Malakanyang nilusob ng kababaihan ng Gabriela

March 1, 2012

Sa kabila ng tinamong karahasan, palaban pa rin ang kababaihan ng Gabriela.  (Macky Macaspac)

Sa kabila ng tinamong karahasan, palaban pa rin ang kababaihan ng Gabriela. (Macky Macaspac)

Nilusob ng kababaihang miyembro ng Gabriela ang Gate 7 ng Palasyo Malakanyang habang ipinagdiriwang ng Presidential Security Group (PSG) ang kanilang ika-26 na anibersaryo. Ipinoprotesta nila ang kainutilan diumano ng administrasyong Aquino sa pagtigil sa taas-presyo ng langis at batayang mga bilihin.

Dahil sa hindi inaasahang pagkakapuslit ng kababaihang nagprotesta, marahas na ipinagtabuyan sila ng PSG at mga miyembro ng Philippine National Police (PNP), bago pa man sila makapagprograma.

“Halatang nagulantang at napikon ang mga tropa ng PSG at PNP kaya’t puwersahan kaming itinulak gamit ang kanilang shield at pinagsisipa ang mga miyembro namin,” ani Lana Linaban, pangkalahatang kalihim ng  Gabriela.
Ipinoprotesta ng grupo ang halos lingguhan nang pagtaas ng presyo ng produktong petrolyo, ang P6 na pagtaas ng liquefied petroleum gas ngayong araw (Marso 1) at ang nakaambang pagtaas ng pamasahe sa pampublikong transportasyon.

Pinagtutulak ng mga pulis ang militanteng kababaihan ng Gabriela mula sa tapat ng Gate 7 patungo sa tapat ng Centro Escolar University, bago ang Mendiola Bridge. (Macky Macaspac)

Pinagtutulak ng mga pulis ang militanteng kababaihan ng Gabriela mula sa tapat ng Gate 7 patungo sa tapat ng Centro Escolar University, bago ang Mendiola Bridge. (Macky Macaspac)

Kinompronta ni Lana Linaban, pangkalahatang kalihim ng Gabriela, ang ayaw pagpakilalang miyembro ng Presidential Security Group na nag-utos ng pagtataboy sa nagpoprotestang kababaihan. (Macky Macaspac)

Kinompronta ni Lana Linaban, pangkalahatang kalihim ng Gabriela, ang ayaw magpakilalang miyembro ng Presidential Security Group na nag-utos ng pagtataboy sa nagpoprotestang kababaihan. (Macky Macaspac)

Ayon kay Linaban, unang bigwas umano ang isinagawang protesta patungo sa protesta sa Marso 8, pandaigdigang araw ng kababaihan.

Idinagdag pa ni Linaban na hindi nila titigilan ang pangangalampag sa Malakanyang hangga’t hindi inaaksiyunan ni Aquino ang walang humpay na pagtaas ng mga produktong petrolyo na anila’y malaki ang epekto sa pangunahing mga bilhin at serbisyo.

“Patuloy na nagsasawalang-bahala si PNoy sa lingguhang pagtaas ng presyo ng langis,” sabi pa ni Linaban

Panawagan ng grupo na sawatahin ng gobyerno ang overpricing sa presyo ng langis ng tinatawag na “Big Three” na kartel ng langis. Hiling din nilang ipabasura ang Expanded Value Added Tax sa produkto ng langis at pagkontrol naman sa presyo ng pangunahing bilihin.

Kasabay ng paglusob sa Malakanyag, nagsagawa din ng kilos-protesta ang mga miyembro ng Gabriela sa ibang panig ng bansa, tulad ng Baguio, Legazpi, Bacolod, Davao , Iloilo at iba pang mayor na siyudad sa Timog Katagalugan.

 

Teksto at mga larawan ni Macky Macaspac
Bidyo ni Kenneth Roland A. Guda

Para sa kababaihan ng Gabriela, matinding kahirapan ang dinaras nila at pinalalala pa ito ng halos-linggu-linggong pagtaas ng presyo ng langis at mga bilihin. Pangako nila na magpoprotesta ang libu-libong kababaihan at iba pang sektor sa Marso 8, pandaigdigang araw ng kababaihan. (Macky Macaspac)

Para sa kababaihan ng Gabriela, matinding kahirapan ang dinaras nila at pinalalala pa ito ng halos-linggu-linggong pagtaas ng presyo ng langis at mga bilihin. Pangako nila na magpoprotesta ang libu-libong kababaihan at iba pang sektor sa Marso 8, pandaigdigang araw ng kababaihan. (Macky Macaspac)

Please follow and like us:
Facebook0
Facebook
YouTube0
YouTube
Google+197
Google+
http://pinoyweekly.org/new/2012/03/malakanyang-nilusob-ng-kababaihan-ng-gabriela/
Instagram0
Follow by Email
RSS