Uncategorized

Paano nilalabag ang ating soberanya?


Nakababahala ang mga naturang galaw ng militar ng US sa bansa, na pinayagan ni Pangulong Aquino: Idinaos ang pinakamalaking Balikatan Exercises noong Abril, na nilahukan ng 4,500 na dayuhang tropa. Hindi lamang tropang Kano ang kasali, kundi maging tropa ng ibang bansang kaalyado ng US. Bilateral (sa pagitan ng dalawang bansa) lamang na kasunduan ang […]

Mga US navy vessel sa South China Sea, sa isang ehersisyong militar na Balikatan. (US Navy photo)
Mga US navy vessel sa South China Sea, sa isang ehersisyong militar na Balikatan. (US Navy photo)

Nakababahala ang mga naturang galaw ng militar ng US sa bansa, na pinayagan ni Pangulong Aquino:

Idinaos ang pinakamalaking Balikatan Exercises noong Abril, na nilahukan ng 4,500 na dayuhang tropa. Hindi lamang tropang Kano ang kasali, kundi maging tropa ng ibang bansang kaalyado ng US. Bilateral (sa pagitan ng dalawang bansa) lamang na kasunduan ang Visting Forces Agreement (VFA), kaya’t kuwestiyunable ang multilateral na katangian ng huling Balikatan.

Sa Balikatan sa Ternate, Cavite, nakuhanan ng litrato ang mga pagsasanay sa kontra-insurhensiya—ibig sabihin, hindi lamang sa pagpuksa ng internasyunal na mga grupong “terorista” umaayuda ang US, kundi maging sa pagpuksa ng lokal na mga rebelde, isang malinaw na panghihimasok sa internal na usapin ng bansa.

Dumaong sa Subic Bay noong Mayo ang nuclear submarine na USS North Carolina nang hindi ipinapaalam sa mga awtoridad. Labag ito sa ating batas na nagbabawal sa mga armas nukleyar.

Matapos ang bisita ni Heneral Dempsey, inihayag ni Defense Undersecretary Honorio Azcueta na “maaaring gamitin” ng US ang dati nitong mga base sa Clark at Subic. Isang Amerikanong defense contractor, Huntington Ingall Industries, ang naghahanap na ng mga trabahante para sa pagmamantine ng mga barkong pandigma. Indikasyon ito na muling magiging aktibo ang dating mga baseng militar ng US.

Pagsasanay-militar ng US at Philippine Marines sa Crow Valley, Tarlac noong Abril 2012.
Pagsasanay-militar ng US at Philippine Marines sa Crow Valley, Tarlac noong Abril 2012.

Sa isang reyd sa Sulu noong Pebrero, napatay ang mga umano’y lider ng teroristang Abu Sayaff at Jemaah Islamiyah ng isang drone o eroplano ng US. Matagal nang inaamin ng gobyerno na ginagamit ang US drones para sa pang-eespiya. Ngunit matagal na ring sinasabi ng mga kritiko na ginagamit ito sa aktuwal na kombat.

“Tutulong” ang US sa pagtatayo ng National Coast Watch Center, isang maritime surveillance system na magmamanman sa lahat ng mga barkong daraan malapit sa teritoryo ng Pilipinas. Inaasahan na magiging bahagi ito ng sistema ng Estados Unidos para imonitor at kontrolin ang lahat ng mahahalagang ruta sa Pacific at Indian Ocean.

Nakabinbin sa Senado ang kasunduang militar sa pagitan ng Australia at Pilipinas na gaya ng US-PH VFA. Magiging tuntungan ito ng ibayo pang presensiyang militar ng US, na may libu-libong tropa sa alyadong Australia. Inaaral din ng gobyernong Aquino ang isang bilateral na kasunduang militar sa Singapore, isa pang alyado at base ng US.

Namatay ang mangingisdang si Ahbam Juhurin at sugatan ang kanyang anak nang masagasaan umano ang kanilang bangka ng isang speedboat na lulan ang US special forces sa Basilan noong Abril. Hindi naimbestigahan ang pagkamatay ni Juhurin, o ang totoong misyon doon ng mga Amerikano.

Nag-o-opisina ang Federal Bureau of Investigation (FBI) sa loob ng Camp Crame ng Philippine National Police. May akses at iniinteroga ng FBI ang mga bilanggo, ayon sa detenidong pulitikal na si Alan Jazmines. Ayon pa kay Jazmines, may tatlong dayuhang pinagbibintangang “terorista” ang dinukot ng US mula sa Indonesia at Malaysia, dinala sa Crame, at binigyan ng pekeng Pilipinong identidad. Ito ang unang naitalang kaso ng rendition sa Pilipinas. Ang rendition ay pambibihag at palihim na pagdadala ng bihag sa kontroladong piitan sa ibang bansa. Ginagawa ito ng US sa iba’t ibang panig ng mundo; marami ang napapabalitang dinadala sa Guantanamo Bay.