PPP, magpapalala sa ‘sakit’ ng sektor pangkalusugan


May sakit na nga ang mga mamamayang Pilipino, mistulang pinahihirapan pa raw ito na magamot, ayon sa mga manggagawang pangkalusugan, dahil sa planong “korporatisasyon” ng pampublikong mga ospital

Mga manggagawang pangkalusugan na nagtipon at nagprotesta sa harap ng Rizal Medical Center para tutulan ang korporatisasyon ng mga pampublikong ospital. (Pher Pasion)
Mga manggagawang pangkalusugan na nagtipon at nagprotesta sa harap ng Rizal Medical Center para tutulan ang korporatisasyon ng mga pampublikong ospital. (Pher Pasion)

Gusto raw ni Pangulong Aquino ang universal health care. Ibig sabihin, lahat ng tao’y may akses daw sa health care. Dahil daw ito, itinutulak niya ang pagkakaroon ng Public-Private Partnerships (PPP) sa sektor pangkalusugan.

Unti-unti na itong nagaganap. Ngayon pa lamang, umaangal na ang maraming maralitang lalong nahihirapang makaakses sa serbisyong pangkalusugan ng gobyerno.

Kabilang na rito si Lydia Bentulan, residente ng Payatas. “Kahit na libre na sinasabi nila, hindi naman talaga libre sa mga publikong ospital. Kailangan mo pa ring magbayad. Kailangan mo pa ring bumili ng mga gamot. Kailangan mo pa ring mamasahe,” ayon kay Aling Lydia.

Ayon kay Aling Lydia, taong 1983 nang mamatay ang kanyang ama at tatlong kapatid na hindi nadadala sa ospital. Taong 1986 nang mamatay naman ang kanyang nanay at kanilang bunso na hindi nabibili ang niresetang gamot ng doktor. At nitong 2012, namatay naman ang kapatid nito na hindi rin nabibili ang gamot na nireseta.

“Bago mo mailabas ang bangkay sa ospital kailangan mo magbayad. Tapos private din ang punerarya dahil wala naman publikong funerarya. Kaya mahirap talaga para sa aming mahihirap,” aniya.

Marami silang nakararanas nito. Ayon kay Dr. Julie Caguiat ng Network to Oppose Privatization, anim sa bawat 10 mga nagkakasakit na Pilipino ang namamatay na hindi man lamang nagkakapagpatingin o nakakapunta sa ospital.

Samantala, nasa 80% ng batang Pilipinong nagkakasakit ang namamatay sa mga karamdamang maaari namang malunasan.

Publiko patungong pribado

Ayon sa NOP, dekada ’70 pa o sa panunungkulan pa ni dating pangulong Ferdinand Marcos ang isyu ng pribatisasyon na dumaan sa iba’t ibang pangalan sa bawat rehimen. At ngayon, sa PPP ng administrasyong Aquino tuluyan nang naging bukas ang pinto ng serbisyong publiko tungo pribado.

Nitong Mayo 16, inaprubahan ng House Committee on Health ang Hospital Corporatization Bill (HB 6069) ni Bacolod Rep. Anthony Golez na naglalayong gawing “korporasyon” ang 26 na pampublikong ospital sa bansa. Ang Senate Bill 3130 naman ni Sen. Franklin Drilon ang counterpart nito sa Senado.

Pangamba ng Alliance of Health Workers (AHW), ang pakiling sa komersiyal na interes ng korporatisasyon higit sa serbisyong panlipunan ang maglalayo sa akses ng mga mamamayan sa mga serbisyong pangkalusugan.

Halimbawa umano nito ang Rizal Medical Center. Pangunahing isinailalim sa PPP ang naturang ospital. Nagpirmahan na ng Memorandum of Agreement noong Hunyo 19 sina RMC Director Relito Saguilayan, Department of Health Sec. Enrique Ona at si Manuel V. Pangilinan, dambuhalang negosyante at tagapangulo raw ng Makati Medical Center Foundation.

Sa naturang kasunduan, nangangamba ang AHW na lalong maging mahal ang serbisyong pangkalusugan sa naturang ospital. Tinatayang nasa 583 pasyente pa naman ang natatanggap ng RMC sa 300 higaang kapasidad nito sa isang takdang panahon at nakapanggagamot ng umaabot sa 300 outpatients araw-araw sa mga residente ng Pasig, Taguig, Marikina, Taytay, Tanay, Antipolo, Mandaluyong, maging galing Makati, Sucat, Muntinlupa at Paranaque.

Nangangamba rin ang AHW para sa mga pasyente ng National Center for Mental Health. Bagamat hindi sasailalim sa pribatisasyon ang ospital na ito, nakatakda naman itong ibenta naman na walang tiyak na paglilipatan para sa 4,200 pasyente nito. Nakapaloob ang NCMH sa buong Welfareville kabilang ang 20,000 pamilya na nakatakdang idemolis na hindi makakapagbayad sa itatayong medium-rise buildings.

Nakatakdang sumailalim sa bidding ngayong Hulyo ang Welfareville at NCMH sa pribadong mga kompanya, sang-ayon sa plano ng gobyerno na Welfareville Development Plan (WDP) na itinutulak ni Department of Social Welfare and Development Sec. Corazon “Dinky” Soliman.

Samantala, ang Philippine Orthopedic Center naman, may panganib ding maisapribado pagpasok ni Pangilinan bilang kasosyo sa kasunduang PPP.

Kabilang sa iba pang sasailalim sa “korporatisasyon ang Jose R. Reyes Memorial Medical Center, Cagayan Valley Medical Center, Baguio General Hospital and Medical Center, Bicol Medical Center, Quirino Memorial Medical Center, Amang Rodriguez Medical Center at San Lazaro Hospital.

Kasama pa rito ang Eastern Visayas Regional Medical Center, Western Visayas Medical Center, Northern Mindanao Medical Center, Southern Philippines Medical Center, Zamboanga City Medical Center, Cotobato Regional and Medical Center, Caraga Regional Hospital, Davao Regional Hospital, at iba pa.

Kulang na pondo naging negosyo

Dahil sa pagtulak ng pamahalaan sa mga ospital na maging self-sufficient dahil sa kakulangan ng pondo, sari-saring iskema na nagtutulak sa pagkakaroon ng karagdagang kita ang mga ospital.

Kung maaprubahan, tataas ang badyet ng DOH na P 56.8 Bilyon para sa 2013 mula P44.4-B ngayong 2012. Labas dito ang badyet para sa PGH na kasama sa badyet ng Unibersidad ng Pilipinas.

Subalit ayon kay Gabriela Rep. Emmi De Jesus, nasa 1.89 porsyento lamang ito ng Gross Domestic Product na nairehistro ng National Economic Development Agency para sa ikatlong kuwatro ng 2011 o tinatayang nasa P0.62 lamang ang nakalaang pondo ni Aquino para sa kalusugan ng bawat Pilipino sa 2013. Malayo ito sa internasyunal na rekomendasyon ng United Nations Educational, Scientific and Cultural Organization (Unesco) na 5 porisyento ng GDP ang dapat nakalaan para sa kalusugan.

Ayon kay Dr. Caguiat, nasa 3 porisyento lamang ng GDP ang kabuuang gastusin sa kalusugan.

“Sa 41,000 na pamayanan sa buong bansa, nasa 17,000 lamang nito ang mayroong establisimyento ng gobyerno para sa kalusugan. Subalit karamihan sa mga ito hindi nagtatagal dahil kulang ng doktor, nars, gamot, kagamitan at community health workers dahil sa kakulangan ng badyet,” ayon kay Dr. Caguiat.

Sa Philippine General Hospital, inaprubahan sa UP Board of Regents noong Hunyo 4 ang “Class D for the Underserved and Underprivileged Patients of the UP Manila Philippine General Hospital,” na nag-aapruba na ang mga Class D patients na dating walang binabayaran sa 192 service examinations nito ay sisingilin na ngayon. Maliban sa natitira pang 12 service examinations na nananatiling libre.

Sa National Kidney and Transplant Institute, nangangailangan ng deposito ang mga pasyente kahit sa mga emergency bago ma-admit. Bagamat may pag-unlad sa mga pasilidad ng NKTI, ang mga serbisyo nito ay napakamahal na tanging mga mayayaman at dayuhan lamang na pasyente ang may kakayahang makapagbayad.

“Sa 10 nagpapa-kidney transplant, isa lamang ang Pilipino at siyam ang dayuhan,” Fernando Liberato, opisyal ng Kidney Transplant Association of the Philipppines, Inc (Kitap).

Samantalang sa Philippine Heart Center naman, bumaba mula 70% patungong 20% ang charity beds. Ang mahabang listahan nito na umaabot sa 1,600 na naghihintay para sa operasyon ay umuunti dahil marami ang nangangamatay bago maoperahan, ayon sa AHW.

Sa Philippine Children’s Medical Center, isinasangla ng mga pasyente ang kanilang mga ari-arian gaya ng cellphone, relo, rice cooker, maging titulo ng kanilang mga lupa sa mismong sa ospital para makauwi.

“Kami po sa Tala [leprosarium], kami po dati ay nasa 1,700 na pasyente subalit dahil sa phase-out nasa 400 na lamang po kami. Tuwang tuwa pa ang gobyerno sa tulong ng kung anu-anong samahan dahil nakakamenos sila. Subalit walang nararamdamang tulong ang mga ketongin bagkus inilalaan nila kung saan-saang proyekto. Hindi nakikinabang, nagagasgas ang pangalan ng ketongin,” pahayag ni Boy Torres mula sa Tala Leprosarium.

Ayon kay Torres, pinasok na rin ng pribadong interes ang lupa sa Tala at pinauupahan sa mga negosyante tulad ng dalawang cell sites dito.

Sa Western Visayas Medical Center (WVMC), mayroon lamang itong 400 higaan para sa 600 pasyente na pinaglilingkuran ng 102 regular na kawani lamang. Lahat din ay may bayad gaya ng alcohol, bulak at iba pa, ayon kay Dr. Edwin Huervana.

Pagkaltas-Pagtanggal-Panggigipit

May sakit na nga ang mga mamamayan dahil sa iba't ibang pagpapahirap sa kanya, ayon sa Gabriela, lalo pang pinahihirapan dahil sa patakaran ni PNoy na pagsasapribado sa mga serbisyong panlipunan. Kuha sa rali ng Gabriela sa Mendiola noong Hulyo 18. (KR Guda)
May sakit na nga ang mga mamamayan dahil sa iba’t ibang pagpapahirap sa kanya, ayon sa Gabriela, lalo pang pinahihirapan dahil sa patakaran ni PNoy na pagsasapribado sa mga serbisyong panlipunan. Kuha sa rali ng Gabriela sa Mendiola noong Hulyo 18. (KR Guda)

Kasabay ng kanilang pagharap sa mga banta ng pribatisasyon, pagkaltas sa kanilang mga benepisyo at pangambang tanggalan ng trabaho dulot ng PPP ang kinahaharap sa kasalukuyan ng sektor pangkalusugan.

Enero nitong taon, kinaltasan ang subsistence allowance ng mga kawaning pangkalusugan mula P50 patungong P30 kada araw at ang kanilang laundry allowance na P130 mula P150 kada buwan. Samantalang pitong buwan na walang natatanggap na hazard pay ang mga ito at nitong lamang Hunyo 25, ibinaba ng DOH ang Memorandum Order No. 2012-0181 na nagpapatigil sa pagbibigay ng hazard pay.

Tinatayang nasa P2,000 hanggang P8,000 kada buwan ang hazard pay ng mga kawaning pangkalusugan ang hindi nila natanggap mula Enero. Ang ibang ospital nakatanggap subalit pinapirma ng waiver gaya ng sa WVMC.

Ayon kay Robert Mendoza, pangkalahatang kalihim ng AHW, nakalagay ang mga nasabing benepisyo sa ilalim ng Magna Carta of Health Workers (RA 7305) at Joint Resolution No. 4 o Salary Standardization Law III (SSL3) at ilegal na tinanggal mula sa kanila ng DOH at Department of Budget and Management.

Ikinapapangamba naman ngayon ng regular na mga kawani ng RMC ang pangambang pagtanggal sa kanila sa kanilang mga trabaho dahil sa pribatisasyon na tiyak pipilitin ng mga “negosyante” na mga kontraktuwal ang mga kawani ng ospital, ayon sa AHW.

“Upang maging madulas ang kanilang pagkokorporatisa o pagsasapribado, una nilang tatanggalin ang mga makabayang unyon o di kaya ay palitan ng mga magiging sunud-sunuran sa kanila,” Remy Ysmael ng Tondo Medical Center.

Philhealth: malalang solusyon

Ayon naman Dr. Gene Nisperos ng Health Alliance for Democracy (HEAD), hindi puwedeng paghiwalayin ang usapin ng Philhealth at pribatisasyon.

“Si Sec. Ona mismo ang nagsabi na okey lang daw maisapribado ang mga ospital dahil Philhealth naman daw ang magbabayad,” ayon kay Nisperos.

Pero paliwanag niya, sa top 10 na ospital na nagpapareimburse sa Philhealth noong 2006, tanging ang Davao Medical Center lamang ang publikong ospital.

Inihayag naman ng DOH ang pagpapalit sa charity wards patungong Philhealth wards sa mga ospital. Ibig sabihin, ang mga may Philhealth na lamang ang magkakaroon ng akses sa wards sa ospital. Ayon sa DOH nasa 87% ang sakop ng Philhealth.

Ayon naman sa Ibon Foundation, isang independiyenteng institusyong pananaliksik, sa taong 2008 nasa 40% lamang ng pamilyang Pilipino ang sakop ng Philhealth na nasa 7% lamang ng kabuuang gastos sa kalusugan ng bansa at iniiwan ang 58% gastusin sa bulsa ng mga mamamayan.

Nasa 20-30% lamang ng kabuuang gastusin ng ospital ang binabayaran ng Philhealth, ayon kay Dr. Caguiat.

“May Philhealth man o wala, tungkulin ng gobyerno na magbigay ng serbisyong pangkalusugan sa tao,” ayon kay Dr. Emma Manuel, president emeritus ng AHW.

Ayon kay Nisperos, walang halaga ang sakop ng Philhealth kung nanatiling napapabayaan ang public healthcare system. May problema ang mismong Philhealth dahil nila alam ng kabuuang miyembro nila ang kanilang 15-taong operasyon. Hindi kayang takpan ng Philhealth ang kakulangan ng pondong inilalaan ng gobyerno sa kalusugan.

Magagamit lamang ang Philhealth sa mga ospital na accredited nito. Kung ang isang lugar ay may ospital at hindi accredited ng Philhealth, hindi rin ito mapapakinabangan, dagdag ni Nisperos.

Higit sa pangalan

Para kay Aling Lydia, maaaring hindi ang kuwento nya ang pinakamasaklap sa serbisyong pangkalusugang natatanggap ng mga Pilipino. Pero para kay Aling Lydia, wala sa pangalan ng programa ang tunay na serbisyong pangkalusugan kahit paano pa ito pagandahin.

Sa huli, ang kalusugan ng mga mamamayan ay repleksiyon ng kalusugan ng gobyernong may tungkuling pangalagaan ang kalusugan ng mga mamamayan at mga kawaning naglilingkod para dito.