Ordinaryong mamamayan, nakataya sa usapang pangkapayapaan ng GPH, NDFP
“Kung lumaban kami, masama kami. Kung tumahimik lang kami sa isang sulok, masama pa rin kami.” Ganito umano ang pagtrato ng mga sundalo ng Armed Forces of the Philippines (AFP) sa mga Aeta sa kanilang komunidad sa Subic, Zambales, ayon kay Nilo, isang lider-katutubo na ayaw magpakilala para sa sariling seguridad. Sa Tales from the […]
“Kung lumaban kami, masama kami. Kung tumahimik lang kami sa isang sulok, masama pa rin kami.”
Ganito umano ang pagtrato ng mga sundalo ng Armed Forces of the Philippines (AFP) sa mga Aeta sa kanilang komunidad sa Subic, Zambales, ayon kay Nilo, isang lider-katutubo na ayaw magpakilala para sa sariling seguridad.
Sa Tales from the Ground: Compelling Reasons to Resume Peace Talks, isa lamang si Nilo sa mga ordinaryong mamamayan na naggigiit ng panunumbalik ng usapang pangkapayapaan sa pagitan ng Government of the Republic of the Philippines (GPH) at National Democratic Front of the Philippines (NDFP).
Sa nasabing porum ng Pilgrims for Peace at Sulong Cahrihl noong Marso 19, iginiit ng iba’t ibang sektor ang pangangailangang ng sinserong pag-uusap ng dalawang panig para matugunan ang mga ugat ng armadong tunggalian.
Pangkaraniwan ang kuwento ni Nilo. Dinukot at ikinulong siya ng mga sundalo sa paghihinalang miyembro siya ng New People’s Army (NPA). Umano’y nagsimula ang panghaharas nang bumuo sila ng grupo, Pamahalaan ng Katutubo ng Batiawan, para ipaglaban ang lupaing ninuno sa gitna ng bantang pangangamkam dito ng isang negosyante.
“Gusto lang namin igiit ang aming mga karapatan. Pero pinagbibintangan kaming NPA,” aniya.
Mga katulad na biktima ng paglabag sa karapatang pantao ang nangunguna sa panawagan kay Pang. Benigno Aquino III na seryosong balikan ang usapang pangkapayapaan sa NDFP.
Ayon sa NDFP, muli na naman itong nabalaho dahil sa dahil sa pag-urong ng GPH mula sa nauna nitong mga komitment sa rebolusyonaryong gobyerno.
Borador para sa truce at alliance
Sa pahayag ng NDFP kamakailan, inilahad nito kung paano hindi natuloy ang isa sanang “makasaysayang pagkikita” nina Pangulong Aquino at Jose Ma. Sison, tagapagtatag ng Communist Party of the Philippines, sa Hanoi ngayong taon. Mismong si Sek. Ronald Llamas, political adviser ng pangulo, ang nagpanukala nito sa isang pulong noong sa Amsterdam noong Nobyembre 2012.
Ipinangako ni Llamas na palalayain si Alan Jazmines at iba pang konsultant ng NDFP, at na magiging kalahok si Jazmines sa nasabing pagkikita.
Alinsunod sa Jasig (Joint Agreement on Security and Immunity Guarantees), iginigiit ng NDFP ang pagpapalaya ng GPH sa 14 na nakakulong na konsultant nito.
Noon pang 2011 naghain ang NDFP kay Aquino ng borador para sa isang general declaration para sa truce and alliance, sa ilalim ng tinatawag na special track ng usapang pangkapayapaan. Ang special track ay ang negosasyon sa pagitan ng dalawang panig para mapabilis ang usapang pangkapayapaan. Ngunit ayon sa NDFP, hanggang ngayon ay wala pang isinusumite ang GPH na punto-por-puntong sagot dito. Sa halip, nagbigay lamang noon ng maikling mensahe si Aquino na nagtutulak ng isang tigil-putukan nang walang malinaw na batayan.
Para pag-usapan ang iminungkahing pagkikita nina Aquino at Sison sa Hanoi, nagpulong sang dalawang panig sa The Hague noong Disyembre 17-18.
Naghain ang GPH ng borador na Common Declaration for National Unity and a Just Peace. Kinritiko ng NDFP ang ilan sa mga punto nito, kabilang na ang kawalan ng linaw kung papaano bubuuin ang Committee on National Unity, Peace and Development na magsusumite ng mga panukalang sosyo-ekonomiko at pampulitikang mga reporma.
Itinatakda rin ng GPH ang isang immediate ceasefire, gayong hindi pa nailalatag kung anu-ano ang mga repormang panlipunan na gagawin.
Samantala, nagsumite rin ang NDFP ng sariling borador na General Declaration for National Unity and a Just Peace. Inilinaw dito na ang komite para sa mga repormang panlipunan ay bubuuin ng parehong bilang ng mga representante mula sa dalawang panig.
Inilatag din ang mga batayan ng truce at alliance. Kabilang dito ang pagbabasura sa lahat ng di-pantay na mga kasunduan at tratado na labag sa pambansang soberanya. Gayundin ang tunay na reporma sa lupa at pambansang industriyalisasyon. “The rich natural resources of the Philippines, the expertise and labor of the Filipinos and expanded market due to such land reform shall be mustered for economic development,” ayon sa borador ng NDFP.
Nakasaad din na magtatayo ng mayor na mga proyekto sa 11 na industriya, kabilang ang industriya ng metallurgy, electronics, enerhiya, petrochemicals, food processing, at iba pa. Ang magiging hatian ng pag-aari ng malalaking industriya, 20% sa gobyerno, 40% sa lokal na mamumuhunan, at 40% sa dayuhang mamumuhunan. Samantalang ang maliliit at katamtamang-laki na negosyo ay para lamang sa mga lokal na mamumuhunan.
Kasabay ng programa sa reporma sa lupa ang mga proyektong pangkabuhayan sa mga komunidad para itaas ang produksiyon sa agrikultura, habang nagsisimula pa lamang ang mga proyektong pang-industriya.
Pagkabalaho ng ‘makasaysayang pagkikita’
Ngunit sa nasabing pulong sa The Hague, sinabi ng mga representante ng GPH na hindi sila awtorisado ni Pangulong Aquino na pumirma ng kahit anong kasunduan. Naging mailap na rin si Llamas nang tanungin ng NDFP hinggil sa pangako nitong palalayain si Jazmines at iba pang konsultant–hindi rin daw sila awtorisado para pag-usapan ang ganoong mga bagay.
Muli na namang nagpulong ang dalawang panig nitong Pebrero 25 at 26 sa Amsterdam. Naghanda ang NDFP ng isang Draft Communiqué para sa pagkikita nina Aquino at Sison sa Hanoi.
Ngunit agad na sinabi ng GPH na wala silang mandato para pag-usapan ang nasabing borador. Naghapag din ng sariling borador na deklarasyon ang GPH, na muling kinritiko ng NDFP.
Pangunahin sa mga kritiko ng NDFP ang paglalagay ng unilateral at indefinite na ceasefire sa unahan ng deklarasyon, na umano’y sumisira sa buong balangkas ng negosasyon.
Nakasaad din ang pagkakaroon ng Final Peace Agreement, na ayon sa NDFP ay nagbabalewala sa regular track ng usapang pangkapayapaan, kung saan kailangan munang magapag-usapan ang mga pampulitika at sosyo-ekonomikong mga reporma bago magapag-usapan ang cessation of hostilities o pagsasantabi ng mga armas.
Sinabi rin ng NDFP na ayaw gamitin ng GPH ang mga salitang “tunay na repormang agraryo” at “pambansang industriyalisasyon” dahil umano’y may bahid ng ideyolohiya (ideologically charged) ang mga ito.
Gumuho muli ang usapang pangkapayapaan nang mapagtanto ng NDFP na inalok lamang ang pagkikita sa Hanoi nina Sison at Aquino para puwersahin ang kanilang panig na pumayag sa deklarasyon ng GPH hinggil sa “di-prinsipyadong tigil-putukan” sa loob lamang ng isa o dalawang pagpupulong. Wala rin sa deklarasyong ito ng gobyerno ang mga salitang truce at alliance na siyang unang ipinanukala ng NDFP.
NDFP: Hindi isinasara ang pinto
“Hinahamon namin ngayon ang gobyernong Aquino na pag-aralan ang dalawang borador na naiprisenta noong Pebrero. Hindi pa namin sinara ang pinto sa usapang pangkapayapaan. Kailangan lang ipakita (ng GPH) ang kanilang sinseridad,” inihayag sa porum ni Randy Malayao, konsultant ng NDFP.
Aniya, kawalang sinseridad ang patuloy na pagkakakulong ng mga kapwa niya konsultant. Nakulong si Malayao ng mahigit dalawang taon, at nakalaya lamang kamakailan dahil nagdesisyon ang korte na walang batayan ang mga kaso laban sa kanya.
Inimbitahan din ang GPH sa nasabing porum, ngunit walang representante nito ang dumating.
Kabilang pa sa ordinaryong mga mamamayan na nagtulak ng panunumbalik sa usapang pangkapayapaan si Estrelita Bagasbas, lider ng maralitang komunidad sa North Triangle na dinedemolis para tayuan ng sentrong pang-komersyo. Kuwento niya, hindi sila makatulog nang mahimbing sa gabi sa takot na bigla na lamang dadamputin ng pulis.
Nanawagan siya ng “hustisya para sa mahihirap,” na ipinagkakait umano ng gobyerno.
Dalawang kaanak ng mga biktima ng pagpaslang at pagdukot ang nagsalita rin para ipanawagan ang pagrespeto sa karapatang pantao.
Namatay noong Hulyo 2011 ang asawa ni Marilou Mariano ng Doña Remedios Trinidad, Bulacan, nang paputukan ng mga sundalo ng AFP ang kanilang kubo, sa kabila ng kanilang mga sigaw na sila’y mga sibilyan at hindi NPA. Sugatan din sa insidente ang kanyang anak na si Norman, ngunit matapos nito, kinasuhan pa siya sa korte ng illegal possession of firearms at frustrated murder.
Samantala, patuloy namang nakapiit ang asawa ni Marites Chioco na si Rolly Panesa, isang security guard na dinukot noong Oktubre 2011 sa maling akala na isa siyang nakatataas na lider ng Communist Party of the Philippines.
Humingi ng tulong sina Mariano at Chioco para makamit ang hustisya para sa kanilang mga kaanak.
Pangako naman ni Malayao, patuloy nilang kakalampagin ang GPH na sundin ang nauna nitong mga komitment sa usapang pangkapayapaan, gaya ng Comprehensive Agreement on Human Rights and International Humanitarian Law. Gayundin, patuloy nitong itutulak ang batayang mga repormang panlipunan na lulutas sa mga ugat ng kahirapan at armadong tunggalian.