Karapatang Pantao

Dahil sa ilegal na pagpiit sa kampo militar: Detenidong NDF konsultant, nag-hunger strike


Nagsimula kahapon ang walang-taning na hunger strike ni Ramon Patriarca, isang konsultant ng National Democratic Front of the Philippines (NDFP) na kasalukuyang nakabilanggo sa Camp Lapu-Lapu sa Cebu City, ang himpilan ng AFP Central Command (Centcom) na nakasasaklaw sa buong Kabisayaan. “Hindi ako dapat ikulong sa Camp Lapu-Lapu… Dito ako dinala ng militar nang damputin […]

Ramon Patriarca, konsultant ng NDFP (Contributed Photo/Selda)

Nagsimula kahapon ang walang-taning na hunger strike ni Ramon Patriarca, isang konsultant ng National Democratic Front of the Philippines (NDFP) na kasalukuyang nakabilanggo sa Camp Lapu-Lapu sa Cebu City, ang himpilan ng AFP Central Command (Centcom) na nakasasaklaw sa buong Kabisayaan.

“Hindi ako dapat ikulong sa Camp Lapu-Lapu… Dito ako dinala ng militar nang damputin nila ako mahigit tatlong taon na ang nakaraan.. Dito ako tinortyur.. (dito ko naranasan) ang mga paglabag sa aking karapatan,” ayon sa sulat ni Patriarca sa grupong Samahan ng Ex-Detainees laban sa Detensyon at Aresto (Selda).

Dinampot si Patriarca ng magkasanib na elemento ng pulisya at 78th Infantry Battalion ng Philippine Army noong Pebrero 5, 2009 sa Consolacion, Cebu. Sa korte, sinabi ni Patriarca na inaresto siya nang walang mandamyento o warrant, at sumalalim sa water cure at iba pang anyo ng pisikal at sikolohikal na tortyur. Dalawang linggo siyang incommunicado sa Camp Lapu-Lapu, bago dinala sa Cebu Provincial Police Office at sinampahan ng kasong rebelyon. Ipiniit siya sa Danao City Jail.

Enero ngayong taon, biglaang inilipat si Patriarca mula sa Danao City Jail patungo sa Cebu Provincial Detention Reformatory Center (CPDRC), kung saan batay umano sa utos ni Gob. Gwendolyn Garcia ng Cebu ay pinagbawalang bumisita kahit ang kanyang mga kamag-anak. Muli siyang naging incommunicado. Maging ang mga kinatawan ng mga grupo sa karapatang pantao, kabilang na lokal na sangay ng grupong Karapatan at si Dr. Gary King ng Amnesty International-Minneapolis, ay hinarang ng mga bantay sa nasabing pasilidad. Matapos ang ilang araw ay inilipat si Patriarca sa himpilan ng Centcom sa Camp Lapu-Lapu.

Naglabas ang korte ng desisyon nitong Enero 30, na nag-uutos na ilipat si Patriarca mula sa nasabing kampo militar tungo sa CPDRC, na isang sibilyang pasilidad. Ngunit apat na buwan mula sa naturang desisyon ay hindi pa rin ipinapatupad ang kautusan ng korte.

“Ngayong Hunyo 11 ay magkakaroon ako ng hearing, kung saan inaasahang magdedesisyon si Judge Sylvia Paderanga ng Regional Trial Court Branch 25 tungkol sa aming pending motion para ipatupad ang aking temporary transfer sa CPDRC…Nakakalungkot na hindi ipinapatupad ang utos ng korte. Ipinoprotesta ko ito sa pamamagitan ng hunger strike,” ani Patriarca.

Upang igiit ang panawagan ni Patriarca, magsasagawa ng “sympathy fast” ang 18 sa kanyang dating kapwa-detenido sa Danao City Jail mula Hunyo 9 hanggang 11. Kasama sa kanilang mga panawagan ang pagpapalaya sa lahat ng bilanggong pulitikal bago ang Araw ng Kalayaan sa Hunyo 12.

“Ito ang kanilang paraan para ipakita ang suporta kay Patriarca. Paraan din nila ito para pasalamatan ang dati nilang over-all leader sa bilangguan, na pinagkakatiwalaan nila dahil nagpatupad siya ng mahahalagang pagbabago gaya ng Alternative Learning School sa loob ng piitan,” ayon kay Angelina Ipong, pangkalahatang kalihim ng Selda.

Kasalukuyang nakabinbin ang usapang pang-kapayapaan (peace talks) sa pagitan ng Gobyerno ng Republika ng Pilipinas (GPH) at ng NDFP. Isa sa nakasasagka sa pagpapatuloy ng proseso ay ang hindi pagpapalaya sa mga bilanggong pulitikal, kabilang na si Patriarca at 12 pang konsultant ng NDFP na patuloy na nakapiit.