Magsasaka

Pagtatanggol sa lupa at buhay sa Abra

Sa naganap na Araw ng Kordilyera sa Abra, ipinagdiriwang, hindi lamang ang mayamang kultura ng Kordilyera. Isinasariwa din nila ang paglaban para sa karapatan sa lupang ansestral. Makabuluhan ito noong panahon ni Macli-ing Dulag; lalong mas makabuluhan ito ngayon

Pagsayaw ng pattong: Pagpapatuloy ng kultura at pakikibaka ng mga katutubo sa Kordilyera. (Soliman A. Santos)
Pagsayaw ng pattong: Pagpapatuloy ng kultura at pakikibaka ng mga katutubo sa Kordilyera. (Soliman A. Santos)

“Itinatanong ninyo sa amin kung pag-aari namin ang lupa. At kinukutya kami, ‘Nasaan ang inyong titulo?’ Kahambugan ang pag-angkin sa lupa, sapagkat tayo ang pag-aari ng lupa. Paano natin aariin ang isang bagay na mananatiling nariyan kahit tayo’y wala na?

Ito ang minsang sinabi ni Macliing Dulag, isang pangat o lider ng tribu sa Kalinga, sa kanilang pakikibaka para sa lupaing ninuno na nais tayuan ng dam ng diktadurang Marcos noong dekada ’80. Dahil sa matigas na paninidigan, pinaslang siya noong gabi ng Abril 24, 1980. Ngunit ang pagkamatay niya ay lalong nagbigkis sa mga taga-Kordilyera para ipagtanggol ang kanilang karapatan sa lupaing ninuno. Sa tuwing sasapit ang petsang ito ipinagdiriwang nila ang Araw ng Kordilyera bilang paggunita sa kanya at sa kanilang pakikibaka.

Tatlumpu’t dalawang taon na ang nakakaraan, umaalingawngaw pa rin sa kabundukan ng Kordilyera ang kanyang sinabi sapagkat sa mga nakaraang taon, nananatiling may banta pa rin ng pag-angkin at pagwasak sa buhay at kultura ng mga katutubo.

Sa Abra, isa sa mga lalawigang bahagi ng Kordilyera, tuloy ang paglaban ng mga katutubong mamamayan sa panganib ng pang-aangkin. Malawak ang kanilang oposisyon sa pagmimina, ang pangunahing banta sa kanilang lupa at buhay.

Buhay sa Abra

Pagtatanim ang pangunahing ikinabubuhay ng mga taga-Abra. Kahit nasa kabundukan may sariling sistema ng irigasyon ang mga katutubo na sumasapat sa kanilang pangangailangan sa tubig. Nasa kabundukan ang tubig na kanilang iniinom, ginagamit sa pang-araw-araw at patubig para sa kanilang mga tanim.

Sa pamamagitan ng mga pagtitipon at pagkilos, naipapamana ng mga nakakatandang katutubo ang kanilang kultura at paglaban sa susunod na salinlahi. (Soliman A. Santos)
Sa pamamagitan ng mga pagtitipon at pagkilos, naipapamana ng mga nakakatandang katutubo ang kanilang kultura at paglaban sa susunod na salinlahi. (Soliman A. Santos)

Bukod sa pagtatanim, may biyaya ring ibinibigay ang Ilog ng Abra. Kuwento ng mga katutubo, maraming isda ang nabubuhay sa naturang ilog. Subalit panaka-naka ay pinipinsala ang mga isda ng polusyon na nagmumula sa minahan ng Lepanto Consolidated Mining Company na nasa Mankayan, Benguet.

Ayon kay Irene Timbreza, kasapi ng Save the Abra River Movement o Starm, nagkaroon ng pagkalason ng isda sa Luba, Abra noong Abril 9, 2012. Hinala nila, nagpakawala ng tailings ang Lepanto. Ang Ilog ng Abra ay nagmumula sa bundok ng Data at dumadaloy sa Cervantes, Ilocos Sur hanggang sa probinsiya ng Abra kaya maraming mamamayan ang umaasa rito.

Kung ang Lepanto ay malayo na sa Abra, paano kaya kung magkaroon ng minahan sa Abra? Ito ang mahigpit na binabantayan ng mga katutubo. Kaya mahigpit ang kanilang pagtatanggol at pagtitiyak na walang makakapasok na malaking kompanya ng pagmimina sa kanilang lugar.

Pakikibaka para sa lupaing ninuno

Bagamat maraming aplikasyon ng eksplorasyon ang nakahain sa Abra, laganap din sa mga bayan ng Tubo, Bucloc, Baay-Licuan, Lacub at iba pa ang paglaban sa pagpasok ng pagmimina.

Sa Lacub, patuloy umano ang pagtatangka ng kompanyang Golden Lake, sa tulong na rin ng lokal na pamahalaan, pribadong army at militar na pahinain ang paglaban ng mga mamamayan sa pamamagitan ng pandarahas, panunuhol at manipulasyon sa proseso ng Free and Prior Informed Consent ng mga katutubo.

Sa Tubo naman, may konsultasyon na rin umanong nagaganap sa pagitan ng kompanyang Canex at lokal na pamahalaan. Dahil malapit na ang eleksiyon, nangangamba ang mga katutubo na masuhulan ang mga politiko at maging mas mabilis ang proseso.

Noong Abril 12, 2012 may nakatakda sanang konsultasyon ang Canex kasama ng National Commission on Indigenous Peoples (NCIP) sa mga mamamayan ng Tubo kaugnay ng eksplorasyon subalit hindi ito natuloy dahil sa malakas na ulan. Gayunman, nagbigay na umano ng P30,000 ang Canex para lamang dito. Nang sabihin umano ng mga mamamayan na nagastos na ang pera, sinabi ng kompanya na papalitan na lamang nila. Ibig sabihin, payag silang gumastos matuloy lamang ang eksplorasyon.

Subalit tiniyak ng mga taga-Tubo na hindi sila papayag sa naturang eksplorasyon. Lahat umano sila ay nagkakaisa para pigilan ang pagpasok ng pagmimina sa kanilang lugar.

Mga bata, sa isang pangkulturang pagtatanghal sa Kordilyera Day sa Abra. (Soliman A. Santos)
Mga bata, sa isang pangkulturang pagtatanghal sa Kordilyera Day sa Abra. (Soliman A. Santos)

Pakikibaka para sa buhay

Dahil sa kanilang paglaban sa pagpasok ng mga kompanya ng pagmimina, na tila ba kakambal na ng militarisasyon saanmang lugar, balot din ng sindak ang mga mamamayan sa pagdagsa ng militar sa kanilang lugar. Nasa Abra ang 41st Infrantry Battalion (IB) at ang 50th ng Armed Forces of the Philippines (AFP).

Ayon sa Cordillera People’s Alliance (CPA), malawakan ang operasyon ng militar sa Abra at kahangga nitong Mountain Province at Ilocos Sur, mga lugar na dagsa rin ng aplikasyon sa pagmimina. Dagdag pa ng grupo, ang mga militar ay nakikipagsabwatan sa mga lokal na warlords para makapasok ang malawakang pagmimina sa Abra. Sa Tubo, Daguioman, Malibsong, Lacub at Tineg, nanghihimasok umano ang mga militar sa proseso ng pagdedsisyon ng mga tribu kaugnay ng pagmimina at nananakot para pumayag sa pagmimina ang mga komunidad.

Gayunman ay hindi natitinag ang paninidigan ng mga taga-Abra, at iba pang lugar sa Kordilyera, sa kanilang pagtutol sa pagpasok ng pagmimina kapalit ng pagkawasak ng kanilang lupa, buhay at kultura.

Ang nakaraang pagdiriwang ng Araw ng Kordilyera at ang pagdalo ng libu-libong mamamayang katutubo ay patunay lamang na hindi nila ibibigay ang kanilang karapatan sa lupa, buhay at kultura.

Ayon na rin kay Macliing Dulag, “Ang lupa ay buhay. Ano ang pinakamahalagang bagay para sa tao?. Buhay. Kung ang buhay ay nanganganib, ano ang kailangang gawin? Lumaban. Ito ang dapat niyang gawin, kung hindi, mawawalan siya ng dangal at ito ay mas masahol pa sa kamatayan.”