Tula | Ano pa ba ang gusto n’yong laya?


1 Ano pa ba ang gusto n’yong laya? Lalong naghahangad kayo ng higit pang laya, lalong kailangan kayong igapos, busalan, isaksak dyan at ipwera lalo sa ginugulo lang n’yong laya …   2 Kayong di mapatahimik at may napakaraming angal sa mga palakad, di makuntento sa ‘sang kahig, ‘sang tuka, sa kahit anong buhay, sa […]

Alan Jazmines, matapos dukutin at ikulong ng militar noong Pebrero 2011. (Kontribusyon)

1

Ano pa ba ang gusto n’yong laya?

Lalong naghahangad kayo

ng higit pang laya,

lalong kailangan kayong igapos,

busalan, isaksak dyan

at ipwera lalo

sa ginugulo lang n’yong laya …

 

2

Kayong di mapatahimik

at may napakaraming angal

sa mga palakad,

di makuntento

sa ‘sang kahig, ‘sang tuka,

sa kahit anong buhay,

sa ano’ng andyan nang laya,

at kung anu-ano pa

ang hinahangad

lampas sa anumang meron

sa ginugulo lang n’yong laya …

 

3

Panay pa ang himok sa iba,

pulos pa patay-gutom

at hampas-lupa,

nagpaparami lang

ng may napakarami nang angal

at kailangan na ring igapos,

busalan, isaksak dyan

at ipwera lalo

sa ginugulo lang n’yong laya …

 

4

Sakit kayo sa ulo’t

delikadong kumalat

at magkalat pa,

mag-ingay at yumanig pang lalo

sa ginugulo lang n’yong laya …

 

5

Di lang katawan n’yo

ang kailangang harangin,

walang-tigil naming

pinagkukunutan ng noo

kung paanong mapakikitid pa

ang inyong mga galaw,

kung paanong mapipigilan pa

pati paglalarga

ng inyong mga isip, bibig, kamao,

at nang huwag nang

makadagdag pa

sa mga paghahangad,

pag-iingay,

pagyayanig

sa ginugulo lang n’yong laya …

 

6

Bawal na bawal

magpapasok

at magpalabas

ng anumang gagatong pa ng galit

sa kalagayan

at mga palakad,

lalo’t naghahangad kayo

ng higit pang laya

kung saan kayo isinaksak

at kung saan kayo

ipinupwera lalo

sa ginugulo lang n’yong laya …

 

7

Ngayong modernong panahong

dumaraming di na mapigilan

ng simpleng mga rehas na bakal,

alambreng tinik,

matataas na tore’t pader

sunud-sunod na tarangkahan

at mahihigpit na bantay,

maghahalughog at maghahalughog kami

sa kahahanap

sa mga katago-tago n’yong

makapagdurugtong pa

sa mga isip, mata, dila, kamao

makapananawagan

at makapaghahamon

ng higit pang laya

kung saan kayo isinaksak

at kung saan kayo

ipinupwera lalo

sa ginugulo lang n’yong laya …

 

8

Mainit din

ang aming mga mata, taynga, kamay

at mga aso

sa anupamang gamit n’yo

na makapagtitikatak,

makapaghuhugis

at makapagluluwal

ng mga titik, itsura, sigaw

sa gitna ng katahimikan …

kundi’y makapagpapalitan pa kayo

ng mga pang-akit,

panindak

at pangyanig

sa ginugulo lang n’yong laya …

 

9

Di magtatagal

ay mangungumpiska na rin kami

pati ng mga bolpen, lapis, pinta, papel

na dapat ay ipwera na

kung saan kayo isinaksak

at maipwera kayo lalo

sa ginugulo lang n’yong laya …

 

10

‘Wag na sanang umabot pa

na kailangang madamay pa

ang inyong mga dila, daliri

o anupamang kailangang pugutan,

dahil sa patuloy

na pakikipagpalitan pa n’yo

ng mga salita, likha, isip

sa ginugulo lang n’yong laya …

 

11

Paalala lang namin

na sa isang matagal nang paghahari,

di na kami nag-abala

na dumaan pa sa proseso

ng pangungumpiska pa muna

ng kanyang lumang pluma.

Simpleng ibiniyahe na lang namin

nang tuluyan

ang may hawak niyon

at iniwan iyong ulila

at nang mapigilan pa sana

ang sumisibol

na pag-aalsa noon

sa ginugulo lang nilang laya …

 

12

Ano pa ba ang gusto n’yong laya?

Sa panay n’yong panggugulo sa laya,

delikado kayo

na lalong mawalan pa ng laya,

lalo’t nagpaparami pa kayo

ng katulad n’yong

di napipigilang

mag-ingay,

manghamon,

mangyanig,

magbanta

ng higit pang laya

kung saan kayo isinaksak

at kung saan kayo naghahasik

ng ibayo pa ngayong pag-aalsa

sa ginugulo lang n’yong laya …

 

ALAN JAZMINES
PNP Custodial Center
Camp Crame
25 Pebrero 2012

Si Alan Jazmines ay konsultant ng National Democratic Front of the Philippines, pintor, at makata. Ilegal siyang inaresto noong Pebrero 14, 2011 at ngayo’y isang detenidong pulitikal na nakapiit sa Philippine National Police Custodial Center.