Pagkakaisa ng katutubong Mangyan


Nahaharap sila ngayon sa matitinding banta at panunupil. Pero sa kanilang pagkakaisa, naghahanda ang mga katutubong Mangyan para paigtingin ang kanilang paglaban at paggiit sa kanilang mga karapatan

Sa lugar ng pagdiriwang ng Mangyan Day, nagtipon hindi lamang ang mga lider at matatandang katutubong Mangyan, kundi pati ang mga bata ng iba't ibang komunidad. (Pher Pasion)
Sa lugar ng pagdiriwang ng Mangyan Day, nagtipon hindi lamang ang mga lider at matatandang katutubong Mangyan, kundi pati ang mga bata ng iba't ibang komunidad. (Pher Pasion)

Pagkakaisa at paglaban.

Ito ang ipinangakong tutuparin ng iba’t ibang tribu ng katutubong Mangyan sa Mindoro, matapos ang dalawang araw ng pagdiriwang ng Araw ng mga Mangyan, sa Sitio Sigaw, Bongabong, Oriental Mindoro nitong Abril 14-15.

Sa tema nitong “Mangyan, Pahigpitin ang Pagkakaisa at Suporta! Ipaglaban ang lupang ninuno at sariling pagpapasya!” dinaluhan ng daan-daang mga Mangyan mula sa pitong tribo sa Mindoro, mga lokal na mamamayan mula sa iba’t ibang sektor, at maging ng internasyunal na bisita ang nasabing pagdiriwang.

“Isang mahalagang tagpo ang ganitong pagdiriwang para sa aming mga Mangyan sapagkat dito napapatibay ang aming pagkakaisa. Lalo na’t ngayon ang ikalimang taon nito (at) higit na lumalawak ang aming naaabot sa mga laban upang protektahan ang lupang ninuno sa mga mapanirang proyekto sa aming kultura, tulad ng pagmimina at pagtatayo ng mga dam,” pahayag ni Marcelo Carculan, lider-Mangyan at isa sa mga lider ng Katribo Party-list.

Laban ng mga Mangyan

Naging tampok sa nasabing pagdiriwang ang mga isyung kinahaharap ng mga katutubong Mangyan. Nagbahagi ang mga lider-katutubo mula sa pitong tribu ng Mangyan ng kani-kanilang kinakaharap sa komunidad.

“Kung matutuloy ang ganitong mga proyekto (pagmimina at dam) talagang makakasira sa amin dahil wawakasin nito ang aming kabuhayan.  Lalo na’t kami ay nakaasa sa yaman ng kalikasan tulad ng kagubatan,” ayon naman kay Amit Gabriel, pangkalahatang kalihim ng Hagibbat-Mindoro, organisasyon ng mga katutubong Mangyan.

May 99 na aplikasyon ng pagmimina sa kasalukuyan ang nakaambang aprubahan sa Mindoro na sasakop sa may 50% lupain ng isla. Pangunahing maaapektuhan dito ang mga mamamayan ng mga katutubo, ayon kay Pya Malayao, tagapagsalita ng Kalipunan ng Katutubong Mamamayan ng Pilipinas (KAMP).

Ang patuloy na implementasyon naman ng neo-liberal na mga polisiya at batas tulad ng Mining Act of 1995 na nagpapahintulot na tahasang dambungin ang likas-yaman ng Pilipinas at pahintulutan ang dayuhang pag-aari sa mga mineral ng Pilipinas, ang isa sa itinuturo ni Malayao na dahilan ng walang habas ng pagmimina ng mga dayuhan sa bansa.

Ayon pa kay Carculan, ang malalaking minahan tulad ng Intex Resources Phils. Inc. na siyang dayuhang kompanya ng minahan na may operasyon sa Mindoro ay sadyang malaking isyung kinahaharap ngayon ng mga Mangyan.

Mga kababaihan at bata ng katutubong Mangyan: Nahaharap sa maraming problema at banta. (Pher Pasion)
Mga kababaihan at bata ng katutubong Mangyan: Nahaharap sa maraming problema at banta. (Pher Pasion)

“Walang benepisyong nakukuha ang mga katutubong mamamayan. Nasisira ang kalikasan. Ang kabuhayan ay nawawala. Napapalayas sa komunidad at tahasang nilalabag ang karapatan ng mga katutubo sa lupang ninuno at gayundin sa sariling pagpasya,” paliwanang ni Malayao.

Problema din ang turismo sapagkat ang mga sagradong lugar ng mga Mangyan ay siyang dinidebelop tulad ng mga kuweba at talon para sa turismo, dagdag ni Carculan.

Ayon naman kay Panganay Binyagan, lider ng Tribong Alangan, ang problema naman sa dam ang kinahaharap ng kanilang tribo kung matutuloy ang ganitong proyekto. Tiyak umanong itataboy sila sa kanilang lupang ninuno at maapektuhan nito maging ang mga magsasaka sa ibaba.

Tinatayang tatlong malalaking dam ang itatayo sa isla ng Mindoro. Para sa mga Mangyan, nangangahulugan itong pagpapalayas sa kanilang lupaing ninuno. Kabilang sa mga komunidad na nanganganib sa pagpapatayo ng dam ang bayan ng Bongabong na makakaapekto sa limang barangay maging sa Bayan ng Roxas.

“Kapag nagtuloy ang dam, mawawalan kami ng ikabubuhay dahil mawawalan kami ng daanan para sa aming mga kalakal. At higit pa sisirain nito ang aming lupang ninuno,” sabi ni Agtang Dausig ng tribong Bangon, isa sa tribong maapektuhan ng proyekto ng dam sa Bongabong.

“Sabi ni Meyor, makiisa kami sa paggawa ng dam na puwedeng magbigay ng trabaho sa loob ng 10 taon. (Pero) ang suweldo na sinasabi nila sa 10 taon, sampong taon lang ’yan (tatagal). Subalit kung mananatili ang aming lupang ninuno sa amin ito habang buhay. Pero kung matuloy ang dam wala na,” dagdag ni Dausig.

Bukod pa rito, problema din ng mga Mangyan ang militarisasyon sa kanilang mga tribo. Ayon kay Gabriel, nanatili sa kanilang mga komunidad ang mga militar upang takutin sila at paratangan silang tagasuporta o tahasang miyembro ng rebeldeng New People’s Army.

Isa ang Mindoro sa kilalang lugar kung saan nadestino si Hen. Jovito Palparan Jr., ang notoryus na opisyal ng militar na binansagang “berdugo” ng mga aktibista sa ilalim ng Oplan Bantay Laya ni Pangulong Arroyo noon. Sa mga lugar na nadestino si Palparan, may madugong rekord ang militar ng paglabag sa karapatang pantao at isa ang mga katutubong Mangyan sa mga naging biktima sa karahasang ito.

Nagpapatuloy ang ganitong sitwasyon ng militarisasyon sa mga Mangyan sa ilalim ng Oplan Bayanihan ng administrasyong Aquino, ayon kay Joan Jaime, pambansang tagapag-ugnay ng KAMP.

“Nasa pamayanan sila mismo nakukuta (at naglilikha ito) ng takot (sa) mga katutubong Mangyan, sa halip na makapaghanap-buhay nang malaya ang mga katutubo. Natatakot sila at mapanakot din ang mga militar sa kanilang pag-iimbestiga,” kuwento ni Carculan, na nakaranas mismo ng panghaharas ng mga militar. Tinakot ng mga ito at inimbestigahan na sinabing tagasuporta daw ng mga kalaban ng mga militar.

Mga produkto ng mga katutubong Mangyan. (Pher Pasion)
Mga produkto ng mga katutubong Mangyan. (Pher Pasion)

Pakikiisa ng mga mamamayan

Naging tampok din sa Araw ng mga Mangyan ang pagdalo at pagtulong ng iba’t ibang sektor sa lipunan tulad ng mga doktor, miyembro ng akademya, at maging ng mga taong simbahan upang makapag-ambag sa nasabing okasyon.

Ayon kay Dr. Melissa Claire Masalunga mula sa Philippine General Hospital, isa sa mga volunteer doctor na sumabay sa naturang pagtitipon, layunin nilang tumulong sa mga mamamayan tulad ang mga Mangyan na madalang lang makatanggap ng serbisyong medikal.

“Kung yearly lamang nangyayari ito, siguro yearly lang din nila ito nararanasan,” ayon kay Masalunga.

“Ako ’yung una na nakita nilang doktor. Hindi naman natin kinukuwestiyon ang kanilang kultura pero kailangan din nilang makakita ng espesyalista talaga,” sabi naman ni Dr. Javier Regner Saniano isa sa rin sa mga doktor.

Ayon naman kay Dr. Johnsen Magallanes, “Medyo kulang din sa health care system natin. Kung mahirap ang accessability sa urban area mas lalo na rito. Karamihan sa mga doktor, nasa urban areas. Wala ring pasilidad tulad ng ospital at kulang din ang mga barangay health center. Tulungan na magkaroon ng Manyan na doktor para sila ang tumutok sa ganitong komunidad, para alam ang kultura at (kung ano ang) kailangan. Marami pa talagang problema at sala-salabat na.”

Para naman sa mga nasa akademiko, kailangan ang pakikipagkapit-bisig ng mga Mangyan sa iba pang sektor ng lipunan tulad ng mga manggagawa, magsasaka, mga kawani at iba pa, dahil ang isyu ng pagmimina ay hindi lamang isyu ng mga Mangyan kundi laban din ng mga mamamayan. Apektado nito ang kinabukasan ng mga mamamayan at ang susunod na salinlahi, ayon kay Clodualdo Cabrera ng All UP Workers’ Academic Union, na dumalo rin sa nasabing pagtitipon.

“Mahalaga itong gawain ito, dahil ito ang natatanging panahon sa kanila, at kaisa ang mga taong simbahan hindi lamang sa kanilang pagtataguyod ng kanilang kultura kundi maging sa pangangailangan sa kanilang laban para sa kanilang lupaing ninuno at karapatan bilang katutubo,” ayon naman kay Rev. Nehemia Punzalan-Allera, district superintendent ng United Methodist Church-Oriental Mindoro-Romblon District.

Sinabi naman ni Tyron Bayer, katutubong Igorot mula sa Kordilyera, na gusto nilang makipagkapit-bisig sa mga Mangyan para palakasin ang boses ng mga katutubo sa paglaban para sa lupaing ninuno at kontra sa mga minahan at mga dayuhang nais itong angkinin at sirain.

Dapat higit nilang organisahin ang kanilang sarili upang paglaban ang kanilang mga karapatan, ayon sa isang Belgian, na nagpakilala lamang sa ngalang Tom. Nagkakaroon siya ng pagsisiyasat sa Pilipinas sa usapin ng pangangamkam ng lupa.

Mga batas at programa

Hindi lamang ang 99 na aplikasyon ng pagmimina sa Mindoro ang kailangang harapin ng mga katutubong Mangyan. Kaharap din nila ang mga batas na nagpapahintulot dito, tulad ng Mining Act of 1995, ayon kay Malayao.

“Sa 17 taong implementasyon nito, walang substansiyal na pag-unlad mula sa mga komunidad kung saan isinasagawa ang pagmimina lalo na sa lugar ng mga katutubo,” ayon kay Malayao.

Kasabay ng panawagang pagbasura sa Mining Act of 1995 ang panawagang isabatas ang People’s Mining Bill na alternatibong batas ng pagmimina sa tulong ng progresibong mga party-list tulad ng Bayan Muna, Anakpawis, Gabriela, Kabataan at Act.

Layunin ng People’s Mining Bill na baguhin ang balangkas ng pagmimina sang-ayon sa interes ng sambayanang Pilipino at sa hangarin para sa pambansang industriyalisasyon. Sa naturang panukalang batas ng progresibong mga mambabatas, ang pagmimina ay hindi na nakaayon sa dikta ng pandaigdigang merkado kung di sa kung ano ang pangangailangan ng bansa, paliwanag pa ni Malayao.

Sa kabila ng pinsalang naidudulot ng malaking pagmimina, ipinagpapatuloy ng administrasyong Aquino ang neoliberal na mga programa nito, tulad ng malawakang komersiyal na pagmimina, bilang prayoridad sa Philippine Development Plan (PDP) 2011-2016. Sabi ni Jaime, kitang-kita ito sa Mindoro.

Sa programa ng PDP 2011-2016, may layunin ang gobyerno na doblehin ang sektor ng eksport (ng pagmimina) pagdating ng taong 2016.

Pagbangon at paglaban

Sa harap ng mga isyung kinakaharap ng mga Mangyan, muli nilang ipinagtibay sa pagkakaisa para sa pagprotekta ng kanilang lupaing ninuno at batayang mga karapatan bilang mga katutubo.

“Ito ang ikalimang taon ng Araw ng mga Mangyan at higit na mas marami ang dumalo mula sa iba’t ibang mga tribo,” ayon kay Gabriel.

Nasaksihan naman ng KAMP ang muling pagbangon ng mga organisasyong masa at katutubo mula sa kasagsagan ng pandarahas ng militar, laluna noong panahon ni Palparan sa Mindoro. Ipinakita umano ng mga Mangyan ang determinasyon para maprotektahan ang kanilang mga karapatan, ayon kay Jaime.

“Ang Araw ng mga Mangyan ay unti-unting naging political statement ng mga katutubo na ang mga lupang ninuno ay hindi dapat ibinebenta, hindi dapat inaangkin ng mga kung sinu-sino kung di ng mga katutubong Mangyan,” paliwanag ni Jaime.

Dito nakikita ng mga katutubo ang kalagayan ng isa’t isa upang magkaisa. Nagiging daluyan din ito ng pagpapaabot sa mga ibang sektor ng lipunan sa kalagayan ng mga Mangyan upang makakalap ng suporta at makipagkaisa sa iba pang katutubo na nakakaranas ng parehong problema, ayon kay Gabriel.