Kapirasong Kritika

Berso sa Bilangguan


Hindi ko rin naman siya natatandaan bilang makata, bagamat ilang tula na niya ang nabasa ko. Mas tumatak sa akin na makata siya dahil sa isang kaibigan, na bagamat sumisimpatya sa Kaliwa ay kritikal sa pagtula ng mga aktibista. Sa pagtingin ng kaibigang ito, marami sa mga makatang aktibista ang gumagamit ng mabibigat na salita – kamao, dugo, rehas, mapulang bukang-liwayway – na bukod sa gasgas na ay hindi nabibigyan ng bagong buhay

Marami ang nakakakilala ngayon kay Alan Jazmines bilang bilanggong pulitikal sa ilalim ng rehimen ni Noynoy Aquino. Kinikilala siya ng National Democratic Front of the Philippines bilang konsultant sa usapang pangkapayapaan nito sa gobyerno ng Pilipinas. Marami pa rin ang nakakaalala sa kanya bilang pangkalahatang kalihim ng itinayong Partido ng Bayan noong 1987, kung saan si Prop. Jose Ma. Sison ang naging tagapangulo. Mas malamang, mas kaunti ang nakakaalala sa kanya bilang makata.

Hindi ko rin naman siya natatandaan bilang makata, bagamat ilang tula na niya ang nabasa ko. Mas tumatak sa akin na makata siya dahil sa isang kaibigan, na bagamat sumisimpatya sa Kaliwa ay kritikal sa pagtula ng mga aktibista. Sa pagtingin ng kaibigang ito, marami sa mga makatang aktibista ang gumagamit ng mabibigat na salita – kamao, dugo, rehas, mapulang bukang-liwayway – na bukod sa gasgas na ay hindi nabibigyan ng bagong buhay. Parang basta inilalagay, walang kongkretong pag-uugnay.

Anu’t anuman, tatlong makatang aktibista lang ang pinuri ng naturang kaibigan: si Sison, si Gelacio Guillermo, at si Jazmines. Kahit nga sa pagpuri ay madamot siya: may mga “cute na linya” raw si Jazmines kaya bukod-tangi. Kaya naman nang aksidenteng makita ko ang librong Moon’s Face and Other Poems [1991] ni Jazmines sa bahay ng isa pang kaibigan, agad ko itong hiniram at binasa. Para sa tulad kong hirap magbasa at umunawa ng tula, simple at madaling maunawaan ang kalakhan ng tula ni Jazmines.

Isinulat ni Jazmines ang mga tula sa Moon’s Face habang nakapiit bilang bilanggong pulitikal ng diktadurang US-Marcos noong 1982 hanggang Pebrero 1986. Sa kanyang panghuling salita, iniugnay ng kritikong si Lilia Quindoza-Santiago ang pagtula ni Jazmines sa pagtula ng maraming bilanggong pulitikal. Sa kanyang paunang salita naman, pinasaklaw pa ng kritikong si Elmer A. Ordoñez ang pagkukumparahan – ang mahabang tradisyon nina Balagtas, Rizal, at Amado Hernandez ng pagsulat sa piitan.

Kung tutuusin, pandaigdigang tradisyon ito ng mga progresibo sa partikular at mga rebelde sa pangkalahatan. Simula kay Vladimir Lenin hanggang kay Ho Chi Minh, simula kay Antonio Gramsci hanggang kina George Jackson at Mumia Abu-Jamal, nagsulat ang mga progresibo sa kulungan. Ang sabi ng isang akademikong kontra-Kaliwa, sa piitan lang nagkakaroon ng katulad ng “sabbatical leave” ng akademya ang mga rebolusyonaryo – na para bang napakainam ng kalagayan dito para magsulat.

Sa mga tula ni Jazmines, makikita ang pagpapatibay, kung hindi man pagpapatalas, sa kanyang paninindigan, sa kalagayang gusto itong pahinain at papurulin ng mga nagpiit sa kanya. Pinatigil man siya sa paglaban sa labas ng piitan, patuloy siya sa paglaban sa loob, sa hangaring makasanib muli sa paglaban sa labas. Ang panahong ginagamit na armas laban sa kanya ng kaaway, itinatransporma niyang armas laban sa kaaway. Ang espasyo na pinapakitid sa kanya, nilalampasan niya gamit ang kamalayan at alaala – para, syempre pa, sa aktwal na pisikal na pag-alpas para bumalik sa pakikibaka sa labas.

Sa isang tula, inilarawan ni Jazmines ang kroniko o papasahol na krisis ng lipunan sa antas na personal, parang nagkukwento lang, at nang nakakaantig ng damdamin. Ipinakita niya ang pagkitid ng larangan ng maniobra ng maralita para magdiwang, kahit sa isang panahong pinalalabas ng namamayaning kultura na nagdiriwang din sila.

Disyembre 25, 1983

Minsan nga’y
ibinili ako ni Nanay
ng bagong damit
sa palengke. Pinagpag
niya ang kanyang
pinakamagandang nasa aparador
at namasyal kami sa Luneta.
Ang di-matapos-tapos na kwentuhan
ay pinangibabawan na lang
ng pagod at antok.

Noong isang taon nama’y
hindi na kami lumayo
pero nagpista naman kami
sa puto-bumbong,
mantikilya’t tsokolate
bago matulog.

Ngayo’y niyakap niya ako
nang ubod-higpit
at binati na lang ako
nang walang imik
bago matulog.

Sa isa pang tula, ipinapakita niya ang mahigpit na ugnayan ng pang-araw-araw na aktibidad ng mga aktibistang nakikipamuhay sa mga magsasaka, at marahil ng mga New People’s Army rin, sa matayog na pag-unawa sa halaga ng naturang mga aktibidad. Puno ng kabuluhan ang tahimik na pagsusulong ng gawain sa hanay ng maralita.

Ang mga Naglalamay

Kaunting kaluskos.
Mahinang kaskas ng pawid.
Munting kiskis. Nagkakilala
ang mga mata’t pisnging
bumilog sa bahid ng sindi.
Marahang pagbubukas ng pinto.
Pahid ng putikang
mga paa sa basahan.
Mahigpit na daupang-palad.
Maliksing pagbaba
ng tuyong mga paa. Sandali’y
kumukulo na ang kape. Sunud-
sunod na pahid ng putikang
mga paa sa basahan.
Mahigpit na daupang-palad.
Mahinang mga usapan. Umuusok
pa ang kape. Sunud-
sunod na pagbaba ng mga paang
kumakalat at kumakaluskos
sa gabing kagampan
sa bukang-liwayway.

Sa isa pang tula, napakalinaw ang pagkabig sa mga nasa panggitnang uri, sa kabila ng titulong magbibigay ng akalang itataboy sila. Ang konteksto: ang mga rali sa Makati noon laban sa diktadurang US-Marcos na binubuhusan ng confetti ng mga nasa panggitnang uring nasa mga gusali sa nasabing lungsod. Kaalinsabay, pinapaigting sa kanila ang mga personal na kontradiksyon sa harap ng paglaban ng sambayanan.

Confetti Revolutionaries

At the din
you stir
to open your windows
and let pass that shot
that has hung
in the hollows
of your high-rise
edifices.
A fisty air
rushes in
from the sweating ground
and shatters
your shut-in office cool.
You shed dead files,
yellow matter
and other scrap,
shred them
and throw them
out of windows,
each shred
pantomiming
the inevitable fall,
in terms so genteel
you sojourn to the ground
for a look-see
at the lithe
touchdown of paper.

Instead you meet
a heavy,
heaving,
sweating
groundswell
to whom you are
welcome confetti.

It rises to absorb you.

You shudder an instant,
weighing your own readiness
to go farther
than the paperwork.

Sa liham niya kay Quindoza-Santiago, mapagkumbaba si Jazmines. Aniya, dahop ang kanyang pampanitikang background, wala siyang nalahukang palihan sa pagtula, hindi pa nakikinabang sa kritikal na pagsuri sa kanyang mga tula, at hindi siya pamilyar sa mahuhusay na makata. Pero taliwas dito ang paghusga ni Quindoza-Santiago: inalpasan ni Jazmines ang lahat ng limitasyon sa pamamgitan ng paghasa ng kanyang pagtula sa gitna ng pakikibaka – at, maidadagdag, kahit sa laylayan nito, sa loob mismo ng piitan.

Sa kanyang panayam nitong huli sa Pinoy Weekly, simple at matalas ang paliwanag ni Jazmines sa “tungkulin at halaga” ng mga progresibo at rebolusyunaryong alagad ng sining: “Halos katulad ng sa mga rebolusyonaryong edukador at propagandista…” Aniya, “Napag-iibayo [nila] ang paggising sa rebolusyonaryong kaisipan at damdamin… sa iba’t ibang mapanlikhang paraan…” Sa Moon’s Face, nagpapakita si Jazmines ng mahusay na pagtangan sa naturang tungkulin at mahusay na pagsasabuhay ng naturang halaga.

14 Hunyo 2012