariang uri, ang may kontrol sa patakarang panlabas ng bansa. Sa mga naghaharing uri, hindi pagkapawi ng anumang emosyunalismo ang naganap, kundi pagpapatuloy ng pagiging sunud-sunuran sa US – na napaatras ng malakas na protesta ng mga mamamayan. Anu’t anuman, binabansagan nito ng “lumang emosyunalismo” ang pagtutol ng mga mamamayan sa presensyang militar ng US para maibasura ito – na para bang isa lang itong lumang bagahe na dapat itapon.
(5) Pinalalabas nitong nasaktan ang US sa pagpapalayas sa mga base-militar nito sa Pilipinas. Muli, pinagmumukhang isang entidad ang US. Sa panig ng mga naghaharing uri ng US, hindi naman talaga umalis ang presensyang militar ng US sa bansa, kaya walang dahilan para masaktan. Sa panig ng mga mamamayang Amerikano, may seksyong tutol rin sa pagkakaroon at pagpapalawak ng base ng US sa bansa at sa mundo. Higit pa riyan, para bang emosyon o damdamin ang namamayani sa gobyerno ng US sa pagpapasaklaw ng presensyang militar nito sa buong mundo – hindi ang malamig at malupit na kalkulasyon ng pagsusulong ng sariling interes, batay sa pagsusuri ng US State Department at Central Intelligence Agency.
(6) Lumilikha ito ng pag-asa na posible ang “isang kasunduang kapaki-pakinabang sa dalawang panig” mula sa hungkag na pag-asang natuto na dalawang bansa sa mapapait na karanasan ng kanilang espesyal na ugnayan. Paanong natuto? May pagkilala bang dapat sa Pilipinas ikulong ang mga tropang Amerikanong nakagawa ng krimen sa bansa? Pinahigpit ba ang pagbabawal sa paglahok ng mga tropang Amerikano sa mga armadong labanan na internal sa bansa? Ibinukas ba man lang sa inspeksyon ang mga kagamitang militar ng US sa posibleng paglabag sa pagbabawal ng Konstitusyon sa armas-nukleyar? Para sa gobyerno ng Pilipinas, walang mapait na karanasan sa tropang Amerikano, at niyayakap nito nang buo ang interes ng US. Sa ganyang kalagayan, isang ilusyon o pantasya ang magkaroon ng pantay na kasunduan.
(7) Pinapaasa nito ang mga mambabasa, ang mga nasa panggitnang uri, sa pangakong tulong-militar ng US. Pinagtatakpan nito samakatwid ang mahabang karanasan ng bansa sa mga base-militar ng US. Sa loob ng mahigit apat na dekada ng pananatili ng mga base ng US sa bansa, pinaasa ang mga mamamayan sa tulong-militar, na kesyo imomodernisa ang militar. Pero hanggang ngayon, kailangan pa rin itong imodernisa. Puro mga lumang kagamitan ang ibinigay at dagdag-gastos pa nga sa mga mamamayan – hindi talaga tulong ng umano’y kaibigan.
(8) Pinagmumukha nitong ang interes ng Pilipinas kaugnay ng Tsina ang pangunahing dahilan sa pagpapalawak at pagpapatagal ng presensyang militar ng US sa bansa. Mapanlinlang at mapanganib ito sa mga mamamayan. Ang totoo, ang interes ng US ang pangunahing dahilan ng kampanya nitong magpalawak at magpatagal ng presensyang militar sa Pilipinas. Gusto nitong takutin at palibutan ang Tsina, na isa ngayong lumalakas na kapangyarihan sa mundo. Pero hindi iyan nangangahulugang ipaglalaban talaga ng US ang Pilipinas kung gagawa ng anumang probokasyon ang Tsina. Masalimuot ang rekord ng US sa ganito: may panahong pinapahintulutan ang pananakop, may mga panahong hindi. At marami mang laban ng US na ipinambala ang mga Pilipino, wala pang direktang laban ang US para sa mga Pilipino. Ang punto: iba ang interes ng US at iba ang interes ng Pilipinas.
(9) Sinisiraan nito ang Kaliwa sa bansa, sa pagpapalaganap ng kasinungalingan na tahimik ang huli sa mga pahayag at aksyon sa Tsina, na tinawag nitong “treasonous” o “pagtataksil sa bayan.” Para magmukhang kapani-paniwala ang ganitong kasinungalingan, inugat pa ang umano’y pananahimik sa oryentasyong “Maoista” ng Kaliwa. Ang totoo, kinondena at tinutulan ng Kaliwa ang mga pahayag at aksyon ng Tsina, pero pinatampok din ang mas malaking panganib na dulot ng pagsamantala ng US sa usapin. Ang puntiryahin ang Tsina sa ilang aksyon at pahayag nito nang niyayakap ang US sa mahigit sandaang taong rekord nito sa bansa – iyan ang pagtataksil sa bayan. Hindi tutuligsain ng Kaliwa ang Tsina dahil Maoista ito? Para iyang pagsasabing hindi tutuligsain ng mga naniniwala kay Hesukristo ang Israel – kahit pa kontra-Kristiyano ang mga patakaran nito.
Sa pagtindi ng malubhang pang-ekonomiyang krisis sa mundo, tiyak na lalakas ang tulak ng US na magpalawak ng presensyang militar sa iba’t ibang panig ng mundo at mag-udyok ng gera sa iba’t ibang bansa. Ipinapakita ng editoryal ng Philippine Daily Inquirer ang kapasyahan ng US, ng gobyerno at ng midya na maglunsad ng reimbensyon ng diskursong kolonyal para bigyang-katwiran ang pagpapasaklaw at pagpapatagal ng presensyang militar ng US sa bansa.
Sa kalakhan, walang bago sa reimbensyon ng diskursong ito. Pero kumukuha ito ng lakas sa deka-dekadang pagbura sa kasaysayan ng pagsasamantala ng US sa bansa at ng paglaban dito ng mga Pilipino. Malinaw ang hamon sa mga makabayan: ang paigtingin ang pagbabalik-aral at pagbibigay-buhay sa mahabang tradisyon ng kontra-kolonyal, kontra-imperyalista at makabayang kamalayan at kultura.
“At nasa negosyo ng imperyo na tayo simula 1898. Ipinangako natin sa mga Pilipino ang kanilang kalayaan mula sa Espanya. Tapos, nagbago tayo ng isip, at pumatay ng tinatayang 200,000 sa kanila sa proseso ng pag-Amerikanisa sa kanila.” – Gore Vidal, Imperial America, 2005.
11 Pebrero 2012
Short URL: http://pinoyweekly.org/new/?p=18193














