FEATURED

Tsunami viral videos at perversyon


Tala sa pagkuha at pag-upload ng video ng disaster

Tala sa pagkuha at pag-upload ng video ng disaster

Isang taon matapos ang lindol sa Japan, patuloy pa ring sentro ng pruweba ng lawak ng pagkasira ang viral videos ukol sa tsunami na tumama sa Fukushima at iba pang panig ng bansang ito.  Iniisip ko lang, kung ako ba ang nasa lagay ng mga tao roon, ang pagkukuha ban g video mula sa cell phone at digital cameras ang aking pagtutuunan ng pansin?  Hindi ba’t ako ay ligalig, tulala, at nanganganib sa buhay ng sarili at mga mahal?

Perversyon ang karaniwang tawag rito.  Sa isang narsisistikong lipunan na muling hinudyat ng social networking sites at ng file-sharing sites (Youtube, Torrents, at iba pa), tunay na perverse ang pagdanas ng aktwal na kagapanapan via sa mata ng camera, na may intensyong maipalabas sa virtual na networks.  Paano kung hindi naligtas?

Ang event ng disaster ay pagdanas sa kahinaan at kapabayaan ng estado.  Hindi ba’t mayroon namang kasaysayan bago ang disaster na siyang naghuhudyat kung gaano kabilis o katumal rumosponde ang estado?  Kung malinaw ang naging pagplano at implementasyon ng estado ng disaster preparedness, malinaw din na mas marami ang maliligtas sa kaganapan ng disaster.

Sa Japan, may 20,000 ang namatay at nananatiling nawawala dahil sa lindol at tsunami noong 11 Marso 2011.  Mas malaki pa sana kung hindi naghanda at naghahanda ang gobyerno para sa mga disaster.  Sa katunayan, ayon sa mga ulat, matapos ng lindol, nalalaman sa Internet ang mga peligrosong kalsada, gusali at seksyon ng mga syudad para balaan ang mamamayan.

Sa bansa natin, nananatiling “act of God” ang pagdanas ng disaster.  Walang accountability kahit na SOP (standard operating procedure) ang fact-finding.  Walang napaparusahan, nakukulong, nagbibitiw o nagpapakamatay para magkaroon ng kolektibong relief ang mga nabiktima at ang kanilang pamilya sa disaster.

Sa viral videos na nagkalat ilang minuto matapos ang disaster sa Japan, naunawaan ng buong mundo ang lawak at lupit nito.  Malamang, kahit pa mayamang bansa ang Japan, marami ang naantig ang puso, nagbigay ng abuloy at nagboluntaryo ng tulong dahil dito.  May gaan sa Japan na mag-move on, mag-rebuild at lumampas sa disaster dahil alam na marami silang kapanalig sa pagtatagumpay.

Heto ang ilang popular na links sa tsunami sa Japan:

http://www.youtube.com/watch?v=NW7vENdDu1o

http://www.youtube.com/watch?v=w3AdFjklR50

http://www.youtube.com/watch?v=5-zfCBCq-8I

Dati ang sinasabi ay “The revolution will be televised,” sa isa-isang pagbagsak ng mga otoratibong pamahalaan sa Eastern Europe, dating U.S.S.R., South Korea, Thailand, at iba pang bansa sa Asia.  Ngayon, sa karanasan sa Arab Spring, ang sinasabi ay “The revolution will be Facebooked@ and Youtubed@,” na ang pahiwatig ay may nagmamay-ari rin ng copyright nitong social networking at uploading sites.

Sa katunayan, tapos na ang era ng mobilisasyon sa panlipunan pagbabago dulot ng radyo (EDSA 1) at cell phone (EDSA 2).  Unti-unti na ring umuusad ang bansa sa mga copyrighted sites para sa plataporma ng susunod na pagbabago, o umaasa man lamang na sa tulong nitong sites ay mayroong malawakang realisasyon sa pagbabago.

Sa isang banda, ito ang potensyalidad ng portable cell phone at digital cameras, ang pagsaksi sa kahinaan at kapabayaan ng negosyo at gobyerno sa panahon ng disaster, lalo na ang human-made na variety, tulad ng pana-panahong paglubog ng ferries at barko, pagri-release ng nag-uumapaw na tubig sa dams, masibong trafiko dahil sa rerouting ng kalsada sa kadahilanang may shooting ng Hollywood na pelikula o anibersaryo ng Iglesia ni Kristo at walang traffic enforcers, at pati na rin sa post-disaster management.

Ito ang produktibong perversyon, ang referensiya ay ang paghangad ng katarungan sa pagkuha ng video sa sandali ng disaster.  Ito ang event na nagiging sandali at espasyo ng kontraryong accountability sa estado.  Sa kabilang banda, ang perversyon ay nagiging spektakulo pag may sentralidad ng personahe sa video at pagkuha ng video.

Ito ang mismong SOP ng disaster reporting, lalo na sa telebisyon, na ang reporter ay kailangang patunayan na siya ay nasa sityo ng disaster.  Pati ang artista ng major television channels ay ganito rin ang lokalisasyon ng post-disaster relief operations, na kailangang may popular na mukha na namumudmod ng goodies sa mga nasalanta.

Perverse kapag tinutukoy ang lakad ni Shamcey Supsup bilang “tsunami walk” na parang may lirikong panuntunan ang paglalalakad, na tila walang mapanganib at nakamamatay na referensiya ang imaheng ito.  Insensitibo, politically incorrect, iresponsable—mga referensiyang maaring magtukoy ng mismong estado sa kanyang mamamayan.