Sa gitna ng lingguhang pagtaas sa presyo ng langis, protestang bayan ikinasa


Sa pag-aaral ng Ibon Foundation, lumalabas na 20 hanggang 22 porsiyentong mas mabilis ang paggalaw ng presyo ng langis sa Pilipinas. Tinataya ng Ibon na aabot sa P8.61 sa diesel at P16.83 naman sa gasolina ang overpricing.

Protestang bayan sa Marso 15 laban sa overpricing ng langis, inanunsiyo ng mga lider ng iba't ibang sektor (Macky Macaspac)

Ikinasa ng iba’t ibang grupo ang malawakang protestang bayan sa Marso 15 bilang pagtutol sa walang tigil na pagsirit sa presyo ng mga produktong petrolyo,  gayundin ang pagiging “inutil” umano ng gobyernong Aquino sa pagkamal ng mga kompanya ng langis ng sobra-sobrang kita sa pamamagitan ng overpricing.

Pangungunahan ng Koalisyon ng Progresibong Manggagawa at Mamamayan (KPMM) at ng Bagong Alyansang Makabayan (Bayan) ang isasagawang protestang bayan.

Binatikos ng KPMM ang gobyerno sa kawalang malasakit nito sa kalagayan ng ordinaryong mga mamamayan na bumabalikat sa lingguhang pagtaas ng  presyo ng langis. “Samantalang ibinubuhos ni Pangulong Aquino ang kanyang panahon sa pansariling interes at nakakadudang motibo sa impeachment,  sadyang kinaligtaan naman niyang bigyan ng katarungan ang mga mamamayan sa panggagantso ng Big 3,” ani Larry Tan, tagapagsalita ng KPMM.

Paggalaw ng presyo ng langis sa PH, mas mabilis 

Sa loob lamang ng halos tatlong buwan ng taong 2012, walong beses na ang pagtaas sa presyo ng mga produktong petrolyo.

Umano’y masisisi ito sa Oil Deregulation Law at sa kaakibat na overpricing ng kartel ng langis na malayang magdikta ng kanilang presyo. Tinataya ng grupong KPMM na aabot sa P8.60 ang overpricing sa diesel pa lamang. Tinatayang kumikita naman ang lokal na mga kompanya ng langis ng P147 Milyon kada araw sa pump price ng diesel.

Tinataya ng Ibon Foundation na aabot sa P8.61 sa diesel at P16.83 naman sa gasolina ang overpricing (PW File Photo)

Sinabi naman ng grupong Bayan na ang pagtaas ng presyo ng langis sa pandaigdigang merkado ay maaring may kaugnayan sa kombinasyon ng monopoly pricing ng dayuhang kartel ng langis at ispekulasyon sa presyo.  Maaari umanong may paglobo ang  pandaigdigang presyo ng langis ng 70 porsiyento, kumpara sa aktuwal na produksiyon nito.

Idinagdag pa ng Bayan na mas mabilis at mas malaki ang paggalaw ng presyo ng mga produktong petrolyo dito sa Pilipinas kaysa sa pandaigdigang pamilihan.

Sa pag-aaral ng Ibon Foundation, lumalabas na  20 hanggang 22 porsiyentong mas mabilis  ang paggalaw ng presyo ng langis sa Pilipinas.  Tinataya ng Ibon na aabot sa P8.61 sa diesel at P16.83 naman sa gasolina ang overpricing. Batay umano ito sa “rule of thumb” para sa Dubai crude na sinusunod ng industriya ng langis, at mga pagbabago sa palitan ng piso kontra dolyar.

Batay din sa pag-aaral ng National Economic Development Authority noong 2009, mayroong hindi maipaliwanag na pagkakaiba sa paggalaw sa lokal at pandaigdigang presyo na aabot sa P6.91 hanggang 8.69 kada litro sa premium at unleaded na gasolina.

E-VAT sa langis, pinaaalis

Ipinanawagan rin ng  iba’t ibang grupo ang agarang pag-alis o suspensiyon ng Expanded Value Added Tax (E-VAT) sa mga produktong petrolyo.

“Walang political will ang gobyerno upang protektahan ang taumbayan mula sa epekto ng pagtaas ng presyo ng langis.  Tinutulan nito (gobyerno) ang suspensiyon sa mga buwis sa langis, dahil mawawala ang limpak-limpak na kita mula sa pagtaas ng presyo nito,” sabi ni Tan.

Aabot sa P62 Milyon kada araw ang kita ng gobyerno sa E-VAT ng diesel pa lamang, aniya.

Tinanggihan ni Pangulong Aquino ang panukalang alisin o suspendihin ang E-VAT sa mga produktong petrolyo dahil  kailangan umano ito sa mga proyekto ng gobyerno para sa mga mahihirap.

Ngunit para sa grupong Gabriela, pinapalala ng E-VAT ang kahirapan. “Ang patuloy na pagtaas ng presyo ng langis ay nagpapalala sa kahirapan na direktang nakikita sa inflation.  Kapag inalis ang VAT sa langis, magreresulta ito sa pagbaba sa presyo hindi lamang ng langis kundi maging ng ibang batayang bilihin,” ani Gert Ranjo-Libang, pangalawang pangkalahatang kalihim ng Gabriela.

Hindi rin naniniwala ang mga grupo na walang magagawa ang gobyerno sa walang tigil na pagtaas ng presyo ng langis.

“May mga nakabinbin na mga panukalang batas sa Kongreso na nagnanais na makontrol ang presyo ng mga produktong petrolyo,” ani Renato Reyes, pangkalahatang kalihim ng Bayan.

Tatlumpung protest centers 

Layunin umano ng protestang bayan  sa Marso 15 na pilitin ang gobyerno na umaksiyon sa malalang problema ng mga konsyumer. Lalahukan ang protesta ng mga sektor ng kabataan, manggagawa, maralita, kababaihan, grupo ng transportasyon, at iba pa.

Kakikitaan ito ng mga martsa at noise barrage sa 30 na protest centers sa buong Metro Manila, ayon sa KPMM.

Pasisimulan  ang protesta ng  isang protest caravan ng grupong Piston (Pagkakaisa ng Tsuper at Opereytor Nationwide) mula sa Quezon Memorial Circle (QMC) patungo sa opisina ng Chevron sa Makati sa ganap na alas-siyete ng umaga.  Aabot naman sa 5,000 empleyado sa ilalim ng Courage (Confederation for the Unity, Recognition, and Advancement of Government Employees) ang maglulunsad ng walk-out sa kani-kanilang opisina sa paligid ng QMC.

Samantala, 15 na organisasyon, 22 na konseho ng mag-aaral, publikasyong pang kampus at alyansa ng mga kabataan ang lalahok sa protesta.  Partikular na maglulunsad ng walk-out sa kani-kanilang klase ang mga estudyante ng Polytechnic University of the Philippines at University of the Philippines sa Diliman at Maynila.

Gayundin, pipilitin ng mga maralita sa Brgy. San Roque sa North Triangle, Quezon City na hadlangan ang daloy ng trapiko sa kahabaan ng Edsa sa loob ng limang minuto upang ipakita ang kanilang galit.

Inihayag ng mga grupo na hindi sila titigil sa kanilang protesta hangga’t hindi pinakikinggan at inaaksiyunan ng gobyerno ang kanilang mga panawagan.