Pambansang Isyu

Karaban kontra Balikatan, isinagawa sa Central Luzon


Nagkaraban ang iba’t ibang sektor mula Quezon City patungong Central Luzon para malakas na irehistro ang pagtutol sa Balikatan military exercises na nagsimula noong Abril 16.

Martsa ng iba't ibang sektor, sa pangunguna ng Bayan at ILPS, sa Clark, Pampanga para salubungin ang Balikatan. (Soliman A. Santos)
Martsa ng iba't ibang sektor, sa pangunguna ng Bayan at ILPS, sa Clark, Pampanga para salubungin ang Balikatan. (Soliman A. Santos)

Nagkaraban ang iba’t ibang grupo sa pangunguna ng Bagong Alyansang Makabayan (Bayan) at International League of Peoples’ Struggle (ILPS) mula sa Quezon City papunta sa Basa Air Base at Clark Air Base sa Pampanga para isalubong ang pagsisimula ng Balikatan, ang ehersisyong militar sa pagitan ng tropang Kano at Pilipino noong Abril 16, 2012.

Kasabay nito, nagsagawa din ng protesta ang militanteng mga grupo sa iba’t ibang panig ng bansa at daigdig para irehistro ang pagtutol sa umiigting na presensiyang militar ng US sa bansa.

Protestang kontra presensiyang militar ng US sa Hong Kong, na nilahukan ng mga Pilipino at iba pang nationals sa naturang lugar. (Contributed Photo)
Protestang kontra presensiyang militar ng US sa Hong Kong, na nilahukan ng mga Pilipino at iba pang nationals sa naturang lugar. (Contributed Photo)

Sa Mindanao, isang karaban din ang sinimulan sa buong isla nang araw ding iyon at magtatapos sa Abril 18 sa Zamboanga City, kung nasaan ang 600 US Special Forces mula pa noong 2002.

Ayon sa ILPS, may mga protesta ring ginawa sa Los Angeles, San Francisco at New York sa US, Canada, Netherlands, Hong Kong South Korea, Japan, New Zealnad, Australia at Saudi Arabia.

Nagbabala naman ang Bayan sa gobyerno ng Pilipinas laban sa pag-iimbita sa pakikisangkot ng US sa sigalot sa rehiyon tulad na lamang ng pagpasok ng Chinese Navy sa Scarborough Shoal. Sinabi pa ng grupo na nakikialam lamang ang US para isulong ang sarili nitong adyenda para panatilihin ang kapangyarihan sa rehiyon.

“Ang Balikatan ay bahagi lamang ng isang malaking plano para maging permanente ang pananatili ng tropang Amerikano sa Pilipinas, kahit walang kasunduan. Ang mga pangyayari tulad ng paglulunsad ng North Korea ng rocket at ang pahayag ng US tungkol sa sigalot sa South China Sea at malinaw na pagbibigay-katwiran sa permanenteng pananatili ng mga sundalong Amerikano sa teritoryo ng Pilipinas,” ayon kay Rentao Reyes, pangkalahatang kalihim ng Bayan.

Bahagi ng plano para sa higit pang imperyalistang dominasyon ng US ang pag-igting ng interbensiyong militar ng US sa Asya-Pasipiko, ayon sa mga militante. (Soliman A. Santos)
Bahagi ng plano para sa higit pang imperyalistang dominasyon ng US ang pag-igting ng interbensiyong militar ng US sa Asya-Pasipiko, ayon sa mga militante. (Soliman A. Santos)

Taun-taong idinaraos ang Balikatan sa bisa ng Mutual Defense Treaty (MDT) at Visiting Forces Agreement (VFA). Matagal nang tinututulan ng progresibong mga grupo ang naturang kasunduan na ayon sa kanila’y “makaisang-panig.”

“Saan ka nakakita ng bisita na umabot na sa sampung taon,” ani Reyes.

Walang maaasahang modernisasyon

Pinabulaanan pa niya ang pangakong modernisasyon na idudulot umano ng Balikatan sa Armed Forces of the Philippines (AFP). Ibinigay na halimbawa niya ang BRP Gregorio del Pilar na pinakahuling barkong pandigma na binili ng Pilipinas sa US na noong 1967 pa ginagamit ng US Navy.

Subalit sa kabila ng mariing panawagan ng progresibong mga grupo para ibasura ang Balikatan, wala umanong ginagawa ang administrasyong Aquino. Sa taong ito, 28 beses nang ginagawa ang Balikatan simula nang ito ay ipatupad.

Ang Balikatan sa Luzon ay gaganapin sa Central Luzon, Bicol at Palawan mula sa Abril 16 hanggang Abril 28. Sa pahayag mismo ng gobyerno, tinatayang aabot sa 6,000 sundalong Amerikano ang darating sa bansa kaugnay ng naturang pagsasanay.

Pagdating ng karaban sa Clark Air Base, sinalubong sila ng mga magsasaka at mamamayan na nagmula sa iba’t ibang panig ng Gitnang Luzon at nagsagawa ng programa sa harap mismo ng naturang base.

Hanay ng mga nagmartsang militante sa Clark, Pampanga. (Soliman A. Santos)
Hanay ng mga nagmartsang militante sa Clark, Pampanga. (Soliman A. Santos)

Samantala sa Minadanao, gaganapin ang naturang ehersisyo sa Zamboanga, Basilan at Sulu. Ayon sa Patriotiko Mindanao, isang multisektoral na alyansa laban sa Balikatan, 4,000 ang tinatayang nakilahok sa kanilang karaban.

Nangangamba ang grupo na ang pagdagsa ng tropang Amerikano sa Mindanao ay magdudulot lamang ng “pinsala” sa buhay ng mga mamamayang Moro.

Nangalampag ang mga militante sa mga kampong militar. (Soliman A. Santos)
Nangalampag ang mga militante sa mga kampong militar. (Soliman A. Santos)

“Dahil ang Balikatan ay nilikha umano para labanan ang terorismo, naghahasik ito ng takot sa mga Moro sa Zamboanga, Basila at Sulu. Simula nang ilunsad ng US ang gera kontra-terorsimo noong 2001, bawat Muslim sa  bansa ay nagiging biktima ng hindi patas na pagtrato,” pahayag ng grupo.

Dahil din umano sa gera laban sa Abu Sayaff at iba pang grupo, libu-libong kababaihan at bata ang napapalayas mula sa kanilang mga tahanan.

Maglulunsad naman ng mga serye ng kilos protesta sa buong rehiyon  ang Bayan – Timog  Katagalugan (Bayan -TK) at iba’t ibang sektoral na mga organisasyon sa rehiyon sa nagaganap na Balikatan Exercises sa  Palawan at sa iba pang panig ng bansa. Patuloy ding kinukondena ang tangkang panunumbalik ng Base Militar ng US sa bansa.

“Maraming mamamayan ang maapektuhan dahil inaasahan na walng makakalapit sa nasabing exercises, pangunahin na ang mga mangingisda sa mga lugar na apektado katulad ng Palawan.  Hindi rin lingid sa ating kaalaman na ang Palawan ay mayaman sa yamang-kalikasan na pinagkakainteresan ng US dahil sa bilyong bariles ng langis (dito) at sa Spratly Islands,” pahayag ni XL Fuentes, pangkalahatng kalihim ng Bayan-TK.

Paliwanag pa ng grupo, 17 taong na mula noong mapatalsik ang Base Militar ng US sa bansa dahil sa matitinding paglabag nito sa karapatan ng mamamayang Pilipino. Ngayon naman sa anyo ng VFA ay muling nakakapasok ang tropang Amerikano nang di kailangan ang passport o visa, clearance mula sa immigration, nakakapagmaneho ng di kailangan ang permiso ng LTO.

Nakakatakas din umano sa mga kaso gaya ng murder, attempted murder, rape, harassment sa mga babae, pagmaltrato sa ating mga kababayan at pagsira ng kalikasan ng bansa. Sa katunayan, ganito rin ang nangyari sa Okinawa Japan bago pa napaalis ang US Bases noong nakaraang taon. Sa ganitong balangkas din ng VFA malayang makakatakas sa mga pananagutan ang mga Amerikanong sundalo kapag nakagawa ng kasalanan sa bansa dahil hindi saklaw ng hurisdiksyon ng Pilipinas. Ibig sabihin, makapatay o makapanggahasa ang mga Amerikanong ito ay inutil ang gobyerno ng Pilipinas para panagutin sila, ayon pa sa Bayan – TK.

Tutol din ang mga grupong makakalikasan sa pagdaraos ng naturang pagsasanay militar. Ayon sa Kalikasan-People’s Network for the Environment, wawasakin ng Balikatan ang lalawigan ng Palawan na itinuturing na “last ecological frontier” ng bansa.

Malaki umano ang magiging epekto nito sa kalikasan at mga komunidad. Nagdudulot din umano ito ng pagkawasak ng mga coral reef at polusyon sa kalikasan.

Ibinigay na halimbawa ng Kalikasan ang pagtatapon ng langis ng mga barkong US sa Subic noong 2004. Nagkaroon din umano ng kaso ng aksidenteng pambobomba sa sa mga komunidad sa lalawigan ng Zambales noong 2000.

“Dahil dito, dapat itigil na ng gobyerno ng Pilipinas ang pagsasagawa ng ehersisyong militar at ang VFA. Dapat nating protektahan ang ating karapatan sa malusog at balansiyadong kalikasan at pigilan ang pagpasok ng tropang Amerikano sa ating lupain,” ayon sa grupo.

Sinunog ng mga militante ang watawat ng US, bilang simbolo ng pagtutol sa imperialismong US. (Soliman A. Santos)
Sinunog ng mga militante ang watawat ng US, bilang simbolo ng pagtutol sa imperialismong US. (Soliman A. Santos)

Tutol rin ang mga katutubo sa Balikatan. Sa kaso ni  Beatrice Bawigan, isang katutubong naninirahan sa loob ng Fort Magsaysay sa Nueva Ecija, napipinsala ang kanilang pamayanan at kabuhayan dahil sa mga ehersisyong militar.

Kuwento ni Bawigan, ginagawang “praktisan” ng mga militar ang kanilang sakahan. Pinagbabawalan din umano silang magsaka habang isinasagawa ang Balikatan at hinuhuli ng militar ang sinumang susuway sa kanilang utos.

Naghahasik umano ng takot sa mga magsasaka ang pagsasanay na sinagawa ng mga militar. Apektadong apektado umano sila dahil hindi na sila makapagsaka na siyang pinagkukunan ng kanilang kabuhayan.