DBM, muling kinalampag ng mga kawaning pangkalusugan
Muling sinugod ng mga kawaning pangkalusugan sa ilalim ng Alliance of Health Workers ang tanggapan ng Department of Budget and Management (DBM) dahil sa anima na buwan nang di-pagbigay ng kanilang mga benepisyo. Mahigit sa 29,000 manggagawang pangkalusugan ang hindi pa rin nakakatanggap ng mga benepisyo gaya ng hazard pay na nagsimulang hindi ibigay sa […]

Muling sinugod ng mga kawaning pangkalusugan sa ilalim ng Alliance of Health Workers ang tanggapan ng Department of Budget and Management (DBM) dahil sa anima na buwan nang di-pagbigay ng kanilang mga benepisyo.
Mahigit sa 29,000 manggagawang pangkalusugan ang hindi pa rin nakakatanggap ng mga benepisyo gaya ng hazard pay na nagsimulang hindi ibigay sa kanila noong Enero, ayon sa AHW.
“Natapos ang anim na buwan at ilang ulit tayong nagpupunta dito sa DBM at DOH (Department of Health) upang igiit ang ating hazard pay at iba pang benepisyo na karapatan natin. Walang ginawa ang mga ahensiyang ito kundi magturuan at paikut-ikutin tayo,” ayon kay Jossel Ebesate, pangulo ng AHW.
Ayon sa AHW, imbes na tugunan ang kanilang makatarungang panawagan, naglabas ang DOH ng Department Memorandum No. 2012-0181 nitong Hunyo 25 na nagtitigil sa pagbibigay ng hazard pay.
Reklamo pa nila, walang konsultasyon na ginawa ang DOH bago ilabas nila ang nasabing memorandum. Labag umano ito sa Magna Carta of Health Workers (RA 7305) at Joint Resolution #4.
“Nakalantad sa mga panganib sa aming kalusugan sa lugar ng aming pinagtatrabahuan. (Pero) sabi ng gobyerno, hindi daw hazardous ang mga nasa opisina at gumawa sila ng pamantayan, samantalang ang ospital ay laging lantad sa mga mapanganib na virus at mikrobyo,” dagdag ni Ebesate.
“Sa tuwing may bagyo at sakuna, kaming mga manggagawang pangkalusugan ay walang ibang pagpipilian kundi ang tumugon sa aming tungkulin. Tapos, sasabihin nilang hindi mapanganib ang aming propesyon,” ayon kay Robert Mendoza, pangkalahatang kalihim ng AHW.
Dagdag pa ni Ebesate, ang pag-delay o hindi pagbibigay ng benepsiyo gaya ng hazard pay ay pagpapabaya ng gobyerno sa kanilang kaligtasan at pagkatao.
“Laging nasa harapan kami ng pagliligtas sa buhay ng mga mamamayan pero ang mga buhay ay nasa patuloy na panganib sa araw-araw,” ayon kay Ebesate.
Nangangamba ang AHW sa napipintong pagbasura ng gobyerno sa mga benepisyong nakapaloob sa RA 7305 na nasabi sa ilang konsultasyon at pulong ng mga representante sa DBM.
“Ito ang nagpapatibay sa aming mga kawani upang ipaglaban at protektahan ang aming mga karapatan sa kahit anong paraan at panahon na kinakailangan,”ayon kay Mendoza.