Karapatang Pantao

Panayam: Ang nagpapatuloy na laban ni Alan Jazmines


Panayam kay Alan Jazmines, artista, rebolusyonaryo at bilanggong pulitikal noong panahon ng diktadurang Marcos at ngayon.

Alan Jazmines, matapos dukutin at ikulong ng militar noong Pebrero 2011. (Kontribusyon)
Alan Jazmines, matapos dukutin at ikulong ng militar noong Pebrero 2011. (Kontribusyon)

PW: Ano ang prospek ng inyong pagpapalaya? Gaano kahalaga ang inyong papel sa nagaganap na usapang pangkapayapaan?

AJ: Itinuturing ng NDF at peace panel nito na mahalaga ang papel naming mga konsultant pangkapayapaan, at sa gayon kung totoong gusto ng GPH na matuloy ito ay dapat palayain kami at hayaang gampanan ang nararapat na papel namin sa proseso.

Ang tusong sadyang pag-aresto at pagkulong sa akin ilang oras lamang bago ang pagsisimula ng panunumbalik ng pormal na usapang pangkapayapaan ay matinding sampal sa kaharap ng GPH sa lamesa ng pag-uusap at sa mismong prosesong pangkapayapaan.

Bilang miyembro ng NDF RWC SER, bukod pa sa pagiging konsultant pangkapayapaan ng NDF, kinakailangang makadalo ako di lamang sa mga pulong ng mga magkatapat na komite ng NDF at GPH para sa SER, kundi pati sa mga hiwalay na pulong at paghahanda para rito ng NDF RWC SER.

Isang malaking aroganteng kabastusan at tahasang panlalait sa katapat nito sa lamesa ang pagsisikap ng GPH na magpatuloy ang usapang kapayapaan at kaugnay nitong mga trabaho nang nakatali ang mga kamay ng NDF. Gusto nilang palabasin na inutil, walang magagawa at katawa-tawa lamang ang kanilang katapat. Bukod sa paglabag sa Jasig, ang pag-aresto at pagkukulong sa amin upang di epektibong makakilos at makapagtrabaho para sa usapang pangkapayapaan ay tusong sadyang sagka at pambabastos sa NDF peace panel at sa usapang pangkapayapaan.

Ilang ulit nang nangako ang GPH panel na palalayain ang mga nakakulong na konsultant pangkapayapaan ng NDF, pero di ito ipinatupad. Dahil dito, ilang ulit na ring nabalam ang pagpapatuloy ng pormal na usapang pangkapayapaan.

May ilang napalaya kamakailan na konsultant pangkapayapaan ng NDF, pero taliwas sa pinapalabas na kaya sila napalaya ay dahil sa kusang pagpapakita ng GPH ng magandang-loob alang-alang sa usapang pangkapayapaan, sa katunaya’y lumaya sila dahil lamang sa kanilang pagkakapanalo ng mga kaso nila sa korte at di sa iba pang dahilan.

Bagong malisyosong pagpipilipit naman ngayon ng GPH sa usapin ang pagpupumilit na itim ang puti, at pagpapalabas na ginagawa ng NDF panel na precondition ang o “pinauuna bilang kondisyon kahit di nararapat” para sa pagpapatuloy ng usapang pangkapayapaan ang pagpapalaya sa mga konsultant ng NDF. Sukdulang pagbabaluktot ito sa usapin at pagsisikap na takpan ang katotohanan–na isang obligasyon, at walang ibang nararapat kundi iwasto muna ang mabibigat na paglabag ng GPH at palayain ang mga konsultant ng NDF at iba pang nakakulong na protektado ng Jasig at iba pang umiiral na kasunduan sa pagitan ng NDF at GPH upang makapagpatuloy ang usapang pangkapayapaan.

Paulit-ulit na nating nakikita kung gaanong katuso ang GPH panel sa paulit-ulit na pagtatangkang maisahan ang NDF panel. Di dapat ito kailanman palusutin. Umusad man o tuluyang mabigo ang usapang pangkapayapaan sa panahon ng kasalukuyang rehimen, nakabatay ito sa prinsipyadong tindig at pagpupusisyon ng NDF panel.

Walang ibang dapat gawin ang NDF panel kundi mahigpit na igiit ang pagpapalaya ng mga nakakulong na konsultant pangkapayapaan ng NDF kung ayaw ng GPH na tuluyang matigil na ang usapan dahil sa paglabag at pagmamatigas nito. Ang prospek sa pagpapalaya ng mga nakakulong pang konsultant ng NDF ay lubos na nakasalalay sa ganoong paggiit.

Napakahalaga ring tuluy-tuloy na balikatin ng NDF panel at di tantanan ang paggiit ng pagpapalaya sa lahat ng iba pang bilanggong pulitikal. Lahat sila’y biktima ng pagsagasa sa hustisya at paglabag sa karapatang-tao. Inaresto, ikinulong, at pinahirapan sila para supilin ang kanilang pakikipaglaban para sa mga pagbabago sa bulok na pampulitika at sosyo-ekonomikong kaayusan na mahigit daang taon nang dumadagan sa mga mamamayan. Sinampahan lamang sila ng mga gawa-gawang kasong kriminal para pagtakpan ang pampulitikang panunupil sa kanila. Karamihan pa sa kanila’y kinasuhan sa kung anu-anong pekeng alyas at ginawang pamparami sa nahuhuling “terorista” para sa katuwaan at patuloy na pag-aayuda ng imperyalistang amo.

Ang pagigiit ng NDF na palayain ang lahat ng bilanggong pulitikal ay kailangang isa sa mga pangunahing demanda ng NDF at ng malawak na mamamayan sa lamesa ng usapang pangkapayapaan, lalo’t pinakasimbolo sila ng mga buhay pang biktima ng sakit sa pulitika ng umiiral na bulok na sistema.

PW: Ano ang prospek ng pambansang industriyalisasyon sa Pilipinas, na isa sa pangunahing sosyo-ekonomikong reporma na hinihiling ng NDF?

Lahat ng nga nagtataguyod ng pambansang industriyalisasyon ay tiyak na maisusulong ito basta’t desidido rito ang gobyerno katuwang ang mga industriyalista at mga progresibo at patriyotikong pwersa sa bansa na itulak at ipagtagumpay ito. Sa kasaysayan, hangga’t nananatiling desidido sila, lahat ng gobyerno sa mga bansang nagsulong nito ay nagtagumpay dito.

Sa ating bansa, nagsimula na sanang gumulong ito sa kasagsagan ng mga inisyatiba at kampanya para rito noong dekada ’60. Pero, sa utos ng imperyalistang US, kinontra ito ng magkakasunod na papet na rehimen at mga alipores nila, hanggang sa ang mga nagdadala na lamang nito ay ang mga rebolusyonaryo, progresibo, at patriyotikong puwersa at ilan sa hanay ng panggitna at pambansang burgesya na nananatiling desidido pa rin dito.

Hangga’t patuloy na iiral ang bulok, inutil, at mapagsumamong maka-imperyalista at malapyudal na katangian ng gobyerno sa bansa, di iyon maaasahan sa anumang pagtutulak ng pambansang industriyalisasyon.

Kakailanganin para siguradong maisulong at maipagtagumpay ito ang pagtatagumpay ng pambansa demokratikong rebolusyong nagsusulong nito, o kung di pa man ay ang pagtatayo ng isang anti-imperyalistang gobyernong koalisyon.

PW: Balita ko ay muli kayong nagsusulat ng mga tula at nagpipinta sa loob ng piitan. Ano ang nagawa at kasalukuyang ginagawa ninyong mga obra?

AJ: Mas sa ikalawang pagkakakulong ko (noong 1982-86) at nito uling kasalukuyang pagkakakulong ko ako nakapagtuluy-tuloy kahit paano sa pagsusulat ng mga tula at pagpipinta.

Noong ikalawang pagkakulong ko, relatibong mas maluwag ang panahon ko at marami akong naisulat na mga tula at naipinta.Karamihan ng mga tulang iyon ay tungkol sa mga karanasan sa piitan, bagamat marami rin ang tungkol sa mga tampok na pangyayari noon sa labas ng piitan, katulad ng asasinasyon kay Ninoy Aquino at bumebuwelong mga pampulitikang pagkilos at protesta noon. Karamihan sa mga tulang iyon ay lumabas sa iba’t ibang dyaryo at magasin noon.

Balak sana ng isang pandaigdigang organisasyong sumusuporta sa mga ginigipit na mga tao ng sining na ilabas bilang libro ang koleksiyon ng mga nagawa kong tula at gumawa na nga si Lilia Quindoza-Santiago ng introduksiyon para roon, pero dahil napalaya na ako noong Pebrero 1986 at di na noon maituturing na ginigipit na tao ng sining ay di na natuloy ang publikasyon.

Pagkalaya ko, nagkainteres sa koleksiyon si Alfrredo Salanga at pagkatapos niyang matingnan ay inengganyo niya ang paglalathala niyon. Inako niya ang pag-aasikaso ng paglalathala at pagsusulat ng introduksyon, pero pumanaw na siya bago niya nagawa ang mga iyon. Sinalo ng Kalikasan Press ang paglalathala ng libro (pinamagatang “Moon’s Face, and other poems”—Ed.) at inako naman ni Elmer Ordoñez ang pagsusulat ng introduksyon.

Sa panahong nakakulong pa ako bago niyon, nagbalak na maglunsad ng eksibit ng mga likhang sining ng mga bilanggong pulitikal, at inanyayahan kami nina Edicio dela Torre, Noel Etabag at Mario de Guzman na maghanda ng mga gawang sining para sa eksibit. May nagawa ako noon na pito—anim sa pamamagitan ng acrylic painting at isa sa pamamagitan ng woodcut. Pinaksa ng mga iyon ang tungkol sa bilangguan, militarisasyon sa kanayunan, kilusan ng mga manggagawa, dustang kalagayan at pakikibaka ng mamamayan. Idinaos ang eksibit sa Sining Kamalig noong 1985.

Mula noon, nito na lamang Enero 2011 ako muli nakapagpinta. Inihabol ko ang isang acrylic painting na pinamagatang “People Power, Then and Now” sa eksibit sa Sining Kamalig noong Pebrero para sa anibersaryo ng EDSA I. Nitong muling makulong ako, sa gitna ng maraming gawain para sa usapang pangkapayapaaan at marami ring iba’t ibang gawain kaugnay ng mga laban sa di-makatarungang pagkukulong at para sa pagpapalaya sa mga bilanggong pulitikal, at laban para sa pagrespeto sa mga karapatang pantao ng mga bilanggong pulitikal at iba pang bilanggo rito, paisa-isang nakagagawa pa rin ako ng mga likhang sining. Iniipon ngayon ang mga ito, kasama ang gawa ng iba pang bilanggong pulitikal.

Karamihan ng ginawa ko rito’y serye ng mga acrylic painting ng “Prison, In and Out,” at may ilang tungkol sa mga maralita ng lungsod at iba pang api sa bansa.

Dahil sa kakapusan ng panahon at hatak ng maraming iba pang gawain, di ako gaanong nakapagsusulat ngayon ng mga tula. Nitong kamakailan, naghabol lamang ako ng dalawang tulang ambag para sa dulang pinalabas sa U.P. nitong Setyembre 30, sa inisyatiba ng nakakulong ding artista ng bayan na si Ericson Acosta, ang Poldet. Parehong tula ay tungkol sa kalagayan at pakikibaka ng mga bilanggong pulitikal. Ang isa ay “Maliit at Malaking Piitan,” at ang isa pa’y “Diyan ka na lang sa maliit na piitan.”

PW: Ano sa tingin ninyo ang partikular na tungkulin at halaga ng mga rebolusyonaryong artista at kanilang mga likha?

AJ: Halos katulad ng sa mga rebolusyonaryong edukador at propagandista ang tungkulin at halaga ng mga rebolusyonaryong artista. Ang mga rebolusyonaryong edukador ay nagtuturo sa mga kasama at mamamayan tungkol sa wastong paraan ng pagsusuri at pag-iisip at sa mga esensyal na katotohanan sa mundo, lipunan at sa iba’t ibang aspeto at pangyayari rito, at ang mga kailangang gawin dito, kabilang na ang mga saligang batayan, direksiyon, programa, at tungkulin sa rebolusyon para sa pundamental na transpormasyon at pagpapaunlad sa mundo at lipunan.

Ang mga rebolusyonaryong propagandista ay higit na malawak na nagpapabatid at nagtuturo sa mga kasama at mamamayan tungkol sa iba’t ibang partikular na aspeto at pangyayari sa mundo, bansa, gubyerno, at lipunan o mga bahagi nito, sa rebolusyonaryong interpretasyon at kinakailangang pagtugon sa mga ito, sa lengguwahe at paraan upang madaling maunawaan, madaling maipalaganap at masiglang makapang-aahita ng mga inaabot nito, nang sa gayon ay mahimok ang pagkilos nila laban sa kasamaan at mga negatibong epekto nito sa kanila at para sa pagsusulong ng mga pagwawasto at ibayo pa nilang paglaban ng mga kasama at mamamayan.

Ang mga rebolusyonaryong artista naman ay may katulad ring mga ginagawa sa iba’t ibang paraan na higit pang gumigising sa isip at damdamin ng mga kasama at mamamayan, sa pamamagitan ng pagdaan ng mga rebolusyonaryong mensahe sa pamamagitan ng iba’t ibang pandama nila—paningin, pandinig, atbp. Napag-iibayo ang paggising sa rebolusyonaryong kaisipan at damdamin ng mga kasama at mamamayan sa iba’t ibang mapanlikhang paraan, sa porma ng mga tula, maigsing kuwento, nobela, kanta at iba pang musika, sayaw, pinta, drowing, cartoon, eskultura, effigy, teatro, dramang pangradyo, sine, video, atbp. Ang mga pormang ito ng arte at sining ay parte ng kultura at buhay ng mamamayan, malapit sa kanila at sa iba’t ibang antas ay mahigpit ang kapit at impluwensya sa kanila, kaya’t makapagsisilbing epektibo at popular na daluyan ng mga rebolusyonaryong ideya at panawagan.

PW: Ano ang maituturing ninyong pinakamemorableng mga karanasan sa kilusang underground?

AJ:Mula ito sa mga panahon ng araw-araw na paglubog, pakikipamuhay, at panggigising sa masa, kapwa sa kalunsuran at kanayunan, kung saan higit kong natutunan kung paano sila napagsasamantalahan, pinaghihirap, at inaapi ng mga naghaharing-uri at mga ahente nito, at kung paanong nakikipagbuno sila para sa mga pangaraw-araw na kabuhayan at kaginhawaan hanggang tuluyan na silang namumulat at nakikibaka para mapalitan ang buong umiiral na sistemang panlipunan.

Marami pa ang bunga ng tuwirang naranasan at higit na natutunan at napahalagahan kong buhay-kolektibo sa diwa at praktika ng pagkapantay-pantay, makauri at rebolusyonaryong pagmamahalan sa hanay ng mga kasama at sa pagitan ng mga kasama at masa, walang pasubaling debosyon at paglilingkod ng mga kasama at masa sa rebolusyonaryong pakikibaka at kilusan.

May mga panahong sama-sama kaming hirap, pagod, gutom, basa, at kung minsa’y may inaalalayan pang mga maysakit o sugatan, habang umiiwas sa mga pasistang nagsusugsog sa mga kabahayan sa baryo at hanggang sa mga sukal at kagubatan.

Di ko malilimutan ang partikular na mga pagkakataong inaruga ako ng mga kasama at masa sa mga panahong nagkaroon ako ng malubhang sakit habang nasa kabundukan, pati na ang mga pagkakataong itinakbo ako sa syudad o kaya kinupkop sa bahay ng masa, kasama, alyado o ng mga doktor mismo, at pinagtulungang alagaan at pagalingin.

Sa lahat ng pagkakataong ito, tulad ng iba pang panahong dumaan ako sa hirap, lalong lumakas ang determinasyon kong mabuhay at magpalakas upang patuloy na makibaka kabalikat ang mahal na mga kasama at mamamayan.