Uncategorized

Ang Dalaw ng Apo


Sa Araw ng mga Ama, naglabas ng mga sanaysay at isang awit ang apat ng bilanggong pulitikal na kasalukuyang nakadetine sa Camp Crame Custodial Center. Sila ay mga konsultant ng National Democratic Front  of the Philippines na hindi pa rin pinalalaya ng gobyernong Aquino. Sila rin ay mga ama na nawalay sa kani-kanilang mga anak dahil […]

Sa Araw ng mga Ama, naglabas ng mga sanaysay at isang awit ang apat ng bilanggong pulitikal na kasalukuyang nakadetine sa Camp Crame Custodial Center. Sila ay mga konsultant ng National Democratic Front  of the Philippines na hindi pa rin pinalalaya ng gobyernong Aquino. Sila rin ay mga ama na nawalay sa kani-kanilang mga anak dahil sa pagkakapiit. Inilalathala ng Pinoy Weekly ang kanilang mga sulatin at likhang sining ngayong Araw ng mga Ama.

***

Nobyembre 17,2010, 11 n.u. Naagtagpo ang lolo at ang kinasasabikang apo sa visiting area ng Custodial Center ng Crame. Matapos ang mahigpit na yakapan at maiinit na halik at kumustahan ng mag-aama at manugang, halos pupugin ng lolo ng halik ang apong nakahiga sa mahabang mesang maaga pa’y nilinis na ng lolo. Nilagyan na rin ng bentilador ayon sa bilin ng nanay.

Hindi magkandaigi ang lolo. May gustong isulat pero di mabitawan ang mahigpit na kapit ng apo sa kanang hintuturo niya. Di rin maalis ang tingin sa mga ngiti ng apo laluna’t may munting dimple sa kanang pisngi sa dulo ng labi at nangungusap ang sinisingkit na mga mata.

Hindi rin makaupo ang lolo, gusto nang kargahin ang apo. Inilabas niya ang tatlong origami na pabitin. Sa tulong ng tatay, na isabit sa nakabukas na bintana sa WPP* na agad na umakit sa paningin ng apo ng paikutin na ang mga ito. Umiikot din ang iba’t ibang kulay kaya lalong nagigigiil ang apo. Binuhat ng tita para makalapit sa umiikot na origami at siya mismo ang makadampi.

Tuloy ang kwentuhan at kumustahan habang pahalik-halik si Lolo sa apo sa pisngi, baba, at kili-kili. Gustung-gusto na ni Lolo na makarga ang apo kaya lang napuno na ng weewee ang diaper. Matapos mapalitan, Kumain ng Gerber at hinandaan na din ng gatas, sa pagitan nito ay pagpakalm ng teether.

Nag-alumpihit at umiyak ng kaunti kaya kinatga ng tita para patulugin. Saka lamang nakasubo ng ref cake si Lolo at nakasulat para makipagappointment kay Senator kasabay ng pag-abot ng pasalubong na pili at macaroons. Balik agad.

Ang linggong dumaan bago ang dalaw, inabala ng lolo ang sarili sa paggawa ng origami di lang para sa apo kundi sa mga kapamilya at kamag-anak sa Bikol. Kahit ang buong bansa ay excited sa laban ni Pacman, ang lolo’y nakatutok sa Nob.17. Ipinagpaliban niya rin ang pagtutuo ng origami sa mga detinido sa Nob. 18 at 19. Mababaw lagi ang tulog. Laging maaga ang gising. Pero masigla at puno ng pag-asa kahit may pangamba at pag-aalala.

Nang makulong noong  Mayo 2004, dalaga pa ang panganay pero may trabaho na.Nagkakasintahan dito at nagisang dibdib makalipas ang dalawang taon. Kahit gusto ng magkaanak, nahirapan kaya nagpagamot muna ang nanay. Panahon ni Ondoy ng mabuo si apo pero makalipas lamang ang dalawang buwan nakumpirma ng ultrasound. Aasahan sana si poa sa mismong kaarawan ni Lolo kaya lang sumala ng tatlong araw. Naibalita rin agad ng kapatid ni Lolo na dumalaw sa araw mismo ng kapanganakan ni apo. Kinumpirmang na-caesarian operation ang nanay dahil malaki ang ulo ni apo at may bigat na 7.9 libras. Laking tuwa ng lolo kaya ng makabalik sa selda’y nakaidlip agad. Laking gulat niya ng paabutan ng kapwa bilanggong pulitikal na may namatay na detenidong Muslim. Kausap at kabiruan pa ni Lolo ang namatay sa nakaraang dalawang araw kaya malaking katanungan ito. Ang magandang balita ng pagsilang ni apo ay natumbasan ng balitang kamatayan sa bandang hapon. Makalipas pa ang dalawang araw, nabalitaan naman sa radio ang pagkapaslang sa isang kilalang kasama sa pinaggalingang larangang gerilya.

Dumating na ang kapatid ni Lolo na may dalang ulam. Inilatag ni Lolo ang kaning may pandan na maaa pa niyang isinaing. Nakabuwelo ng kain ang lahat dahil nakaidlip si apo. Bandang 1:15 n.h. ng magising si apo kaya naghanda na sa pagpunta kay Senator. Nasa labas ng selda niya si Senator kaya konting batian at kumustahan, nagkodakan na. Naalala tuloy ni Lolo ang dalaw ng kaniyang kauna-unahang apo sa hanay ng pamilya nila noong Abril 2009 na din nakapagparetrato dahil nataon noon sa istriktong opsiyal. Kahit may pakiusap na makipagkita kay Senator at General na nakakulong din na kumakandidatong senador noon, hindi pinayagan. Kaya nataon ngayon sa mabait at maunawaing opisyal at mga bantay. Dagdag pa, hindi na dumalo si Senator sa hearing sa Kongreso ukol sa proklamasyon ng amnestiya para sa kanila.

Saglit lang ang kodakan. Balik uli ang mag-lolo sa visiting area. Tuloy-tuloy na ang pagkarga ni Lolo sa apo. Minsan, pinatayo niya at napansin na matitibay ang mga binti. Di magtatagal, makakatayo na siya ng mag-isa at magsisimula ng maglakad kapag nalampasan ang pag-upo at pagtayo ng mag-isa. Maaga pa’y nasaksihan na ni Lolo ang pagtagilid at pagdapa ni apo. Hindi lang nakagapang dahil masikip ang panlatag niya at maraming gamit sa ibabaw ng mesa.

Tuloy pa rin ang pakikipagtarakaan ng Lolo’t tita sa bata. Palagi din dinadampian ni Lolo ng halik ang pisngi at baba ni apo. Amoy niya ang napakabangong gatas sa mga labi nito. Hahalikan sana sa tiyan kaya lang pinalalaahanan na iiyak ang bata kaya sa kili-kili na lang.

Kinantahan ng tita, pagkatapos ang lolo naman. Naalala niya ang tula na nabuo niya noong unang lingo ng apo sa dagidig. Hinalaw niya ito sa “Oyayi ni Bunso” na kinanta ng kaniyang asawa noong isilang ang bunso nila noong Disyembre 1987. Kahit alangan ang tono, ibinoses ni Lolo ang mga kataga habang nakakpit ang apo sa kaniyang kanang hintuturo;

“ Meme na apo ko, mag-uumaga na

Matagal pang darating ang mahal mong lola

Ewan ko apo ko kung kalian babalik

Huwag ka ng lumuha, huwag ka ng mainip

Humayo siya’t naglakbay sa pulang bundok ng pag-asa

Nais niyang makita mo, magandang umaga

Kaya’t tayo na’t matulog mag-uumaaga na

Wala man si Lola, sa puso’y malapit siya!”

Uulitin sana ang kanta nang umimik ang nanay, “Papa, tama na at magiiyakan na tayo!”. Hindi namalayan ni Lolo na malapit nang matapos ang dalaw. Hahabulin pa nila ang alas singko sa Red Cross para mareimburse sa pamasahe. Kinabukasan umaga’y pabalik na sila sa Bikol. Nag-iwan ng dalawang bagong retrato ni apo. Nag-abot man si Lolo ng dagdag na pambili ng high chair ni apo para hindi nakahiga habang pinapakain ng Gerber, kalahati ito ng ipinanalo ni Lolo sa Chess na palaro ni Senator. Inayos na rin ang mga dalahin. Pinili na lang ang ilang origami na dadalhin partikular ang pabitin para kay apo.

Paalaman na. Halik, yapos at yakap matapos mailipat si apo sa baby soft carrier ng nanay. Napatulog ni Lolo si apo sa kaniyang mga braso. Kahit ngalay na ang kaniyang kanang braso’y hindi ibinaba o isinalin si apo sa nanay at tita. Hindi na rin umupo para laging inuugoy ang apo. Napahimbing tuloy ang tulog. Tuloy pa rin ang paalaman at yakapan, pero walang iyakan kundi kasiyahan ang nasa mukha ng bawat isa. Inihatid ni Lolo si apo sa paglabas sa visitng area. May pahabol na halik sa pisngi ng apo at mga anak. Nagpasalamat sa pagdalaw at nagbilin ng ibayong pag-iingat kasabay ang maalab na pangungumusta at pagmamahal sa kabiyak at kasama.

Lahat ng ito’y naganap sa loob ng kwatro oras.

Hunyo 6, 2012 7:15 n.u.

Ang maikling kwento na ito ay ginawa noong Nob 22, 2010 upang sumahin ang ligaya’t lungkot na dulot ng unang pagtatagpo ng Lolo at apo.

Muling inilabas ito ngayong Hunyo 17 para sa Araw ng mga Ama upang maibihagi ng isang bilanggong pulitikal ang mga sirkumstansya, damdamin, hangarin at suliranin na bumabalot at matatag na hinaharap ng isang bilanggong pulitikal sa pakikiyungo niya sa kaniyang mga anak, manugang at apo.

Sa kasalukuyan, ang nasabing apo dito ay magdadalawang taong gulang na sa Hunyo 23. Sa Hunyo 8 ng taong ito, ang ikalawang apo ay isisilang. Kung nasa kulungan pa si Lolo, malamang madadalaw siya ng mga anak, manugang at dalawang apo sa kapaskuhan. Malamang ang maikling kwento niya sa pagkakataong ito ay mas mahaba at makulay pa.