Kalahati sa gagradweyt ngayong taon, walang trabaho


Tinatayang kalahati sa mga magsisipagtapos sa kolehiyo ngayong 2012 ang walang naghihintay na trabaho, sa harap ng kawalan ng makabuluhang plano ng administrasyong Aquino sa paglikha ng hanapbuhay at sustinableng pag-unlad sa ekonomiya.

Pagtatapos sa isang state university. (Abraham Arboleda/UP SIO? File Photo)
Pagtatapos sa isang state university. (Abraham Arboleda/UP SIO? File Photo)
Pagtatapos sa isang state university. (Abraham Arboleda/UP SIO/File Photo)

Tinatayang kalahati sa mga magsisipagtapos sa kolehiyo ngayong 2012 ang walang naghihintay na trabaho, sa harap ng kawalan ng makabuluhang plano ng administrasyong Aquino sa paglikha ng hanapbuhay at sustinableng pag-unlad sa ekonomiya.

Ito ang pahayag ng Anakbayan, sa kabila ng paglabas ng datos ng Annual Labor Force Surveys ng National Statistics Office na 40.8% hanggang 37.4% lamang ng kabataang bahagi ng lakas-paggawa sa nakalipas na dekada ang nakakahanap ng trabaho.

Naibalita rin ng ahensiya na 43% ng kasalukuyang walang hanapbuhay ay nakapagtapos pa sa kolehiyo.

“Habang pinagpapatuloy lamang ng administrasyong Aquino ang eksport at makadayuhang oryentasyon sa polisiya sa ekonomiya ni Arroyo, wala kaming nakikitang dahilan para sa sitwasyon ng mga walang hanapbuhay na kabataan na mapabuti ngayong taon,” ani Vencer Crisostomo, tagapangulo ng Anakbayan.

Sinabi pa ni Crisostomo na mahaharap sa kompetisyon sa papaunti at papaunting posisyon sa trabaho

ang Batch 2012, sa harap ng  pagtaas ng bilang ng mga walang trabaho.

Umabot na sa siyam na milyon ang bilang ng mga Pilipino na walang trabaho.
Dulot umano ito ng deka-dekadang polisiya ng pagprayoritisa ng gobyerno sa pag-akit sa dayuhang mga negosyo para sa lokal na mga trabaho. Ngayon, ani Crisostomo, bulnerable tuloy ang bansa na maranasan din ang epekto ng tinatawag na “Great Depression” na tumama sa Estados Unidos mula pang 2008.

Isa sa mga hakbang ng gobyernong US, sa pamumuno ni US Pres. Barack Obama, para maampat ang kawalan ng trabaho ay ang paghikayat sa mga kompanyang Amerikano na huwag nang i-outsource sa mga bansang tulad ng Pilipinas ang mga trabahong may murang lakas-paggawa.

Inaasahan umano ni Crisistomo na ganito ang mangyayari sa mga kabataang manggagawa sa Pilipinas.

Sa 12.36 milyong kabataang nagtatrabaho noong nakaraang taon, 6.49 milyon ang makikita sa tinatawag na service sector, kabilang ang call center agents at ang industriya ng Business Process Outsourcing na pawang kontraktuwal na mga manggawa.

Dagdag ng Anakbayan, sa halip na umasa sa industriyang BPO at maging sa export-oriented na agrikultural at industriyal na mga korporasyon, kailangang magpokus ng gobyerno sa pagmomodernisa ng agrikultura at paunlarin ang pagkaing nakasasapat sa mga mamamayan.

Kailangan din umanong himukin ang lokal na mga negosyo sa pagpapababa ng presyo ng langis, kuryente at iba pang gastusin; at pagsasabansa ng mga susing industriya gaya ng langis, kuryente at pagmimina.