Pagpapatigil sa hazard pay tinutulan ng mga kawaning pangkalusugan


Galit na sumugod ang mga kawaning pangkalusugan sa harapan ng Department of Health (DoH) upang iprotesta ang Department Memorandum Order No. 2012-0181 na nagpapatigil sa pagbibigay ng hazard pay ng mga health worker. “Ang aming kalusugan, buhay at kapakanan ang nakataya. Nasaan ang puso ng DoH, Department of Budget and Management (DBM) at ni Presidente […]

Tutol ang mga kawaning pangkalusugan sa Department of Health Memorandum Order No. 2012-0181 na nagpapatigil sa pagbibigay ng hazard pay ng mga health worker. (Litrato mula sa Alliance of Health Workers).

Galit na sumugod ang mga kawaning pangkalusugan sa harapan ng Department of Health (DoH) upang iprotesta ang Department Memorandum Order No. 2012-0181 na nagpapatigil sa pagbibigay ng hazard pay ng mga health worker.

“Ang aming kalusugan, buhay at kapakanan ang nakataya. Nasaan ang puso ng DoH, Department of Budget and Management (DBM) at ni Presidente Aquino sa pagkakait ng aming pinagpagurang benepisyo?” pahayag ni Jossel Ebesate, pambansang presidente ng Alliance of Health Workers (AHW).

Umaabot ng P2,000 hanggang P8,000 ang hazard pay na 25% ng sahod para sa maraming manggagawang pangkalusugan. Ito at iba pang benepisyo ay nakasaad sa Magna Carta of Public Health Workers (RA 7305). Walang pondong inilaan para mga benepisyo sa Magna Carta mula nang inaprubahan ito noong 1992.

Inilabas ang nasabing memorandum nitong Hunyo 25 habang kalahating taon nang hindi natatanggap ng mga kawaning pangkalusugan ang iba pa nilang benepisyo na binawasan pa ng gobyerno. Ang subsistence allowance at ang laundry allowance ay binawasan mula sa memorandum din ng DOH No 2012-0002 kasabwat ang DBM na inilabas noong Enero na patuloy pa ring ipinaglalaban sa kasalukuyan ng AHW.

“Imbes na pagmalasakitan ang aming mga karapatan at benepisyo at kapakanan ng mga pasyente, ipinagtatanggol pa ng DOH ang kulang na badyet para sa mga publikong ospital at pagtutulak sa pribatisasyon ng mga serbisyong pangkalusugan,” dagdag ni Ebesate.

“Ang gobyernong ito, DOH at DBM ay nagpapaikot sa amin. Nagsasabi sila tungkol sa unibersal na pangangalaga sa kalusugan, pero ginugutom kaming manggagawang pangkalusugan at mga mahihirap na pasyente ang pinagbabayad para sa kanilang kalusugan. Ito ay mapanganib para sa manggagawang pangkalusugan gayundin sa kalusugan ng mamamayan” pahayag ni Ebesate.