Karapatang Pantao

Takas!


Rebyu ng “Painting Freedom: An exhibit of Political Prisoners’ Artworks”, Sining Kamalig Gallery, Gateway, Cubao, Quezon City

Rebyu ng “Painting Freedom: An exhibit of Political Prisoners’ Artworks”
Sining Kamalig Gallery, Gateway, Cubao QC

"Prison, In and Out," ni Alan Jazmines
"Prison, In and Out," ni Alan Jazmines

Ang unang tungkulin ng isang rebolusyonaryong nadakip at ibinilanggo ng kaaway ay ang humulagpos at palayain ang sarili.

Bagamat patuloy na nakapiit sa PNP Custodial Center sa Camp Crame, malayang naka-eksibit ngayon ang mga likhang-sining ng mga bilanggong pulitikal na sina Alan Jazmines at Eduardo Sarmiento. Tampok ang kanilang mga obra mula Disyembre 8-31 sa eksibisyong “Painting Freedom” sa Sining Kamalig Gallery, na nasa huling palapag ng Gateway Mall sa Cubao, Quezon City.

Sina Jazmines at Sarmiento ay panungahing mga rebolusyonaryo at mahahalagang konsultant ng National Democratic Front (NDF) sa usapang pangkapayapaan (peace talks) nito sa Gobyerno ng Pilipinas (GPH). Iginigiit ng NDF na ang dalawa, at ang 11 pang konsultant ng NDF na kasalukuyang nakapiit, ay nakapailalim sa nilagdaang Joint Agreement on Safety and Immunity Guarantees (Jasig) at hindi dapat ibinibilanggo upang maipagpatuloy ang kani-kanilang mga papel sa pag-usad ng prosesong pangkapayapaan. Ang NDF ang kumakatawan sa Communist Party of the Philippines (CPP), New People’s Army (NPA) at iba pang rebolusyonaryong organisasyon ng NDF sa peace talks.

"Miss ko na ang CS," ni Eduardo Sarmiento
"Miss ko na ang CS," ni Eduardo Sarmiento

Si Alan Jazmines ay dinakip ng militar sa Baliuag, Bulacan Pebrero 14 ngayong taon, ilang oras bago magsimulang muli ang pormal na usapan sa Oslo, Norway.  Bago ito, dalawang beses na siyang nabilanggo noong Batas Militar. Bukod sa pagpipinta, kilala rin si Jazmines bilang  isang makata na naglathala ng koleksyon ng kanyang mga tula na isinulat sa piitan, ang Moon’s Face.

Patungo na sa ikatlong taon si Eduardo “Ka Edong” Sarmiento sa piitan, mula nang dukutin siya ng mga elemento ng CIDG  sa Alabang, Muntilupa noong Pebrero 2009. Nabilanggo na rin siya noong panahon ng Batas Militar. Sa Samar, kung saan tubo si Ka Edong, mas kilala siya sa kanyang rendisyon ng makabayang awit, habang anonimong nag-aambag ng mga likhang-sining sa Larab, ang rebolusyonaryong pahayagan ng Silangang Kabisayaan.

Ayon sa mensahe nina Jazmines at Sarmiento: “Sa mga panahong na kami’y nakapiit – sa panahong hinahadlangan kaming magpatuloy ng aming gawain sa labas ng kulungan para sa pakikibaka at interes ng ating mamamayan – saka nga lamang kami nagkakaroon ng kaunting oras para sa pagpipinta, bilang bahagi ng pakikibaka sa loob at labas ng kasalukuyang piitan.”

Habang isinasalarawan ng karamihan sa mga likhang-sining ang dilim at kalupitan ng buhay sa piitan, hindi maiiwasang tumampok ang optimismo at pananalig sa isang maaliwalas na bukas na siyang sandigan ng isang rebolusyonaryo.

"Libingan ng mga Buhay," ni Eduardo Sarmiento
"Libingan ng mga Buhay," ni Eduardo Sarmiento

Sa anim na pirasong seryeng “Piitan, Loob at Labas” ni Alan Jazmines, kinukulapol ang karanasan, hangarin at damdamin ng pintor sa kanyang pagkakabilanggo. Ang pakiwari ng kulob, abuhan at patay na mga kulay sa simetrikong sukat at hangganan ng mga rehas at alambreng tinik ang nauulit na padron sa mga pyesa ng serye. Sa depiksyon ng tortyur at armadong lakas ng awtoridad ay isinisiwalat ni Jazmines ang isang marahas na tunggalian. Ang mga elementong depiksyon ng paghulagpos, gaya ng mga ibon, mga kamao, bandilang pula, sama-samang pagkilos at iba pa, ang bumabasag sa malamlam na larawan ng bilangguan.

Nahahalintulad sa mga ito ang imahe sa “Ibon” (Charcoal on sketch pad, 9” x 12”) ni Eduardo Sarmiento ngunit sa kalakhan, pinipili ni Ka Edong ang maiinit na kulay, estilong grapik o tila pang-poster at eksperimentasyon sa iba’t ibang materyale. Ito ang nagbibigay ng tekstura at tingkad kahit sa lugmok na paksa ng tortyur at pagkakabilanggo. Sa mga tampok na piyesa ay agad lumilitaw ang mensahe ng kanyang optimismo at mapanlabang diwa. Sa pyesang “Sigaw” (Oil and acrylic on papier mache board, 25” x 27”), na depiksyon ng kanyang karanasan sa pagdukot at tortyur, namamayani ang pamumula ng labas ng piitan kaysa sa madlim na sulok ng pagpiring, paggapos at pagpapahirap sa persona. Makulay na langit ang tinutunghayan ng isang ibon mula sa piitan sa “Hulagpos” (Water color on papier mache board, 25” x 17.75”); pagkakaisa ng mga bilanggo ang paksa sa “Kapirasong Langit” (Watercolor on papier mache board, 20’ x 30) at sa “Libingan ng mga Buhay” (mixed media on panel, 10’ X14”), masisilip ang paghulagpos ng mga bilanggong pulitikal sa mga pagitan ng makakapal na pisikal na hadlang ng mga rehas at alambreng tinik.

Itinuturing ng mga rebolusyonaryo na “mas malaking piitan” ang buong lipunang kontrolado ng dayuhan at sadlak sa krisis. Nagtatanong ang obrang “Bakit tayo iskwater sa sariling bayan?” (Acrylic on canvas, 18” x 22”) ni  Alan Jazmines habang inilalantad ang kontradiksyon sa pagitan ng tipikal na tirahan ng maralitang taga-lungsod at matikas na tanggapang gusali ng multi-nasyunal na mga korporasyon. Samantala, malinaw na inilalarawan ni Jazmines na pagbabalikwas ang sagot ng maralita laban sa panunupil at demolisyon sa “May Laban din ang Bukas (Acrylic on canvas, 18” x 22”).

"People Power, Then and Now," ni Alan Jazmines
"People Power, Then and Now," ni Alan Jazmines

Ang pananabik upang muling makagampan ng mga rebolusyonaryong gawain ay binigyang-hugis at tekstura ni Ka Edong sa relief na “Miss ko na ang CS” (Oil and acrylic on papier mache board, 25” x 27”). Isinarawan lagpas sa mga rehas ang pagtanaw ng isang sentral na pigura sa mga eksena ng masiglang gawaing edukasyon at pangkultura (sama-samang pag-aaral at pagsasayaw ng katutubong “curacha”), gawaing militar (isang eksena ng tambang) at gawaing produksyon (kolektibong pagtatanim o “tiklos” sa Winaray) na lahat ay ginagampanan ng mga rebolusyonaryong pwersa at masa sa “countryside” o “CS”. Ang martsa ng mga Pulang Mandirigma na karaniwan sa mga obra ng rebolusyonaryong pintor na si Parts Bagani ng Mindanao ay binibigyan ng sariling rendisyon ni Ka Edong sa “Padayon” (Water color on papier mache board, 14” x 15”).

Ang istorikong pagsipat sa paghulagpos at paglaban sa loob at labas ng piitan ay pinakamakapangyarihan sa piyesang “People Power: Noon at Ngayon (acrylic on canvas, 24” x 42”) ni Jazmines. Binubuod nito ang daluyong ng anti-kolonyal na paglaban ng mga Pilipino hanggang sa matagumpay na paggupo ng sambayanan sa neo-kolonyal at imperyalistang kontrol sa hindi nalalayong hinaharap. Ipinapaalala lamang marahil ng  pamagat na hindi kabalintunaan ang pagkakapiit ng mga rebolusyonaryong tulad nina Jazmines at Sarmiento sa ilalim ng panunungkulan ng isang tagapagmana ng mahika ng “rebolusyong” People Power. Sa matalas na istoriko at makauring punto-de-bista, ang tunay na matuwid ay ang makibaka upang palayain di lamang ang sarili kundi ang buong lipunan.