10 tanong sa 10 taon na bilanggong pulitikal: Panayam kay Eduardo ‘Ka Eddik’ Serrano

May 15, 2014

10 taon nang detenidong pulitikal si Eduardo Serrano, ngunit nananatiling mataas ang kanyang morale. Marijoe Monumento

10 taon nang detenidong pulitikal si Eduardo Serrano, ngunit nananatiling mataas ang kanyang morale. Marijoe Monumento

Kupas, manipis at malapit nang maging puti ang kamisetang kahel ni Eduardo “Ka Eddik” Serrano, isa sa mga bilanggong pulitikal na nakadetine ngayon sa Philippine National Police Custodial Center sa Kampo Crame, Cubao, Quezon City. Pero matingkad pa ring nakaimprenta banda sa kanyang dibdib: “FREE ALL POLITICAL PRISONERS!”

Sampung taon na mula nang damputin at ikulong si Ka Eddik. Kabilang siya sa 489 bilanggong pulitikal sa buong bansa – isa sa labing-apat (14) na konsultant ng National Democratic Front of the Philippines (NDFP) na ipiniit sa kabila ng kanilang papel sa usapang pangkapayapaan o peace talks sa pagitan ng NDFP at ng gobyerno (GPH). Kinakatawan ng NDFP sa peace talks ang mga rebolusyonaryong organisasyong nagsusulong ng digmang bayan pangunahin na ang Communist Party of the Philippines at New People’s Army (CPP-NPA).

Si Ka Eddik ay tubong Naga City, Camarines Sur sa Bikol at nagtapos ng kursong Agriculture sa Unibersidad ng Pilipinas sa Los Baños (UPLB) sa Laguna noong 1976, kung saan siya nagsimulang kumilos bilang aktibista noong panahon ng Martial Law. Nagtrabaho siya bilang research assistant sa Dairy Training and Research Institute noong 1977  at napili upang kumuha ng kursong post-graduate ukol sa animal science sa Copenhagen, Denmark mula 1978-1979. Sa kasagsagan ng kilusang anti-diktadura pagpasok ng dekada ’80, nagpasya si Ka Eddik na ilaan ang buong panahon sa pagkilos sa hanay ng mga magsasaka ng Bikol at Mindoro.

Ayon pa kay Ka Eddik: “Dahil sa aking malapit na ugnayan at marubdob na pagtataguyod sa interes ng mga magsasaka, bilang lecturer-trainer-adviser sa mga organisasyon ng magsasaka at kooperatiba sa kanayunan, at bilang konsultant sa usapang pangkapayapaan sa pagitan ng GPH at NDFP sa paksa ng sosyo-ekonomikong reporma (socio-economic reforms), ako ay binansagang kaaway ng estado o ‘enemy of the state’ at isinailalim sa harasment, paniniktik at intimidasyon. Humantong ito sa aking pagkaka-aresto. Samantalang nakakulong, ako ay sinampahan ng mga gawa-gawang kasong kriminal.”

Sa ilalim ng “daang matuwid,”dumarami ang kinukulong dahil sa kanilang pulitikal na paninindigan o adbokasiya – 62 sa kanila ay inaresto ngayon lamang 2014. Itinuturing din ng pamahalaang Aquino bilang tropeo ang pagkaka-aresto sa binansagan nitong “malalaking isdang” lider ng CPP-NPA – gaya ng mag-asawang Wilma Austria at Benito Tiamzon na kapwa konsultant ng NDFP at kasama na ngayon ni Ka Eddik na nakadetine sa PNP Custodial Center sa Crame.

“Katotohanan ang magpapawalang-sala sa akin,” ani Ka Eddik. Heto ang sampung tanong para sa sampung taon ni Ka Eddik bilang bilanggong pulitikal:

1. Kailan, saan at paano kayo naaresto?

ES: Dinampot ako nang walang warrant of arrest ng mga naka-sibilyan at di-kilalang armadong lalaki noong Mayo 2, 2004 bandang alas-10 ng umaga sa Lipa City. Kabababa ko lang mula sa bus at sumusunod sa dalawang kasamahang babae na kasabay ko, nang may isang malaki’t matangkad na lalaki na umakbay sa akin. Agad na kasunod niya ang isa pang malaking lalaki na kumilik sa baywang ko. Binuhat nila ako papunta sa isang puting van na nakabukas ang mga pinto. Nakaantabay doon at nakatayo ang isang lalaki na may bitbit na baby armalite at nakasuot ng puting ammo vest.

Nang ibuka ko ang mga paa ko bilang sangga para hindi ako maipasok sa van, umalalay ang dalawang lalaki para matikom ang mga paa ko. Nang maipasok na ako, nakita kong bukas ang mga bintana at pinto sa kabila kaya inilabas ko ulit ang mga paa ko – dalawang lalaki ulit ang pumigil sa akin. Sa buong proseso ng pag-aresto ay sige lang ako sa pagsigaw. Natigil lang ako nang tinakpan na ang mga mata ko at ginapos na ako ng masking tape. Pinahiga nila ako nang patagilid sa sahig ng van.

2. Sinasabi nila na ang inyong aresto at detensyon ay paglabag sa Joint Agreement on Safety and Immunity Guarantees (JASIG), isa sa mga kasunduang pinirmahan ng NDFP at GPH para sa peace talks. Ano ang partikular na papel na ginagampanan ninyo sa usapang pangkapayapaan sa panahon ng inyong pagkakaaresto?

ES: Katatapos lang akong konsultahin ni Ka Fidel Agcaoili tungkol sa Mindoro at sa pagbubuo ng Joint Monitoring Committee (JMC) noong huling linggo ng Abril, 2004. Batay sa probisyon ng JASIG, ang sinumang kinukonsulta ng mga myembro ng negotiating panel ng NDFP ay hindi pwedeng arestuhin o isurbeylans ng mga pwersa ng GPH.

Maliban dito, inirekomenda rin ako ng KASAMA-TK (Kalipunan ng mga Samahan ng Magsasaka sa Timog Katagalugan) para maging kinatawan ng grupo sa pagdadala ng interes ng mga magsasaka ng Timog Katagalugan sa peace talks laluna sa usapin ukol sa socio-economic reforms.

3. Saang (mga) pasilidad kayo ipiniit sa nakaraang sampung taon?

Una akong ipiniit sa Fort Bonifacio mula pagkahuli hanggang sa ika-apat na araw. Matapos ito ay inilipat ako sa himpilan ng 204th Infantry Brigade ng Philippine Army (IBPA) sa Naujan, Oriental Mindoro. Sa ikasampung araw (para sa return of warrant), inilipat na ako sa Oriental Mindoro Provincial Jail (OMPJ) at dito ako tumagal nang tatlong taon. Inilipat ako Custodial Center ng Camp Crame noong Agosto 13, 2007. Dito na ako nakadetine mula noon.

4. Ano ang mga tampok ninyong pinagkaabalahan sa nakaraang sampung taon bilang bilanggong pulitikal?

Sa OMPJ at Camp Crame, hindi mawawala ang pagbabasa, pagsusulat, pakikipagtalakayan sa mga kapwa-detenido. Kinakausap at pinapaliwanagan ko rin ang sinumang pulis, sundalo o CAFGU (paramilitar) na makipag-harap at seryosong makipag-usap. Kaya nakuha natin ang respeto ng maraming pulis, sundalo at kahit mga opisyal ng bilangguan, barangay at probinsya sa Mindoro.

Human rights groups call for the release of Serrano and other political prisoners. Contributed Photo

Nananawagan ang mga grupong pangkarapatang pantao ng pagpapalaya kay Serrano at iba pang detenidong pulitikal. Contributed Photo

Pinahahalagahan ko ang maliliit na bagay na nagagawa at mga bagong natututunan. Sa OMPJ, nakakapag-acupuncture ako sa sinumang sumasadya para magpagamot. Dito rin ako natutong mag-cross stitch, gumawa ng mga handicraft gaya ng jewelry box, frame, at walis tambo, habang tumutulong na matiyak na magiging makatarungan ang kikitain ng mga detenido sa mga proyektong ito laluna sa mga Christmas Tree at parol. Nagdisenyo rin ako ng saranggola na pinalipad namin sa espesyal na okasyong anibersaryo ng NDF na Abril 24. Sa OMPJ, nagbigay din ako ng mga interbyu at lecture, at may ilan din akong natulungang magsulat ng mga thesis at write-up.

Sa Crame, mula Agosto 2007 hanggang Mayo 2009 ay kumuha ako at nakapagtapos ng diploma course sa Environment and Natural Resources Management sa Open University ng UP. Matapos ito, nakakuha pa ako ng 6 units ng masteral nito pero di na natuloy nang ipagbawal ang paggamit ko ng laptop. Natuto rin akong gumawa origami at ng mga greeting cards na may disenyong pinatuyong dahon. Dito sa Crame, itinuloy ko ang pag-cross stitch – nakabuo ako ng Mother Earth nitong 2009. Nariyan din ang pag-exercise, paglalaro ng chess, at pagsali sa mga palaro.

5. Paano ninyo ipinagpatuloy ang tungkulin bilang NDF consultant?

Kahit nakapiit, tuluy-tuloy kaming naglalabas ng mga pahayag kaugnay ng maiinit na isyu sa bansa laluna ang kaugnay sa paglabag sa mga karapatang pantao at takbo ng usapang pangkapayapaan.

Nariyan din ang pakikipagtalakayan sa mga kasamang bilanggong pulitikal kaugnay sa usapang pangkapayapaan at sa mga dumadalaw kaugnay sa mga pangyayari sa loob at labas ng kulungan partikular ang pakikibaka para sa pagpapalaya ng mga bilanggong pulitikal lalo na ang mga NDF consultants.

Ang pagsusulat at paggawa ng sining ay bahagi ng rebolusyonaryong gawain. Sa mga likhang sining, tinitiyak na ang may mensahe ito ng mga pambansa-demokratikong adhikain at sosyalistang perspektiba. Halimbawa nito ang talakayan bago mabuo ni Ka Edong (Sarmiento) ang mga awitin, tula at painting, lalamnin ng mga greeting cards at mga pahayag.

Sa mga pagtitipon dito tulad ng Disyembre 26 (anibersaryo ng CPP), Marso 29 (anibersaryo ng NPA) at Abril 24 (anibersaryo ng NDF) at kung kailan napapayagan ang malakihang dalaw, tinitiyak na may angkop na posters o visual aids, mga awit at tula upang gawing masigla at makabuluhan ang okasyon.

6. Anu-ano ang mga kasong isinampa sa inyo at ano ang kasalukuyang istatus ng mga ito sa korte?

Limang kasong kriminal – tatlong (3) multiple murder, isang (1) kidnapping with ransom at isang (1) attempted homicide – ang isinampa sa akin. Naging kalakaran na ng gobyerno ang tinatawag na “kriminalisasyon” sa pampulitikang paninindigan para bigyang-katwiran ang walang-taning na pagpiit sa mga kritiko at itinuturing na “kaaway ng estado.” Ang ganitong kalakaran ay labag sa Hernandez Doctrine at ganito rin ang sitwasyon ng mahigit 450 na detenidong pulitikal sa bansa, maliban sa 14 na ipiniit na NDFP consultants.

Noong Disyembre 2011, na-dismiss na ang isang kasong multiple murder sa Branch 77 ng Quezon City Regional Trial Court (QC RTC) dahil walang dumating na testigo mula sa prosekusyon. Ang isa pang kasong multiple murder sa Branch 98 ay may pending petition sa Court of Appeals dahil ang pangalan sa warrant ay Rogelio Villanueva, pero ito ay idinidiin sa akin. Ang ikatlong multiple murder case ay on-going ang trial sa Branch 100 ng QC RTC. Wala nang dumarating na testigo ang prosekusyon, pero nagkaroon muli sila ng mosyon para magsalang ng mga panibagong testigo. Ang kasong kidnapping with ransom ay patapos na. Naisalang na ako bilang huling testigo para sa depensa pero magkakaroon pa ng cross-examination ang prosekusyon sa Hunyo 25. Ang kasong attempted homicide ay dinidinig pa sa Branch 215 ng QC RTC. Nakasalang pa ang unang testigo ng prosekusyon na isang sarhento ng 68th Infantry Battalion (IB), pero nakadestino pa ito sa Mindanao ngayon. Ang kidnapping with ransom ay dinidinig naman sa Branch 97 ng QC RTC.

7. Ano ang inyong opinyon sa kalagayan ng usapang pangkapayapaan sa ilalim ni Pangulong Aquino?

Sa aking palagay, ang mga kontradiksyon sa ating lipunan partikular sa mga naghaharing-uri at nang-naaping uri laban sa pinaghaharian at inaaping uri – ay lalo ngayong tumitindi at litaw na litaw. Partikular sa naghaharing paksyon ni Aquino, napaka-arogante nito kaya litaw na litaw din ang pagka-insensitibo, pagka-papet, pagka-pasista at korap nito kaya walang pakundangan ang paglapastangan sa mga karapatan ng mamamayan laluna ang mga magsasaka. Ito rin ang dahilan sa pagwawalang-bahala niya sa usapang pangkapayapaan sa pagitan ng GPH at NDFP. Mas pinapaboran niya ang panig ng miitar at pulisya na balewalain ang mga pinirmahang kasunduan at itulak na lamang ang NDFP na sumurender. Sa paglaban ng mamamayan sa korapsyon ng gobyerno at pagkakait sa kanila ng mga batayang serbisyo publiko tulad ng kuryente, tubig, kalusugan, sanitasyon, at edukasyon – hinaharap ito ni Aquino gamit ang kaliwa’t kanang karahasan at panloloko. Lalo pang ipinakita ni Aquino ang pagkatuta sa imperyalismong US nang ibukas ang buong bansa sa tropang Amerikano sa pamamagitan ng niratsadang pirmahan ng Enhanced Defense Cooperation Agreement (EDCA).

8. Ano ang iyong mga alala noong kayo’y sampung taong gulang pa lamang?

Hindi ko na eksaktong maalala ang mga pangyayari noon pero kung ibabatay ko sa grado ko noon, mga ika-apat na baitang sa Naga Parochial School ay walang matingkad na pangyayari. Sa mga sumunod na taon, gaya nang tumuntong ako sa Grade V, naaalala ko na may subject kami ng carpentry o handicraft making at naaalala ko pa ang paggawa ng waste basket mula sa tingting ng niyog at plywood na ginagamitan ng coping saw. Hindi ko ito makalimutan dahil balu-baluktot ang pagkakagawa ko nito at di man lang ako tinulungan ng Papa ko! Naaalala ko rin na sa panahong ito ay gumawa ako ng medicine cabinet. Ang cabinet na ito ay tumagal sa bahay dahil talagang ginamit bilang lalagyan ng gamot kaya kahit nasa kolehiyo na ako ay nakikita ko pa iyon sa kwarto ng aking mga magulang. Malamang ay naroroon pa rin ang cabinet hanggang ngayon! Naaalala ko ang panahong binigyan ako ng medalya dahil sa pagiging sakristan. Pero may panahon ding napagalitan ako at pinatayo sa ibabaw ng aking upuan – laking hiya ko noon dahil kitang-kita ako ng lahat ng dumaraan sa aming silid-aralan!

9. Paano ninyo nakikita ang sarili sampung taon mula ngayon?

Sakaling abutin ko pa ang edad na 70, nakikita kong patuloy pa akong maglilingkod sa sambayanan sa abot ng aking kakayanan. Syempre, sa panahon na yan ay teenager na ang dalawa naming apo. At tiyak na may pagkakataon na magkakasama-sama kami at ang kanilang lola kahit ilang okasyon lamang.

10. Ano sa tingin ninyo ang kinabukasan ng rebolusyonaryong kilusan at ang posibilidad ng makatarungan at pangmatagalang kapayapaan sa bansa sampung taon mula ngayon?

Matibay ang aking paniniwala na makakapangibabaw ang rebolusyonaryong kilusan at magkakamit ng ganap na tagumpay.

Noong Nobyembre 1977, nang mahuli sina Kasamang Jose Maria Sison, ang tagapagtatag na tagapangulo ng CPP, ay nasa pamantasan pa ako at nagsisimula pa lamang ang aming pamilya – ikinasal kami ni misis noong Oktubre 1977. Nasa pamunuan ako noon ng kilusang lihim sa eskwelahan pero hindi kami nanghina bagkus ay lalong nagpursige. Kadadaan lang noon ng puting lagim – naging desaparecido sina Ka Gerry Faustino na direktang gumagabay sa amin noon; Ka Manny Salvacruz na naging brod ko sa UP Sarung Banggi kahit taga-Los Banos siya; Ka Riza Ilagan, Ka Tina Catalla, Ka Jessica Sales na maestra ko sa Speech I at hindi ko alam na “kasama” pala. Nakasakay pa namin siya ni misis sa bus na BLTB Co. noong Hulyo 31, 1977 paluwas ng Maynila.

Ako at si misis ay hindi rin nanghina sa kahirapan at kapinsalaang dulot ng disoryentasyon. Kaya kahit ang pagkahuli ko ay di nagdala ng demoralisasyon lalo na kay misis. Malakas ang paniniwala namin na makakabangon nang lubusan ang rebolusyonaryong kilusan para harapin ang mga bagong tungkulin. At malamang sa panahon na ‘yan – sampung taon mula ngayon – makakamit na ng sambayanan ang panimulang mga taon ng pagpupundar ng makatarungan at pangmatagalang kapayapaan sa bansa.