FEATURED

Simpleng pamumuhay at puspusang pakikibaka nina Benito at Wilma Tiamzon


Naging laman sila ng mga balita. At sa tuwing nababalita ang kanilang pagkaaresto, malaking istorya ito sa midya. Tila tropeyong ipinagmamalaki ng militar at ng estado ang pagkahuli sa kanila. Kaakibat din nito ang mga intrigang ikinakalat para sirain ang kanilang pagkatao–sa pag-aakalang mapapahina nila kundi man tuluyang mawasak ang organisasyong kinabibilangan nila. Marami tuloy […]

Childhood sweethearts. Pagtatapos sa hayskul nina Benito Tiamzon at Wilma Austria noong Abril 24, 1969 sa Rizal High School, Pasig. Salutatorian si Benito samantalang first honorable mention si Wilma. Mula sa FB page na Free Benito & Wilma Tiamzon, Free All Political Prisoners
Childhood sweethearts. Pagtatapos sa hayskul nina Benito Tiamzon at Wilma Austria noong Abril 24, 1969 sa Rizal High School, Pasig. Salutatorian si Benito samantalang first honorable mention si Wilma. Mula sa FB page na Free Benito & Wilma Tiamzon, Free All Political Prisoners

Naging laman sila ng mga balita. At sa tuwing nababalita ang kanilang pagkaaresto, malaking istorya ito sa midya. Tila tropeyong ipinagmamalaki ng militar at ng estado ang pagkahuli sa kanila.

Kaakibat din nito ang mga intrigang ikinakalat para sirain ang kanilang pagkatao–sa pag-aakalang mapapahina nila kundi man tuluyang mawasak ang organisasyong kinabibilangan nila. Marami tuloy ang nagtatanong: Sino nga ba sila?

Kabataang iskolar

Sila sina Benito Tiamzon at Wilma Austria: ang itinuturong dalawa sa mga pinuno sa pinakamatagal na kilusang mapagpalaya sa buong Asya o buong mundo pa nga. Kung tutuusin, dahil sa kanilang paglilingkod sa masa, kasing-kahulugan na ng kanilang pangalan ang rebolusyon.

Mula sa mahirap na pamilya ng apat na magkakapatid si Benito. Sahurang manggagawa kapwa ang kanyang mga magulang sa industriya ng sapatos sa Marikina. Ayon sa mga kaanak nila, likas na matalino si Benito, kaya naman naging iskolar sa Rizal High School at nagtapos bilang salutatorian sa kanilang klase.

Si Wilma naman, mula sa nakakariwasang pamilya, kumpara kay Benito. Mababang petiburges, sabi nga ng mga aktibista. Tulad ni Benito, likas din na matalino si Wilma; valedictorian siya na nagtapos ng elementarya sa San Joaquin Elem. School, at nagtapos bilang first honorable mention sa Rizal High School. Salutatorian naman si Benito sa Rizal. Magkaklase ang dalawa.

Kapwa sila pumasok sa University of the Philippines (UP) bilang mga iskolar. Noong panahong iyon, lahat ng nagtatapos nang may honors sa pampublikong mga hayskul ay kuwalipikadong makapasok agad sa UP. Pasok sa naturang pamantasan si Benito bilang National State Scholar, samantalang Provincial State Scholar naman si Wilma.

Huling bahagi ng dekada ’60 noon. May malawakang diskuntento sa buong bansa, sa ikalawang termino ng noo’y Pang. Ferdinand Marcos. Lumalakas ang pambansa-demokratikong kilusan, sa loob at labas ng UP.

Sina Benito at Wilma, agad na sumanib sa Samahan ng Demokratikong Kabataan (SDK), isang militanteng organisasyon ng kabataan, at aktibong lumahok sa Unang Sigwa ng Kuwarto (First Quarter Storm), serye ng dambuhalang mga protesta kontra sa namamayaning sistemang pampulitika at pang-ekonomiya. Nang suspendihin ang writ of habeas corpus at ideklara ang Batas Militar noong Setyembre 21, 1972, lihim (underground) silang kumilos sa hanay ng mga maralitang tagalungsod.

Bago pa sila lihim na kumilos, kabilang sina Wilma at Benito sa daan-daang kabataang estudyante at ibang sektor na nagtayo ng Diliman Commune.

Kasama sa barikada

“Matindi noon ang pakikibaka laban sa pagtaas ng langis at gasolina sa panunguna ng Pambansang Samahan ng Tsuper. Nakikita rin noon ang paglitaw ng pasismo at pagdedeklara ng batas militar,” sabi ni Joji, miyembro ng SDK sa Feati University at miyembro ngayon ng First Quarter Storm Movement.

“Kasama ko sa barikada ang mag-asawang Tiamzon. Tulad nila ‘yung maraming estudyante, tsuper at maralitang taga-komunidad na lumahok sa barikada,” aniya. Pero kahit hindi sila ang tumatayong lider noon sa Diliman Commune, hindi daw mapapasubali ang kanilang ambag sa barikada.

Aktibong naging organisador ang dalawa sa mga kilos-protesta at mga welga ng mga manggagawa. Sa kuwento naman ni Jimmy na isa ring miyembro ng SDK sa Marikina na nakasama ni Wilma mula 1970 hanggang bago ideklara ang batas militar. Isang halimbawa umano si Wilma ng pagiging mahusay at mabuting organisador.

Wilma, rebolusyonaryo at cat lover. Mula sa Free Wilma & Benito FB page
Wilma, rebolusyonaryo at cat lover. Mula sa Free Wilma & Benito FB page

Mula sa UP, nagbabad si Wilma sa Rizal at nag-organisa ng mga manggagawa. “Kasama ko siya sa SDK at nag-organisa sa trade union sa Rizal,” paliwanag ni Jimmy. Malaki ang respeto at paghanga kay Wilma ng mga kapwa niya SDK, sabi ni Jimmy. Hindi hirap lumubog sa mga manggagawa at maralita si Wilma; siya raw ang gumagabay sa mga unyon at grupo ng mga aktibista sa Rizal.

“Isinasapraktika niya ang kanyang itinuturo. Kaya niyang ilebel ang sarili niya sa kalagayan ng mga inoorganisa niya,” sabi pa ni Jimmy. Ikinuwento niya mahusay magbigay ng pag-aaral sa mga manggagawa at aktibista si Wilma, “sa gabi naman, panay ang pagbabasa niya ng mga libro,” ani Jimmy.

Kahit noon pa man hindi rin kinakitaan ng luho si Wilma. “Mula ng makilala at sa lahat ng panahon na nakasama ko siya, isinasabuhay niya yung simpleng pamumuhay at matapat na paglilingkod sa sambayanan,” sabi ni Jimmy.

“Hindi ko siya nakitaan ng karangyaan sa buhay. Nakatira nga yan sa hedkwarter,” dagdag pa niya.

Sa kanayunan

Kalaunan tumungo sila sa kanayunan, sa hanay ng mga magsasaka. “Marami naman ang tumugon sa panawagan na tahakin ang pinakamataas na antas ng pakikibaka, kasama na silang mag-asawa doon,” sabi naman ni Joji.

Mula noon, napanday ang kanilang kamulatan sa paglahok sa buhay at pakikibaka ng masa at napalalim ang kanilang kaalaman sa mga prinsipyo ng pagrerebolusyon. Kahit ngayon na sila’y may mga edad na, hindi kumukupas ang kanilang paninindigan.

Ilan sa mga nakasama ng mag-asawang Tiamzon ang nagpatibay kung gaano kasigasig ang dalawa sa paggampan ng gawain, sukdulang isakripisyo ang personal na kaginhawaan.

“Mabait at tahimik si Benny,” sabi ni Mon Ramirez, na miyembro naman noon ng Samahan ng Makabayang Siyentipiko. Nakasama siya ng mag-asawa sa Ipil Rehabilitation Center (IRC) sa Fort Bonifacio noong 1974. Sa kanyang alaala, nauna siyang nakulong bago mahuli sina Wilma at Benito.

Low key si Benny,” aniya.

Sa mga kuwentuhan sa loob ng IRC niya nakilala si Benito. “Magkahiwalay kasi ang mga babae at lalaki. Halos isang katlo (1/3) ng IRC (ay) para sa mga babae at nahahati lang ng barbed wire ang tulugan nila. Pero magkakasama kami sa mess hall kapag oras ng kainan,” kuwento ni Ramirez. Sa loob din ng IRC niya nalaman kung gaano kalalim ang paglahok nina Benito at Wilm, kuwento niya, kasama ang dalawa sa ilang aktibistang tumugon sa panawagan ng SDK na tumungo sa komunidad at pagawaan para makipamuhay at mag-organisa.

“Nakalubog sila sa masa noon pa man,” sabi niya.

Namuno sa piitan

Sinabi pa ni Mon na ginawang camp detainee commander ng mga detenido si Benito dahil sa angking talino at mapagkasamang pakikitungo at mapagkumbaba sa kanila.

“Si Rigoberto Tiglao (ngayo’y kolumnista, dating tagapagsalita ni Gloria Macapagal-Arroyo at naging embahador ni Arroyo sa Greece) ang camp detainee commander namin. Pero parang lie low naman. Kasi kami nagha-hunger strike dahil sa maraming prebilehiyong ipinagkakait. Siya (Tiglao), ayaw mag-hunger strike, kaya ipinalit namin si Benny,” kuwento niya. Kinontra rin niya ang lumabas sa kolum ni Tiglao na inaasar siya ni Benito habang nagyo-yoga–taliwas daw ito sa karakter ni Benito.

“Ang alam ko, diretso sina Benny at Wilma sa IRC noon, hindi sa Crame. Hinahayaan lang naman namin na mag-yoga si Tiglao,” ani Mon.

Dagdag niya, noong makalaya siya, may panahong nakasama niyang muli si Benito sa ibang gawain sa loob ng kilusan, pero bago siya lumaya, inilipat si Benito sa Youth Rehabilitation Center sa loob din ng Fort Bonifacio. “Naunang lumabas si Benny sa IRC kaysa sa akin. Pero noong makalaya ako, may pagkakataon na nakakasama ko siya at hindi nagbago ang kanyang paninindigan, laluna na ang pagkatao,” kuwento pa ni Mon.

Dedikasyon

Isa rin si Pilo (di-tunay na ngalan) sa mga nakatrabaho ng mag-asawa bilang drayber matapos makalaya si Benito sa kulungan.

Suot ng ilang aktibista ang maskara nina Benito Tiamzon at Wilma Austria, kapwa konsultant ng National Democratic Front na kasalukuyang nakapiit sa kulungan ng gobyernong Aquino. Simbolo umano ito ng pagpapatuloy ng adhikain para sa tunay na kalayaan at demokrasya na buong-buhay na ipinaglaban ng mag-asawa. Jaze Marco
Suot ng ilang aktibista ang maskara nina Benito Tiamzon at Wilma Austria, kapwa konsultant ng National Democratic Front na kasalukuyang nakapiit sa kulungan ng gobyernong Aquino. Simbolo umano ito ng pagpapatuloy ng adhikain para sa tunay na kalayaan at demokrasya na buong-buhay na ipinaglaban ng mag-asawa. Jaze Marco

“Para silang mga magulang—hahanapin lahat ang mga kasama kung dis-oras na ng gabi,” aniya. Matagal niyang nakatrabaho ang dalawa, at kasama pa siya ni Wilma nang mahuli ang huli noong 1989.

“Hindi kasamang nahuli si Benny noon. Hindi totoong nakatakas siya, wala na siya sa UG (underground) house noong salakayin nila ito matapos kaming mahuli sa Ortigas,” ani Pilo.

Kuwento pa ni Pilo, simple lamang ang kanilang pamumuhay sa UG house. Pareho lang ang kanilang kinakain. “Madalas nga, gulay ang pagkain. Mas malusog naman,” sabi niya. Hindi rin daw nila kinakitaan ng diskriminasyon ang mag-asawa sa iba nilang kasama na gumagampan ng teknikal na gawain.

“Maalalahanin sila sa mga kasama. Kasi naramdaman namin na hindi drayber o staff lang ang pakikitungo nila sa amin. Naramdaman namin na handa rin sila na itaya ang buhay nila para sa amin,” sabi ni Pilo.

Ikinuwento rin ni Pilo ang kasigasigan ng mag-asawa sa gawain. Kahit may dinaramdam na sakit, tuloy pa rin ang paggampan nila. “Si Benny, kapag nagtrabaho, tuluy-tuloy. Hindi nga siya halos magambala. Pareho silang mahuhusay sa gawain,” aniya.

Kahit ang mga nakasama ng mag-asawa sa labas ng UG house, malaki ang pagkilala at pagrespeto sa mag-asawang Tiamzon.

Sabi nga ng isang kadre ng Partido Komunista ng Pilipinas na ayaw magpabanggit ng pangalan, “tahimik si Benito pero matalas mag-isip.”

“Sa ilang kumperensiya ng Partido na nakasama ko siya, tahimik lang siya sa pakikinig sa mga debate at diskusyon. Pero oras na magsalita, simpleng magkomentaryo, diretso sa punto, at para bang gusto mong saluhin ang bawat salitang binibitawan kasi eksakto,” aniya.

Dagdag pa niya, kahit anong hirap at layo ng mga pulong sa liblib na lugar ng kanayunan, pilit na nakakarating si Wilma sa kabila ng kanyang mga karamdaman.

Mag-asawang sina Wilma (kaliwa) at Benito, na nakapiit ngayon sa Custodial Center ng Camp Crame sa Quezon City, kahit na dapat na saklaw sila ng Joint Agreement on Safety and Immunity Guarantees. Macky Macaspac
Mag-asawang sina Wilma (kaliwa) at Benito, na nakapiit ngayon sa Custodial Center ng Camp Crame sa Quezon City, kahit na dapat na saklaw sila ng Joint Agreement on Safety and Immunity Guarantees. Macky Macaspac

Malumanay magsalita

Sabi naman ni Randall Echanis, konsultant ng National Democratic Front of the Philippines sa usapang pangkapayapaan, “Sa kabila na nagkaka-edad na sila, makikita mo naman ang kasigasigan, determinasyon ng dalawang kasama. Maraming sakripisyo ang pagrerebolusyon at hindi ko kinakitaan ng paghina sa kanilang paninindigan.”

Sabi pa niya, tunay na rebolusyonaryo ang mag-asawa. “Malumanay magsalita si Benny, kahit sa pulong punahan, hindi yan nagtataas ng boses. Si Wilma naman, galing sa pamilyang likas na mabait,” aniya. Sinabi pa ni Echanis na humahanga siya sa mag-asawa sa tibay ng kanilang paninindigan—sa kabila ng mga pinagdaanang hirap at sakripisyo.

“Mahigpit ang kanilang pagtangan sa prinsipyo, at igagalang at sasaluduhan mo ang ganyang mga kasama,” aniya.

Marami sa mga nakasalamuha ng mag-asawang Tiamzon ang nagsabing modelo ng pagiging rebolusyonaryo ang mag-asawa. Sabi nga ni Pilo, “malaking karangalan ang makilala sila at makasama sa gawain na magpapalaya sa sambayanan.”

Lumalabas na hindi pa magtatapos ang kanilang pakikibaka kahit nasa piitan sila. Sa panayam ng Pinoy Weekly, sinabi nila ang sumusunod:

“Hindi kailanman sumagi sa aming isip ang pagreretiro sa rebolusyon. Maaaring ipaubaya namin ang mas malaking responsibilidad sa mga nakababata at mas may-kakayahan. Pero hindi namin gustong maging tagamasid lamang sa tabi. Gusto naming makapag-ambag ng anumang aming makakaya. Natural na bahagi ng buhay ang pagkakasakit at pagtanda. Ang importante ay mabuhay nang makatuturan alinsunod sa proletaryong rebolusyonaryong pananaw at paninindigan hanggang sa huling sandali.”