Migrante

Gobyerno ni PNoy, ‘pasakit’ sa mga OFW, kaanak


Sa loob ng dalawang taon ng pagkakaluklok bilang pangulo ng Pilipinas, hindi pa rin nararamdaman ng Pilipino ang mga binitiwang pangako niya. Laluna ng mga Pilipino na nangingibang bansa upang maghanap-buhay

Roundtable discussion ng mga kaanak ng mga OFW, sa tanggapan ng Migrante sa Quezon City. (Darius Galang)
Roundtable discussion ng mga kaanak ng mga OFW, sa tanggapan ng Migrante sa Quezon City. (Darius Galang)
Roundtable discussion ng mga kaanak ng mga OFW, sa tanggapan ng Migrante sa Quezon City. (Darius Galang)

Sa loob ng dalawang taon ng pagkakaluklok bilang pangulo ng Pilipinas, hindi pa rin nararamdaman ng Pilipino ang mga binitiwang pangako niya. Laluna ng mga Pilipino na nangingibang bansa upang maghanap-buhay.

Sa roundtable discussion ng Migrante International sa mga kaanak ng mga Overseas Filipino Workers (OFW), ito ang tumining na sentimyento.

Inilahad ng mga kaanak ng mga OFW na sina Marilax Lumban, Ruth Camila, Evelyn Bañez, Aileen Cabrera at Angelina Pandongon ang kasalukuyang lagay ng kanilang mga mahal sa buhay na nasa ibang bansa.

Samu’t sari ang mga nararanasan ng kanilang mga mahal sa buhay na nakikipagsapalaran sa ibang bansa. Kasama rito ang ilegal na pagkarekluta, human trafficking, foul play, pagkakulong o nasa death row, at pagkakapalit ng kanilang pinirmahang trabaho.

May ilan pang mga Pilipino na nakaanas ng karahasan habang nasa kanilang trabaho.

Mga kuwento ng pighati

Kuwento ni Marilax na biktima ng human trafficking ang kanyang hipag na si Guilian Lumban, 23-anyos. Walong bahay – bukod pa ang sa kanyang amo – ang kanyang nililinis sa buong maghapon. “Sugat-sugat po at wala siyang pahinga roon. Ginahasa pa po siya ng amo niya,” saad ni Marilax.

Disyembre nang ilegal siyang lumabas ng bansa mula Zamboanga. Una’y inakalang sa Malaysia lang ang tungo niya, hanggang makarating sa Syria hanggang Jordan. “Hanggang kaya pa ng katawan niya ay tatapusin na lang niya ang eight months na kontrata.” Sa ngayon, patuloy ang kanyang paghiling ng tulong upang makauwi si Guilian para na rin sa kanyang anim na taong gulang na anak.

Last month, lumapit na kami sa DFA (Department of Foreign Affairs) pero hanggang ngayon ay wala pa sin silang aksiyon,” sabi pa ni Marilax.

Ibang trabaho naman ang ibinigay kay Joel Lacanilao nang makarating siya sa Damam, Saudi Arabia, kuwento ni Ruth tungkol sa kanyang kuya. Hunyo 2011 nang umalis si Joel bilang welding inspector. “After ilang months, nagkaproblema na,” dagdag ni Ruth. “Ibang trabaho na ang ibinigay sa kanya pagdating doon. ’Yung napasukan niya dun, ’yung parang nagbibigay lang ng tao.”

Disyembre 2011 nang mag-umpisa na maantala ang sahod ng kanyang kuya. “Tapos, mula Enero hanggang Pebrero, hindi na talaga sila sinusuwelduhan. Tapos nag-isip siya ng ibang paraan. Kasi nagtiis muna siya kasi ayaw naman niya umalis nang walang malilipatang trabaho. Ayaw niya munang umuwi agad kasi wala pa rin siyang ipon,” kuwento ni Ruth sa sinasapit ngayon ng kapatid sa kalagayan ng empleyo ng kanyang kuya.

Isang Allen Arroyo na opisyal umano ng Philippine Overseas Labor Office (POLO) ang nilapitan nila sa Saudi Arabia para makahingi ng tulong sa pagpapauwi kay Joel. Sampung libong riyal ang hiniling kapalit ng exit visa niya – sa kadahilanang hindi pa tapos ang kontrata niya. Mahabang kuwento ang isinalaysay ni Ruth ang dinaanan niya, mula sa pag-iipon hanggang sa pag-dodonate ng mga kasama ni Joel, pati na ang akmang pagbenta ng kanilang bahay sa Pilipinas, mabuo lamang ang malaking halaga na naibigay naman.

“Hanggang sa hinahanap na niya yung Allen Arroyo para makuha yung exit visa. Tinataguan na siya nito, maraming excuse. Nang humihingi ng ebidensiya kung naibigay ’yung pera, walang maipakita sa kanya. Later on na lang niya nalaman na marami nang kalokohang ginawa ’yung Allen Arroyo na iyon, wala lang naglakas ng loob na magsumbong,” kuwento pa ni Ruth.

Lumapit na si Joel sa Migrante. Siya na rin ang nagsabi kina Ruth na pumunta sa tanggapan ng grupo. Panawagan rin nina Ruth, makauwi na ang kanyang kuya na ilan buwan nang walang trabaho, at nakikitira at nakikikain na lamang sa mga kakilala doon.

Dalawang maybahay naman ng 91 trabahador na kasalukuyang nasa Riyadh, Saudi Arabia at nagtrabaho sa Al-Swayeang humihingi ng repatriation ng kanilang mga mahal sa buhay. Nagsalaysay si Evelyn at Aileen sa kasalukuyang lagay ng kanilang asawa na sina Danilo Bañez at Angelito Cabrera, kasama sa 91 na istranded sa naturang bansa.

“Partikular sa asawa ko (na si Danilo), third re-hire na niya sa company na iyan. Since 2004 nagtrabaho siya sa company na iyon. Sa unang dalawang contracts niya, maayos naman ang palakad ng kumpanya. Kaso nagkaroon ng pagbabago nung pagbalik niya sa simula ng kanyang third contract kasi nagkaroon ng bentahan ang kompanya sa ibang may-ari na, kaya automatic nagbago ang management procedure,” salaysay ni Evelyn, na mula sa pagababago na iyon ay hindi na nakakapagpasahod ng maayos ang kompanya.

“Mula sa pagbalik niya noong 2009, nagsimula ’yung pabagu-bago ng pasahod. Una, delayed muna ang kanilang sahod, kaya pinagbigyan muna nila. Pero sa ikatlong buwan, napilitan na silang mag-strike, totally tigil-trabaho, nagawa nila iyan sa ilang buwan mula 2009 hanggang 2010,” kuwento ni Evelyn.

Pagtatapos ng kontrata ang naging problema sa maraming trabahador ng Al-Swaye. Sa ngayon ay stranded lamang sila. “Pero dumating sa punto na pati ang kanilang iqama (o working permit, ’yung pinaka-national ID nila dun) ay hindi na ma-renew. Sa buong proseso, hindi ibinibigay sa kanila kahit ang may hawak na silang resibo hangga’t lahat ng empleyado ay hindi naire-renew. Kaya kung 1,000 yan at saka ire-release nang buo,” ani Evelyn. Sa kasamaang palad, inuna ng kompanya ang proseso ng trabaho nila, dahil sa dami ng nag-expire na kontrata. “Pero nangako pa rin na susuwelduhan sila,” kuwento pa niya.

March 2011 pa lamang ay napaso na ang kontrata ni Danilo. kaya TNT (tago nang tago) na ang kanyang lagay sa Saudi. Hanggang sa paglapit nila sa embahada upang humingi ng tulong. “Wala kaming kaso rito kundi magkaroon lamang ng iqama at makauwi ng bansa namin,” sinabi umano ni Danilo sa kanyang asawa.

Nagkaroon man sila ng offer mula sa POLO ng temporoary working permit. Hindi nila ito tinanggap dahil mangangahulugan umano ito ng hindi pagpansin ng embahada sa kanilang hiling na makabalik ng Pilipinas. “Bakit nga naman maiisip pa iyon kung makakapagtrabaho ulit, kaya nagkaisa sila na huwag tanggapin at upang mapansin (ang kanilang hinaing),” sabi pa ni Evelyn.

Simple lamang ang hiling ng 69 anyos na si Ginang Pandongon: Makauwi ang kanyang anak na si Allen. Dock man si Allen sa Doha, Qatar mula 2010. “Pinirmahan niyang kontrata rito (ay bilang) karpentero. Pero pagdating niya roon, dock man na siya,” ayon kay Pandongon.

Paliwanag noya, taga-install ng aircon ang dock man.

“Tumatawag iyan sa akin; ’yung suweldo nila laging delayed. Bandang huli, hindi na sila pinapasahod. Hindi naman sila binibigyan ng allowance sa pagkain kundi sarili nila,” sabi pa niya.

Mga bayani na gatasan

Nabibigyan pa ba ng proteksiyon ng gobyerno ang mga kababayan natin?

Pahayag ng Migrante International, grupong nagtataguyod ng kagalingan ng mga manggagawang Pilipino sa ibang bansa, lalong lumala ang kalagayan ng mga OFW kung pagbabatayan ang paglobo ng dami ng kaso na kanilang tinatanggap.

“Mula 1,500 kaso bago maupo si Aquino noong 2010, ang mga kaso na aming nadokumenta at na natulungan ay dumami hanggang 4,500 kada taon, hanggang pagtatapos ng 2011,” paliwanag ni Garry Martinez, tagapangulo ng Migrante. “Hindi pa kasama rito ang mga kaso na napangasiwaan ng aming chapters sa ibang bansa.”

Dagdag pa ni Martinez, lumawak ang saklaw ng mga kaso na ito. “Kung dati ay indibidwal na kaso o parehas sa ganoong uri, ngayo’y saksi tayo sa mas malawak na saklaw ng mga kaso na ito, mula sa illegal recruitment hanggang sa malawakang human trafficking at iba’t ibang uri ng pagsasawalang-kilos ng pamahalaan.

Kasama rito ang overcharging, o sobrang paniningil sa mga OFW, sabi pa ni Martinez.

At habang dumarami ang ganitong mga kaso, ginagawa pang tila gatasan ang mga umaalis ng bansa para magtrabaho. Matatandaan ang panukala ni Manila Rep. Trisha Bonoan-David na doblehin tungo sa $50 ang singil para sa emergency repatriation fund sa mga lalabas ng bansa.“Hindi nga nagagamit bakit pa kailangan bayaran,” sabi pa ni Ginang Bañez.

Noynoying’ sa mga isyu ng OFW

Dalawang taon na ang lumipas sa pamamahala ni Pangulong Aquino, pero hindi pa rin ramdam ng nakararaming Pilipino na nangibang bansa ang bunga ng kanilang paghihirap sa ibang bansa. Bahagi lamang, sabi ni Martinez, sa mas pinaigting na labor export policy, o polisiya ng pag-eksport ng lakas-paggawa, ng pamahalaan.

“Dahil sa desperasyon ng administrasyong Aquino na maghanap ng merkado ng trabaho sa labas ng bansa habang hindi umaasenso ang ekonomiya ng bansa dahil sa hindi marepormang polisiya, ang tanging rekurso nito ay lalong paigtingin ang labor export program kapalit ang kagalingan at karapatan ng mga OFW,” paliwanag ni Martinez.

“Naging maas malinaw na ang polisiyang ito ay isang malaking negosyo na mas tumutubo ang gobyerno habang ginagawang gatasan ang mga OFW,” sabi pa niya.

Hindi pinalagpaas ng Migrante ang pag-alaala sa nangyari nitong dalawang taon ni Aquino. “Sa kauna-unahang pagkakataon, apat sa ating kababayan ang nahatulan ng kamatayan sa ibang bansa. Nakakalungkot, nakakapangilabot,” dugtong ni Martinez.

At ano nga ba ang mga plano ng kanilang mga kaanak kung sakaling makauwi muna?

Priority lamang ni kuya ang makauwi muna, saka niya iisipin kung ano ang gagawin niya sa susunod. Kailangan muna niyang makauwi para mapahinga ang utak niya,” bahagi ni Ruth.

Sinabi naman ni Evelyn, “Magpapahinga muna siya (si Danilo) ngunit aalis pa rin ng bansa pero hindi na sa Middle East.” Si Angelina naman, may maaga nang pasabog. “Uuwi rin daw siya, ngunit bubuweltahan nila ang agency na nagpaalis sa kanila, dahil dito na sila magkikita-kita,” ani Angelina.

Sa bahagi ng Migrante, hinihimok nila ang mga kaanak ng mga OFW – pati na ang mga migrante mismo – na lumahok sa protesta sa State of the Nation Address ni Aquino sa Hulyo 23. Anila, kailangang mairehistro ang boses ng mga OFW: Pasakit lang sa kanila ang kasalukuyang pangulo.