Kapatid ng NDFP peace consultant, nawawala


Naniniwala ang Karapatan na isa itong halimbawa ng “palit-ulo” na pakana ng militar para mapilitang lumitaw at sumuko si National Democratic Front of the Philippines consultant Alan Jazmines.

Lubhang nabahala ang human rights watchdog na Karapatan sa ulat na nawawala ang nakababatang kapatid ni National Democratic Front of the Philippines (NDFP) peace consultant Alan Jazmines.

Huling nakita si James Jazmines, 63, nakababatang kapatid ni Alan, sa Purok 4, Brgy. San Lorenzo, Tabaco City, Albay noong Ago. 23. Sa kabila ng paghahanap ng kanyang asawa, hindi pa rin malaman ang kanyang kinaroroonan.

Naniniwala ang Karapatan na isa itong halimbawa ng “palit-ulo” na pakana ng militar para mapilitang lumitaw at sumuko si Alan na patuloy na tinutugis ng mga ahente ng estado dahil sa kanyang gawain sa pagsusulong ng usapang pangkapayapaan.

Kinondena ng grupo ang maniobra ng militar at iginiit ang agarang pagpapalitaw sa nakababatang Jazmines.

“Matagal nang nakararanans ng paniniktik, harassment at pagbabanta ang pamilyang Jazmines sa loob ng ilang dekada para lang matunton at maaresto si Alan,” ani Karapatan secretary general Cristina Palabay.

Naging information technology (IT) consultant si James ng Pinoy Weekly at iba pang non-government organization hanggang noong kalagitnaan ng 2000s at nanatili sa freelance IT sector mula noon.

Nagsilbi siyang patnugot ng Commitment, opisyal na pahayagan ng League of Filipino Students, at executive director ng pangkulturang institusyong Amado V. Hernandez Resource Center. Mula 1988 hanggang 1992, naging information officer naman si James ng sentrong unyong Kilusang Mayo Uno.

Ani Palabay, ilang beses na ring ni-red-tag ang asawa ni James na isa ring manggagawang pangkaunlaran at pinakilala pang asawa ni Alan sa programang “Laban ng Masa” sa SMNI na pag-aari ni Apollo Quiboloy na kilala sa red-tagging at terror-tagging ng mga aktibista’t kritiko ng estado.