Paggunita sa ‘alamat’ ni Maita


“Sa totoo lang, kulang pa nga iyun…Isa na siyang alamat.” Sa ganitong paraan inilarawan ni Michael Beltran, bunsong anak ni Maita Gomez, ang parangal na iginawad sa alaala ng kanyang ina ng mga tao at organisasyong nakasama at nalahukan ni Maita bilang aktibista at rebolusyonaryo. Sina Michael at nakatatandang anak na lalaki ni Maita na […]

“Sa totoo lang, kulang pa nga iyun…Isa na siyang alamat.”

Sa ganitong paraan inilarawan ni Michael Beltran, bunsong anak ni Maita Gomez, ang parangal na iginawad sa alaala ng kanyang ina ng mga tao at organisasyong nakasama at nalahukan ni Maita bilang aktibista at rebolusyonaryo. Sina Michael at nakatatandang anak na lalaki ni Maita na si Luis, ang tumanggap sa ngalan ng pamilya sa parangal ng mga kapwa aktibista at rebolusyonaryo noong Hulyo 14, sa Manila Memorial Park sa Paranaque City.

“Alamat” si Maita, sabi ng anak, dahil sa di-pangkaraniwang kuwento ng kanyang buhay. Sang-ayon dito ang mga nagsipagdalo. Mula sa pagiging bahagi ng alta-sosyedad tungo sa pagiging rebolusyonaryong kalahok sa armadong pakikibaka noong panahon ng batas militar — binagtas ng mga tagapagsalita ang buhay at pakikibaka ni Maita, hanggang sa huling paglahok niya sa Makabayang Koalisyon ng Mamamayan (Makabayan), na isang koalisyon ng progresibong mga partido at indibidwal.

“Hindi tayo umiiyak,” tagubilin umano ni Maita sa kanyang mga anak, “dahil lagi tayong pasulong.” At bagamat madamdamin ang naging luksa-parangal, at marami ang di mapigilan ang pagluha sa paglisan ng isang “alamat,” naging malinaw sa programa ang mensahe ng pagsulong. Naging malinaw ang mensahe ni Maita: Kailangang ipagpatuloy ang pakikibaka para sa hinahangad na tunay na pagbabago sa bansa.

(Bido sa ibaba: Isa sa mga talumpati sa parangal kay Maita: mga alaala ng manunulat at direktor na si Bonifacio Ilagan hinggil sa mga pinagdaanan ni Maita sa pag-underground noong panahon ng batas militar ni Ferdinand Marcos hanggang sa paglahok sa armadong pakikibaka sa kanayunan.)


(Basahin ang parangal ni Prop. Judy Taguiwalo kay Maita Gomez.
)