Kapirasong Kritika

Pidol/Facifica


Nang mapag-usapan nitong huli si Dolphy – sa konteksto noon ng kanyang muntik-muntikang pagkamatay – at ang progresibong pagsusuri sa kanya, ang tanong ko: “Okey ba ang karakter niyang si Facifica Falayfay?” Sa isang banda, gusto kong magpatawa, na laging reaksyon sa pangalang iyan. Sa kabilang banda, talagang tanong ito sa ating panahong politically correct. Marami siyang napatawa, pero okey ba sa mga progresibo ang kanyang pagpapatawa? Ang posibleng sabit: ang pagganap niya bilang bakla

Nang mapag-usapan nitong huli si Dolphy – sa konteksto noon ng kanyang muntik-muntikang pagkamatay – at ang progresibong pagsusuri sa kanya, ang tanong ko: “Okey ba ang karakter niyang si Facifica Falayfay?” Sa isang banda, gusto kong magpatawa, na laging reaksyon sa pangalang iyan. Sa kabilang banda, talagang tanong ito sa ating panahong politically correct. Marami siyang napatawa, pero okey ba sa mga progresibo ang kanyang pagpapatawa? Ang posibleng sabit: ang pagganap niya bilang bakla.

Iyun pala, ang mismong pagganap niya bilang bakla ang nakahadlang sa pagiging National Artist o Pambansang Alagad ng Sining niya. Inamin ito ni Nicanor G. Tiongson, progresibong manunuring pangkultura at isa sa mga hurado sa parangal. Aniya, “Ang paniwala ko noon, ang dalawang icon na likha niya para sa pelikula at telebisyon… ay, sa mayorya ng mga pelikula niya, nagpapalabas na ang pagiging bakla ay kasingkahulugan ng abnormalidad at walang katuturang kaligayahan sa maliliit na bagay (frivolity)…”

Sinagot si Tiongson ng direktor na si Peque Gallaga sa isang panayam ni Angela Stuart-Santiago, kaibigang blogger. Ani Gallaga, ang pagganap ni Dolphy bilang bakla sa pelikula “ay sa isang banda siyang mas subersibong landas patungo sa pagtanggap [sa mga bakla] ng lipunang Pilipino, nang hindi nangangaral, nanenermon…” Dagdag pa niya, “Ginawang okey, hindi malaking problema ni Dolphy ang magpalit-damit at gumanap na bakla; sa puntong [ang ibang artista] ay hindi natakot ?magbakla’…”

(Kakatwa ang itinuturong dahilan ni Gallaga kung bakit kinayang gawin ito ni Dolphy: “Karamihan ng kanyang manonood, alam na isa siya sa may pinakamalalaking ari sa industriya at siya’y 100 porsyentong ?tunay na lalake’ sa sukatan ng pagkamacho sa kanto.” Nagawa niyang labagin sa pelikula ang namamayaning kalakaran ng mga kasarian dahil alam ng mga manonood na kampeon siya nito sa totoong buhay. Kumbaga, kinaya niyang sumugal sa papel dahil malaki naman ang puhunan niya.)

May punto si Gallaga. Kung magiging historikal tayo sa pagsusuri, dapat sukatin kung progresibo o hindi ang isang artista o isang bagay batay, una sa lahat, sa kanyang konteksto. Sa panahong iyun na hindi pa nakikita sa pelikula, na black and white pa noon, ang mga bakla, pagsulong na ang kanilang paglabas dito – bagay na nagawa ni Dolphy. Natural, istiryutipikal ang karakter, nakakompromiso sa kanyang panahon. Kahit ang kaisipan tungkol sa paglaya ng kababaihan, lumalaganap pa lang noon.

Saan nagkamali si Tiongson? Imbes na alamin o kilalanin ang historikal na konteksto ng mga naunang pelikula ni Dolphy, ipinataw niya ang pamantayan ng kasalukuyan sa nakaraan. Hindi historikal at isang kalabisan ang asahang may progresibong representasyon – lalo na’t “progresibo” sa pakahulugan ngayon – si Dolphy sa mga bakla sa panahong iyun. Positibo na ang nakita ang mga bakla sa pelikula, at posibleng naghawan ito ng landas sa anumang pagsulong sa pagtanggap sa mga bakla ngayon.

Hawig ito sa puna ni Elayne Rapping, feministang second wave sa US, sa galit at siphayo ng mga feminista sa lagay ng midya: “Isang dahilan kung bakit napakadaling ibasura [ng mga feminista] ang telebisyon ay dahil nalimutan na natin ang kalakaran bago ang dekada ’60. Parami nang parami sa atin… ang hindi sapat ang edad para maalala. At, dahil sa feminismo, lumobo ang ating ekspektasyon at hinihingi mula zero tungong infinity [Media-tions: Forays into the Culture and Gender Wars, 1994].”

Sa dulo, pwede namang pagsalubungin ang mga punto nina Tiongson at Gallaga. Magkabilang panig sila ng isang kaisahang masasabing diyalektikal: Pagsulong ang pagganap ni Dolphy na bakla kumpara sa nakaraan noon at sa panahong iyun mismo, pero kulang kumpara ngayon. Pero hindi ito nangangahulugan ng linyar na pag-abante tungo sa mas sulong; sa halip, makikita na may tunggalian kung saan ang pagkilala sa mga bakla ng lipunan ay maaaring may pag-abante at pag-atras sa pagtakbo ng panahon.

Kung pag-abante pala ang pagganap na bakla ni Dolphy sa mga una niyang pelikula, dapat na ba siyang maging National Artist? Isang aspekto lang ng pagiging “alagad ng sining” ang natalakay rito; kailangan pa sigurong suriin ang iba. Higit pa diyan, ano naman ngayon kung kilalanin siya ng Estado, na pakitang-tao lang ang pagsuporta sa sining at kultura? Maganda ang sabi ni Cong. Teddy Casiño ng Bayan Muna: Kilalanin man siya ng Estado o hindi, kinikilala na siya ng marami sa bansa. At iyun ang mahalaga.

12 Hulyo 2012