Uncategorized

Araw ng mga Ama sa Camp Crame Custodial Center


Sa Araw ng mga Ama, naglabas ng mga sanaysay at isang awit ang apat ng bilanggong pulitikal na kasalukuyang nakadetine sa Camp Crame Custodial Center. Sila ay mga konsultant ng National Democratic Front  of the Philippines na hindi pa rin pinalalaya ng gobyernong Aquino. Sila rin ay mga ama na nawalay sa kani-kanilang mga anak dahil […]

Sa Araw ng mga Ama, naglabas ng mga sanaysay at isang awit ang apat ng bilanggong pulitikal na kasalukuyang nakadetine sa Camp Crame Custodial Center. Sila ay mga konsultant ng National Democratic Front  of the Philippines na hindi pa rin pinalalaya ng gobyernong Aquino. Sila rin ay mga ama na nawalay sa kani-kanilang mga anak dahil sa pagkakapiit. Inilalathala ng Pinoy Weekly ang kanilang mga sulatin at likhang sining ngayong Araw ng mga Ama.

***

Ako ay dalawa’t kalahating buwan nang nakapiit dito bilang bilanggong pulitikal. Ang bawat araw, linggo at buwang nagbaan, kahit hamak na kaunti pa lamang, kung ihahambing sa daan-daang katulad ko na nakapiit dito sa mga kampo militar at mga provincial jail sa ibang lugar sa bansa, para sa akin ay puno na rin ng sakripisyo. Isa na siguro sa pinakamalaking kahirapan sa simula ng buhay bilangguan ay ang pag-angkop sa radikal na pagkitid ng pisikal kong mundo habang nagsisikap na ipagpatuloy ang pakikibaka sa anumang paraang makakaya at posibleng maiambag sa kilusan ng nakikibakang sambayanan.

Sa kabilang banda,gaano man kasaklap ang mga pagbabago sa aking sitwasyon, marami ding postibong bagay ang nangyari at malamang na mangyayari pa. Isang tiyak dito ay ang inog ng buhay ko sa aking tatlong anak at inog rin nila sa akin at mga kasama ko, mga kaalyado, tagasuporta at mga kaibigan.

Sa unang araw ng pagkakakulong hanggang ngayon, silang tatlo ay nasa aking piling. Isa sa aking tatlong anak ang pinakaunang nakasagap ng impormasyon sa pagkaaresto sa akin. Kaagad silang nakipagtulungan sa aking mga kasamahan at sa KARAPATAN para sa paghahanap sa pinagdalhan sa akin at pag-alam sa sitwasyon ko. Silang tatlo ang nakipag-ugnayan sa halos lahat ng kailangan at nagawa nilang paabutan. Kusa rin nilang isinaayos at pinagplanuhan ang kanilang magiging buhay o arawang inog para tiyaking regular na makadalaw, maisaayos ang aking pangangailangan sa araw araw, pagsasaayos sa anumang makakatulong para sa maagang paglaya, pagpapanatiling buhay ng aking relasyon sa mundo sa labas ng piitan, laluna a pakikibaka ng masang anakpawis at buong mamamayan.

Sa maiksing salita, ang nakaraang dalawan’t kalahating buwan ko sa piitan ay mabilis na pagtibay at paglalim ng relasyon naming mag-aama (siyempre maging sa kanila ring ina), di lamang sa aspetong personal kundi higit sa lahat para sa patuloy na pakikibaka sa sambayanan.

Mabilis ngang binago ng mga pangyayari ang aming buhay. Simbilis ng pagtibay ng pundasyong personal at pulitikal ng aking pamilya at angkan at pagtibay rin ng pasya sa paglilingkod sa sambayanan.

Simula’t sapul ng ako’y magsimulang magpamilya, gaya ng iba pang mga kasama, isa na sa mga pinakamahalagang itinuring kong tungkulin ay ang walang humpay na pagpukaw at pagmumulat sa aking mga anak sa tunay na kalagayan at ugat ng problema ng lipunang Pilipino at sa pangagnailangang paglingkuran ang sambayanan at pagsusulong ng kaniyang pakikibaka para lumaya at umahon sa kahirapan at kaapihan mula sa imperyalistang kapangyarihan at kasapakat nitong naghaharing uri sa ating bayan.

Sa ngayon nga ay muling nasubukan na hindi ako nagkamali sa bagay na ito. Matibay ang tiwala kong anuman ang darating pang mga pagsubok, bukas at sa mga darating pang araw, linggo, buwan at maaring mga taon, mananatili ang aking mga anak sa panig ko at sa paglilingkod sa bayan at kilusan para sa pundamental na pagbabago.

Dahil dito, lubos ang aking pagpapasalamat sa aking mga anak at binigyan nila ng dagdag na kabuluhan ang Fathers’ Day para sa akin.

 

Renante M. Gamara

NDFP Peace Consultant

Bilanggong Pulitikal

Camp Crame PNP Custodial Center