Manggagawa

P100 dagdag-sahod, saan aabot?


Nitong Peb. 19, pumasa sa third at final reading ng Senado ang Senate Bill 2534. Layunin ng panukalang ito na itaas sa P100 ang sahod ng mahigit 4.2 milyong manggagawa sa pribadong sektor.

Napakamot ng ulo si Haide Alianza. Malapit na ang araw ng sahod. Imbes na matuwa, inaalala niya kung paano na naman pagkakasyahin ang katiting na sahod sa napakahabang listahan ng bayarin at gastusin.

“Parang challenge palagi tuwing sasahod,” sabi ni Alianza. Dalawang taon na siyang sales associate sa isang malaking mall sa Quezon City. Sumasahod siya ng P610 kada araw. Nadadagdagan pa ito ng P95 kada oras kapag kailangang mag-overtime, pero hindi ito madalas.

Malaking parte ng sahod niya ang napupunta sa pagkain. Halos kainin nga raw ng badyet para sa bigas, ulam at gatas ang sangkatlo ng kanyang sahod. Para lalong makatipid, madalang na silang nag-uulam ng isda at karne. Pinakamurang magandang klase ng bigas na rin ang binibili niya na nasa P60 kada kilo.

Pero kahit anong pagtitipid sa pagkain, binabawi naman ito sa iba pang bayarin tulad ng buwanang renta sa bahay, singil sa tubig at kuryente, pamasahe at kontribusyon para iba’t ibang insurance.

Kaya naman laking tuwa ni Alianza nang mabalitaang nakalusot na sa Senado ang panukalang P100 dagdag-sahod. Makatutulong umano ito para makaagapay, kahit papaano, sa nagtaasang presyo ng bilihin at serbisyo.

Nitong Peb. 19, pumasa sa third at final reading ng Senado ang Senate Bill 2534. Layunin ng panukalang ito na itaas sa P100 ang sahod ng mahigit 4.2 milyong manggagawa sa pribadong sektor.

“Sana lang magtuloy-tuloy para maging [batas] talaga,” ani Alianza.

Ayon sa Kilusang Mayo Uno (KMU), bagaman hindi pa rin sapat ang P100 dagdag-sahod, kailangang matamasa na ito ng mga manggagawa. “Paunang hakbang” din umano ito para sa ipinapanawagang family living wage.

Sa tala ng Ibon Foundation nitong Enero, kailangan ng P1,193 kada araw ng isang pamilyang may limang miyembro para mabuhay nang disente.

Katuwiran ni Sen. Jinggoy Estrada, chairman ng Committee on Labor Employment and Human Resources Development, ibinaba sa P100 mula P150 ang panukalang umento dahil sa mga wage order na ipinatupad sa iba’t ibang rehiyon sa bansa noong 2023.

Sa naturang mga umento, umaabot lang sa P20 hanggang P50 ang inaprubahan ng Regional Tripartite Wages and Productivity Boards—“mumo” at lubhang napakalayo sa mga ipinetisyon ng mga grupo ng manggagawa.

Sabi naman ni Senate President Juan Miguel Zubiri, kailangan nang itaas ang sahod ng mga manggagawa para tumaas din ang kanilang purchasing power na kalaunan magpapalago sa pambansang ekonomiya.

Kung tuluyang maipatupad, ito ang kauna-unahang dagdag-sahod na idinaan sa batas simula noong 1989 kung kailan naisabatas ang Wage Rationalization Act.

Tinitimbang pa raw ng Kamara ang mga panukalang dagdag-sahod. Kailangang pag-aralan ito nang maigi dahil manganganak umano ito ng samu’t saring problema kung sakaling matuloy.

Sabi ni Albay 2nd District Rep. Joey Salceda, papatayin nito ang micro, small, medium enterprises (MSMEs) na bumubuo sa mayorya ng mga negosyo sa bansa. 

Pero pinaliwanag ni Ibon executive director Sonny Africa na kahit pa 98.6% ng mga establisimyento ay MSMEs, mayorya pa rin ng bilang ng mga manggagawa ang nasa malalaking negosyo. Nasa 54.4% na mga manggawa ang nagtatrabaho sa malalaking kompanya habang 45.6% lang ang sa MSMEs.

Ayon naman kay Marikina 2nd District Rep. Stella Quimbo, dapat isaalang-alang ang “magkakaibang cost of living sa mga rehiyon.” Matagal nang pinabulaanan ng maraming pag-aaral na hindi nalalayo ang presyo ng mga bilihin sa Metro Manila sa ibang probinsya.

Binatikos ng KMU ang mga pahayag nina Salceda at Quimbo. Sabi ng grupo, “tumotono sa pangangatwiran ng malalaking kapitalista sa [Employers Confederation of the Philippines] at iba pang employers group” ang mga kongresista.

“Ang pinagkakaabalahan pa ng Kongreso ngayon ay magsagawa ng mga pagdinig tungkol sa [Charter change]. Priority nila kung paano bubuksan ang ekonomiya habang binabalewala ang kapakanan ng mga bumubuhay mismo sa ekonomiya ng bayan,” pahayag ng KMU.

Kamaikailan, binuo ng mga mambabatas sa mababang kapulungan ang Committee of the Whole House para talakayin ang Cha-cha.

Samantala, nagbanta na rin ang Department of Labor and Employment na ipapa-veto nito sa pangulo ang panukalang dagdag-sahod kung sakaling makalusot ito sa Kamara.

Hanggang ngayon, wala pa ring pahayag ang pangulo hinggil sa umento at mga hinaing ng mga manggagawa.

Para sa KMU, kagyat ang pangangailangan para taasan ang sahod ng mga manggagawa kaya dapat ito ang inaatupag ng kasalukuyang gobyerno.